Ang Maliit na Bagon ng mga Tinapay
Ang awtor ay naninirahan sa Vermont, USA.
“Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).
Idinilat ni Sammy ang kanyang mga mata at humikab siya. May naamoy siya na masarap.
Mmmm, gumagawa ng tinapay si Papa! naisip ni Sammy.
Gumagawa ng tinapay si Papa para sa kanilang pamilya tuwing Sabado. Mahilig manood si Sammy habang inilalabas ni Papa ang malutong at kulay brown na tinapay mula sa hurno. Palaging ibinibigay ni Papa kay Sammy ang unang hiwa ng tinapay.
Pero hindi Sabado ngayon, naisip ni Sammy. Bakit gumagawa ng tinapay si Papa?
Bumangon si Sammy mula sa higaan at nagpunta siya sa kusina. Tinanong niya si Papa kung ano ang nangyayari.
“Naaalala mo ba kung ano ang ipinapagawa sa atin ng ating bishop?” tanong ni Papa.
Tumango si Sammy. “Sinabihan niya po tayo na tumulong sa mga tao. At natatandaan po ba ninyo na tinulungan ko po si Sister Martin na dalhin ang kanyang bag sa itaas?
“Maganda ang ginawa mo,” sabi ni Papa. “Ipinagdasal ko kung paano ako makakatulong. Naisip kong gumawa ng mga tinapay na ipamimigay.”
Sumilip si Sammy sa hurno. Binilang niya ang mga tinapay.
“Isa … dalawa … tatlo … apat. Kanino po ninyo ibibigay ang mga tinapay?”
“Diyan ko kailangan ang iyong tulong,” sabi ni Papa. “Ang isa sa mga tinapay ay para kay Sister Martin. At ang dalawa ay para sa pamilya Miller. Kanino natin ibibigay ang pang-apat na tinapay?
Pinag-isipan ito ni Sammy.
“Kung kay Ginoong Lee po kaya?” tanong ni Sammy. Nakatira si Ginoong Lee sa gusali ng kanilang apartment. Bihira lang siyang lumabas ng bahay. Kadalasan ay minamasdan lang niya ang mga tao mula sa kanyang bintana.
“Maganda ang naisip mo,” sabi ni Papa.
Matapos maluto ang mga tinapay, tinulungan ni Sammy si Papa na balutin ang mga ito. Pagkatapos ay kinuha niya ang kanyang bagon. Inilagay nila ang mga tinapay sa loob nito.
“Handa nang umandar ang bagon ng mga tinapay!” sabi ni Sammy.
Tinulungan ni Papa si Sammy na hilahin ang bagon. Nakadama si Sammy ng mainit at masarap na pakiramdam sa kanyang puso, tulad ng mga tinapay na ipamimigay nila! ●