2020
Ang Pagpili ni Lila
Hulyo 2020


Ang Pagpili ni Lila

Ang awtor ay naninirahan sa Corrientes, Argentina.

“Ang katawan kong templong handog sa ’kin ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 73).

Gusto ni Lila na piliin ang tama.

Lilas Choice

“Oras na para magbasa ng banal na kasulatan!” sabi ni Lila.

Gustung-gusto ni Lila na binabasahan ang kanyang nakababatang kapatid na si Ánika at ang kanyang bunsong kapatid na si Svetan. Malapit nang mabinyagan si Lila! Para maging handa, ninais niyang magbasa ng mga banal na kasulatan araw-araw.

Binuklat ni Lila ang unang pahina ng aklat ng mga kuwento sa banal na kasulatan. Lumapit sina Ánika at Svetan para makita nila ang mga larawan.

“Makinig kayong mabuti dahil tatanungin ko kayo mamaya,” sabi ng Lila. Pagkatapos ay sinimulan niyang basahin ang unang kabanata.

“Bago tayo isinilang, nabuhay tayo sa langit,” pagbasa ni Lila. “Wala pa tayong mga katawan. Tayo ay mga espiritu pa lamang.”

Tiningnan nina Lila, Ánika, at Svetan ang mga larawan ng mga taong nakadamit ng puti.

“Handa na ba kayo para sa unang tanong?” Bumaling si Lila kay Ánika. “Saan ka nanggaling bago ka isinilang?”

Pumalakpak si Ánika. “Sa langit!”

“Tama,” sabi ni Lila. “At saan naman nanggaling si Svetan?”

“Galing din siya sa langit,” sabi ni Ánika. Humagikhik si Svetan at inilagay niya ang kanyang kamao sa kanyang bibig. Natawa sina Lila at Ánika. Si Svetan ang pinaka-nakakatuwang isang taong gulang sa Argentina!

“Galing sa langit ang ating buong pamilya,” sabi ni Lila. “Pati si Jesus. Pumarito Siya upang tulungan tayo para makapiling nating muli ang Ama sa Langit.” Itinuro ni Lila ang larawan ni Jesus sa pahina.

Pagkatapos niyang magbasa, patuloy na inisip ni Lila kung ano kaya ang pakiramdam ng makapiling si Jesus sa langit. Gusto niyang maging katulad ni Jesus. Gusto niyang palaging piliin ang tama!

Nang sumunod na araw sa paaralan, kumalam ang sikmura ni Lila habang naghihintay siya sa pila para sa almusal. Halos malasahan na niya ang mga empanada habang inilalagay ni Señora Ruiz ang mga ito sa kanyang pinggan. Ang bangu-bango ng mga ito!

Pagkatapos ay binigyan ni Señora Ruiz ng isang basong gatas si Lila. Naku, naisip ni Lila. Mukhang iba ang kulay ng gatas ngayon. Kung minsan, ang kanyang paaralan ay naghahalo ng kape o tsaa sa mga inumin.

“May kape o tsaa po ba sa gatas ngayon?” tanong ni Lila.

Sumenyas si Señora Ruiz gamit ang kanyang kamay. “Kaunting kape,” sabi nito. “Ni hindi mo iyon malalasahan.”

Nag-isip sandali si Lila. Naalala niya kung gaano niya kagustong tularan si Jesus at piliin ang tama. Alam niya na ang pag-inom ng kape ay isang bagay na sinabi ng mga propeta na huwag gawin.

“Salamat na lang po. Hindi po ako iinom ng gatas ngayon,” sabi ni Lila. Nginitian niya si Señora Ruiz. Pagkatapos ay umupo na siya para kumain.

Noong gabing iyon, tinulungan ni Lila si Papi na maghugas ng mga pinggan sa kusina. Iniisip pa rin niya ang kuwento sa banal na kasulatan. Iniisip din niya ang gatas.

“Papi?”

“Ano iyon?” sabi ni Papi.

Bakit po nais ng Ama sa Langit na magkaroon tayo ng mga katawan?

Nag-isip si Papi habang hinuhugasan ang isa pang plato. “Binigyan Niya tayo ng mga katawan para maging katulad Niya tayo,” sabi nito. “Ang iyong katawan ay isang tahanan para sa iyong espiritu. Iyon ang ibig nating sabihin kapag sinasabi natin na ang ating mga katawan ay mga templo.”

Tumango si Lila. Kung minsan ay kumakanta siya ng isang awit tungkol doon sa Primary! “Kaya po ba nais ng Ama sa Langit na pangalagaan natin ang ating mga katawan?”

“Mismo,” sabi ni Papi.

“Kanina po sa paaralan, hinaluan nila ng kaunting kape ang gatas,” sabi ni Lila. “Pero hindi ko po iyon ininom. Sinisikap ko pong alagaan ang aking templo.”

“Ipinagmamalaki kita,” sabi ni Papi. Pinatuyo niya ang kanyang kamay gamit ang isang tuwalya at niyakap niya si Lila.

Niyakap nang mahigpit ni Lila si Papi. Masaya siyang pangalagaan ang katawang ibinigay sa kanya ng Ama sa Langit. ●