2020
Isinantabi Nila ang Kanilang mga Pagsubok
Hulyo 2020


Isinantabi Nila ang Kanilang mga Pagsubok

Noong araw na iyon, sina Kendra, Brent, at Tyson ay mga tunay na halimbawa ng paglilingkod na katulad ng kay Cristo.

people at the door

Paglalarawan ni Trent Gudmundsen

Lahat tayo ay nakakaranas ng tagumpay at kabiguan sa buhay, ngunit ang 2013 ay napakahirap na taon para sa aming pamilya. Nagkaroon kami ng maraming di-inaasahang gastos sa pagpapaayos ng bahay at sasakyan. Nawalan ng trabaho ang asawa kong si Ryan, at ang bunso namin ay isinilang na may mga kumplikasyon at kinailangang manatili nang ilang linggo sa neonatal intensive care unit. Nahirapan din ako sa postpartum depression. Ang mga sitwasyong ito, kasama na ang pagiging magulang sa apat na maliliit na anak, ay nagdulot sa amin ng mga paghihirap sa pinansyal at emosyonal.

Nakahanap si Ryan ng bagong trabaho, pero mahaba ang oras ng kanyang trabaho at kinakailangan niyang mawala sa bahay nang ilang linggo. Ang aming limang taong gulang na anak na si Wesley ay palaging balisa dahil madalas mawala ang kanyang ama. Palagi siyang nagigising sa gitna ng gabi dahil sa bangungot.

Tinutulungan ako ng aming mga kamag-anak kapag libre sila, pero madalas pa rin akong makaramdam ng kapaguran at pag-iisa. Alam ko na mahal ng Ama sa Langit ang aking pamilya at alam Niya ang nangyayari sa amin, pero pakiramdam ko ay parang lubog na kami sa problema.

Isang hapon, habang nasa ibang lugar si Ryan dahil sa trabaho, iniuwi ko ang aking mga anak mula sa paaralan at desperadong nanalangin para sa tulong. Kalaunan noong gabing iyon, kumatok sa aming pintuan ang aking kapitbahay na si Kendra. Alam niya ang tungkol sa aming sitwasyon kaya kinumusta niya ako. Wala akong balak na dumaing sa kanya, at siya ang huling taong maiisip kong hingan ng tulong. Ang asawa niyang si Brent ay apat na taon nang nakikipaglaban sa kanser.

Sinabi ko kay Kendra na ayos lang ako, pero taos-puso siyang nagtanong muli. Napaluha ako habang sinasabi ko sa kanya ang aking mga problema. Nang sabihin ko sa kanya ang tungkol sa pagkabalisa at mga bangungot ni Wesley, itinanong niya kung gusto kong pabasbasan si Wesley kay Brent.

Maya-maya pa, nasa pintuan na namin sina Kendra at Brent at ang kanilang panganay na anak na si Tyson na nakasuot ng pansimba. Mahina na ang katawan ni Brent. Sigurado akong halos maubos ang lakas niya para lang makapunta sa aming bahay. Binasbasan niya si Wesley, at binasbasan ako ni Tyson.

Noong araw na iyon, sina Kendra, Brent, at Tyson ay mga tunay na halimbawa ng paglilingkod na katulad ng kay Cristo. Isinantabi nila ang kanilang mga pagsubok para taos-pusong makapagbigay sa amin ng pagmamahal at pakikiramay. Pinagpala ako na sinagot ng Ama sa Langit ang aking panalangin sa magiliw na paraang ito. Namatay si Brent pagkaraan ng dalawang linggo.

Noong araw na iyon sa aming tahanan, tumayo si Brent bilang isang saksi ng Diyos sa pamamagitan ng matwid na paggamit ng priesthood (tingnan sa Mosias 18:9). Para sa akin, sagrado iyon dahil ang kanyang paglilingkod sa aming pamilya ang isa sa mga huling ginawa niya sa mundo.