Digital Lamang: Mga Young Adult
Paano, Bakit, Kailan, at Saan Mag-iipon ng Pera
Artikulong inihanda sa pagsangguni kay E. Jeffrey Hill, PhD, researcher tungkol sa kabuhayan ng pamilya
Hulog-ng-langit man ang turing mo sa pera o isang masamang pangangailangan lamang, ito ay talagang kailangan. Pero bilang mga young adult, madalas nating madama na parang wala tayong sapat na pera kailanman para sa ating mga pang-araw-araw na pangangailangan, maliban pa sa anumang mga di-inaasahang emergency! Kaya nga napakahalagang magkaroon ng ipon.
Para matulungan ka, narito ang limang tip upang masimulan ang pagpapalago ng ipon mo nang maaga para matamasa mo ang mga pagpapala ng katatagang pinansyal kalaunan.
-
Paano? Magsimula sa paggawa ng badyet. Planuhing mabuti kung magkano sa kita mo ang mapupunta sa pagbabayad ng ikapu at mga pangangailangan mo (mga bayarin, pagkain, utang, atbp.). Anuman ang natira ay magbibigay sa iyo ng ideya kung magkano ang maiipon mo bawat buwan at kung magkano ang matitira para ipambili ng mga gusto mo.
Alamin sa iyong financial institution ang mga opsiyon para maging mas madali ang pag-iipon, tulad ng awtomatikong paglalagay ng ilang porsiyento ng iyong kita sa iyong savings account buwan-buwan. Sa gayon, hindi mo na kailangan pang pag-isipan iyan! At tiyakin na samantalahin ang anumang uri ng retirement savings plan na maaaring ialok ng employer mo.
-
Kailan? Ngayon! … O magsimula ka man lang sa susunod mong suweldo. Maaaring pakiramdam mo ay wala kang badyet sa pag-iipon ngayon mismo, pero sa pagsisimulang mag-ipon ng kahit kaunti lamang buwan-buwan, magkakaroon ka ng isang gawi na magpapala sa iyo sa hinaharap!
-
Magkano? Ipunin ang lahat ng perang kaya mong ipunin ayon sa badyet mo. Kung kukulangin ka o may utang ka, maaari kang mag-ipon ng kahit 5 porsiyento lamang buwan-buwan. Pero habang lumalaki ang kinikita mo, maaari mong gawing 10 o 15 porsiyento iyan o mahigit pa habang lumalaon. Maaaring ang isang magandang mithiin ay ang magkaroon ng pera para sa isang buwang emergency supply man lang. Pagkatapos ay magsimulang mag-ipon ng sapat para sa 3 hanggang 6 na buwan at patuloy itong dagdagan.
-
Saan? Magandang ideya na ilagay ang naipon mong pera sa sariling account nito—na hahadlang sa iyo na matuksong gamitin ito sa mga pang-araw-araw na bagay. Kung nag-iipon ka para sa isang partikular na bagay, subukang mag-set up ng isang partikular na account na maaari mong pangalanan (tulad ng “sofa” o “laptop”) na magpapaalala sa iyo ng iyong mithiin.
Kung may mga tanong ka pa, kausapin ang isang financial advisor. Matutulungan ka nilang gumawa ng mga mithiin sa pag-iipon batay sa sitwasyon ng iyong pananalapi.
Higit sa lahat, tandaan na ang unang hakbang sa pinansyal na seguridad ay bayaran muna ang iyong ikapu! Magtiwala sa pangako ng Panginoon na “bubuksan [Niya ang] mga dungawan sa langit, at ihuhulog [Niya] sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan” (Malakias 3:10; 3 Nephi 24:10). Kung minsa’y inaasahan natin na darating ang mga pagpapalang iyon bilang perang bumubuhos sa atin, ngunit tandaan na ang mga pagpapalang ito ay maaaring kabilangan ng mga espirituwal na bagay (tingnan sa David A. Bednar, “Mga Dungawan sa Langit,” Liahona, Nob. 2013, 17–20).
Sinabi ng Panginoon na “layunin [Niya] na maglaan para sa [Kanyang] mga banal” (Doktrina at mga Tipan 104:15). Ang pag-iipon ng pera ay maaaring tila mahirap—lalo na bilang isang young adult, kapag napakaraming aspeto sa buhay mo ang hindi matatag—ngunit paunti-unti, magagawa mo ito. Tutulungan ka ng Ama sa Langit na baguhin ang iyong mga gawi at prayoridad para makaasa ka sa sarili at maging matatag ang kabuhayan mo.