“Sino ang Nakabangga sa Aking Anak?”
Nakinita ko na ang aking sarili na sinisigawan ang taong nakabangga sa aking anak hanggang sa makaharap ko ang drayber.
Kahahatid ko pa lang sa aking anak na babae sa bahay ng isa niyang kaibigan nang makatanggap ako ng tawag mula sa asawa kong si Jonathan. Sinabi niya sa akin na nabangga ng isang kotse ang aming 11 taong gulang na anak na si Aiden habang tumatawid sila ni Jonathan sa kalye.
Kumaliwa ang drayber sa harapan ni Jonathan at hindi nito nakita si Aiden na sakay ng kanyang bisikleta. Nabangga ng drayber ang harap ng bisikleta ni Aiden. Tumilapon siya sa ere, habang nakahawak pa rin sa bisikleta, at tumama ang kanyang ulo sa gilid ng kotse pagbagsak niya. Pagkatapos ay lumagpak siya sa kalsada na nasa ibabaw niya ang bisikleta. Mabuti na lang, may suot siyang helmet. Tumigil ang drayber at ang ilan pang mga tao para tumulong habang tumatawag ng ambulansya si Jonathan.
Biglang nagkagulo ang aking isipan at damdamin. Nagmadali akong magmaneho papunta sa kalye kung saan naganap ang aksidente, sa pag-asang maabutan ko ang ambulansya para masamahan ko si Aiden.
Naisip kong komprontahin ang drayber. “Ano ba ang iniisip ng drayber?” naisip ko. “Lasing ba siya? Gamit ba niya ang kanyang telepono?” Galit na galit ako at alalang-alala. Wala akong ideya kung gaano nasaktan si Aiden.
Pagdating ko sa pinangyarihan ng aksidente, nakaalis na ang ambulansya. Ang natira na lang ay ilang kotse ng pulis at isang kotseng nakaparada sa tabi ng kalsada. Nakatayo sa tabi ng kotse ang isang babaeng mukhang balisa.
Nilapitan ko siya at tinanong, “Nakita mo ba kung sino ang nakabangga sa aking anak?”
Tahimik niyang sinabi, “Ako iyon.”
Nakinita ko na ang aking sarili na sinisigawan ang taong nakabangga sa aking anak, pero nang makaharap ko ang drayber, naglaho ang aking galit. Napaiyak ako at niyakap ko siya. Humingi siya ng tawad, at sinabi ko sa kanya na magiging maayos ang lahat. Nalaman ko kalaunan na iyon mismo ang sinabi sa kanya ni Aiden bago dumating ang mga pulis. Sa huli, nalampasan iyon ni Aiden na may kaunting galos lang at pasa.
Nagpapasalamat ako na sa mahalagang sandaling iyon, biniyayaan ako ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ng lakas na magpatawad sa halip na magalit, kahit hindi ko iyon hiniling sa Kanya. Alam ko na alam Niya ang nangyayari sa atin at palagi Niya tayong inaalok ng tulong.