2020
Bakit Nais ng Ama sa Langit na Makatapos Ako ng Pag-aaral
Hulyo 2020


Mga Young Adult

Bakit Nais ng Ama sa Langit na Makatapos Ako ng Pag-aaral

Anuman ang iyong mabubuting hangarin, maglalaan ng paraan ang Ama sa Langit para matamo mo ang mga ito.

Gloria Cornelio

Mula pa noong bata ako, gusto ko nang maipagmalaki ako ng aking Ama sa Langit at ng aking pamilya sa kasalukuyan at sa hinaharap. Gusto kong pag-aralan ang lahat ng maaari kong pag-aralan upang mapabuti ang aking sarili at ang aking buhay.

Sa aming bansang Peru, napakamahal ng de-kalidad na edukasyon at, sa ilang partikular na lugar, walang access dito. Wala ring sapat na kakayahang pinansyal ang aking pamilya para matustusan ang aking pag-aaral. Pero itinuro sa akin ng aking mga magulang na ang pagsisikap, pagiging masigasig, at paghingi ng tulong sa Ama sa Langit ay makakatulong upang matupad ang ating mabubuting hangarin. At pinlano kong magsikap.

Noong nasa elementarya at hayskul ako, naging masigasig ako sa aking pag-aaral para mapahusay ko ang aking sarili bawat taon. Pagkatapos ng hayskul, ako ay natanggap sa nangungunang unibersidad sa Peru at nabigyan ng magandang iskolarsip. Habang naroon, ako ay nakipagtulungan sa ilang organisasyon, kabilang na ang internship sa isang pandaigdigang organisasyon, at nagkaroon ng pagkakataong mamuno sa maraming iba’t ibang uri ng proyekto.

Sa internship na iyon, nadama ko na ito ay magandang pagkakataon para sa akin na makapag-aral ng Ingles. Kaya nagpasiya akong lumipat sa Brigham Young University–Idaho. Parang nakakatakot, pero alam ko na tutulungan ako ng Ama sa Langit na makamit ang mithiing ito—kailangan ko lang magtiwala sa Kanya at gawin ang aking bahagi.

Pagbabago ng mga Plano

Nakahanda na akong pumunta sa BYU–Idaho, pero noong nag-aasikaso ako ng mga papeles, nakaramdam ako ng matinding pahiwatig na kailangan ko munang magmisyon bago ako lumipat doon. Kaya sinunod ko ang kalooban ng Ama sa Langit at tinawag akong maglingkod sa Trujillo, Peru. Nang makauwi ako, pinlano kong bumalik sa unibersidad sa Peru dahil nadama ko na mabilis akong makakakuha ng digri roon. Pero nalaman ko na binawi ang aking iskolarsip roon dahil huminto ako sa pag-aaral nang mahigit isang taon upang magmisyon.

Ako ay nanlumo at nagulumihanan. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng pahiwatig na magmisyon kung ang kapalit niyon ay ang pagkawala ng aking pagkakataon na magkaroon ng digri sa kolehiyo.

Pero isang araw, naalala ko ang sinabi sa amin ng aking mission president tungkol sa BYU–Pathway Worldwide. Inanyayahan niya kaming pagbutihin ang pagsasalita namin ng Ingles at samantalahin ang pagkakataong ito kapag nakauwi na kami—at ginawa ko iyon!

graduates

Ang Aking Karanasan sa BYU-Pathway Worldwide

Alam ko na hindi lamang nagkataon na nasabi sa akin ng aking mission president ang tungkol sa BYU–Pathway. Nang magsimula ako sa Pathway program, kinailangan kong bumiyahe nang halos tatlong oras bawat linggo para makipagkita sa aking grupo. Marami akong isinakripisyo, ngunit alam ko na mahalaga kapwa sa akin at sa Panginoon na makatapos ako ng pag-aaral. At ang mga sakripisyong iyon ay nagbunga ng maraming pagpapala.

Ang BYU–Pathway Worldwide ang magandang pagkakataon na matagal ko nang hinahanap. Binigyan ako nito ng pagkakataong makapag-aral sa abot-kayang halaga, magkaroon ng oras na makapagtrabaho, at makapag-aral ng wikang Ingles. At sa lahat ng ito, nagkaroon ako ng mabubuting kaibigan na naghikayat sa akin na maging matapang at patuloy na pagsikapan ang aking mga mithiin. Ako ay mas lumakas sa espirituwal at naging mas mabuting disipulo ni Jesucristo.

Sa huli, ako ang naging pinakaunang dayuhang estudyante na nakatanggap ng digri ng batsilyer sa pamamagitan ng BYU–Pathway Worldwide. Nagkaroon ako ng magagandang pagkakataon dahil sa edukasyon. Ngayon, isa akong welfare and self-reliance specialist para sa South America Northwest Area ng Simbahan, at isa rin akong volunteer missionary para sa BYU Pathway sa Peru. Marami akong nakikitang potensyal sa bawat estudyante, at hinihikayat ko silang sumulong tulad nang paghikayat sa akin ng aking mga kaibigan sa paaralan. Sa pamamagitan ng karanasang ito, natanto ko na kasama ko ang Ama sa Langit sa lahat ng pangyayaring ito.

Nais ng Ama sa Langit na Magtagumpay Tayo

Napalakas ng aking karanasan ang aking patotoo tungkol sa edukasyon. At pinaplano ko pa ring patuloy na umunlad at matuto hangga’t kaya ko sa bawat araw. Narito tayo sa lupa upang umunlad, masubukan, lumago, patunayan ang ating pagkamasunurin, at umasa sa Tagapagligtas para maging karapat-dapat na makabalik sa ating Ama sa Langit. Sa Diyos, “ang lahat ng bagay … ay espirituwal”—kabilang na ang edukasyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:34). Lahat ng karanasang mayroon tayo at lahat ng kaalamang natatamo natin sa lupa ay tutulong sa atin na maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas at ihahanda tayo ng mga ito upang makagawa ng mas mabubuting pagpili, higit na makapaglingkod sa daigdig, at maging mas magagaling na kasangkapan sa Kanyang mga kamay.

Ang edukasyon ay naglalaan ng paraan para magtamo ng kaalaman at pagkatapos ay kumilos, manindigan sa katotohanan at tama, at magkaroon ng buhay na nais ng ating Ama sa Langit para sa atin—isang buhay na puno ng kagalakan.

Alam ko na pagpapalain ng ating Ama sa Langit ang lahat ng ating pagsisikap, lalo na kapag ang hangarin ng ating puso ay umunlad at maglingkod sa Kanya at sa Kanyang mga anak. Alam ko na kapag Siya ay nagbigay ng kautusan sa Kanyang mga anak, “siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7). Nais Niyang magtagumpay tayo!

Dapat samantalahin ng bawat isa sa atin ang bawat pagkakataon para sa edukasyon at pag-unlad na inilalagay ng Panginoon sa ating landas, ito man ay sa pamamagitan ng BYU-Pathway o ng anumang iba pang pagkakataon para sa edukasyon. Mahal Niya tayo at palagi Niya tayong papatnubayan. Nais Niyang matutuhan natin ang lahat ng maaari nating matutuhan dito sa mundo. At alam ko na makakaranas tayo ng malalaking himala kapag tayo ay masayang nagsisikap at nagtitiwala sa Kanyang patnubay. Alam ko dahil nangyari iyon sa akin.