2020
Pagpili sa Makipot at Makitid sa Halip na sa Malapad na Daan
Hulyo 2020


Pagpili sa Makipot at Makitid sa Halip na sa Malapad na Daan

May dalawang landas sa aking harapan, at alam ko na isa lamang ang paraan para malaman kung alin ang dapat kong tahakin.

illustration of family standing in the street

Mga paglalarawan ni Chris Ede

Lumaki ako sa Nagano, Japan sa piling ng aking mga magulang. Ang relihiyon ay bahagi ng lahat ng bagay na ginawa ng aking pamilya. Lumuluhod ang aking ama sa harap ng altar ng Budista tuwing umaga at gabi. Hindi ko inisip na isang relihiyon ang Budismo—iyon ang aming paraan ng pamumuhay. Naging madali sana para sa akin na manatiling Budista habambuhay, pero maraming beses nang napatunayan ng Diyos sa akin na hindi palaging ang madali o karaniwang paraan ang pinakamainam.

Aklat para sa Pag-aaral o Banal na Aklat?

Noong tinedyer ako, nahirapan ako nang husto sa aking identidad. Inisip ko kung bakit ako nasa mundong ito at kung anong klaseng tao ang dapat kong kahinatnan. Noong mga 13 taong gulang ako, binigyan ng punong-guro ng aking eskuwelahan ang bawat estudyante ng isang kopya ng Bagong Tipan na may magkatabing pagsasalin sa wikang Ingles at Hapon. “Hindi ito para sa mga layuning panrelihiyon,” sabi niya. “Napakahusay ng pagkakasalin nito, kaya gamitin ninyo ito sa pag-aaral ng Ingles.” Pero nang buksan ko iyon, may nakita akong mga sanggunian sa banal na kasulatan para sa mga panahong nalulungkot ka, kailangan mo ng mga sagot sa iyong mga tanong, o nahihirapan ka. Nararanasan ko ang lahat ng sitwasyong iyon!

Nagbasa ako tungkol kay Jesucristo. “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin” (Mateo 11:28). “Pasanin ang [inyong] krus, at sumunod sa akin” (Mateo 16:24). Nabigyang-inspirasyon ako ng mga salitang iyon bagama’t hindi ko iyon lubos na naunawaan. Inisip ko kung sino si Jesucristo at kung ano ang kahulugan ng tanggapin Siya bilang Tagapagligtas. Inisip ko kung ako lang ang nakadama ng gayong ugnayan sa dapat sana ay isang simpleng aklat lamang para sa pag-aaral.

building and a book

Tumakbo Palayo o Manatili at Makinig?

Pagkaraan ng ilang taon, may nakilala akong ilang missionary sa unang pagkakataon. Binalaan na ako ng aking mga magulang tungkol sa mga binata at dalagang Kristiyano na nangangaral sa paligid. Habang naglalakad ako pauwi, pinahinto ako ng isang matangkad na Amerikanong missionary na may magandang ngiti. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Natakot ako na kausapin niya ako tungkol sa kanyang Simbahan. Kung nagkagayon, siguro tumakbo na ako sa kabilang direksyon! Nagtanong lang siya kung paano magpunta sa tanggapan ng koreo. Sinabi ko sa kanya at pagkatapos ay naglakad na ako pauwi.

Habang papalayo ako, may nadama ako. Kung makita ko ulit ang mga missionary, naisip ko, kakausapin ko sila.

Hindi nagtagal pagkatapos niyon, may nakasalubong akong ibang grupo ng mga missionary. Hindi ako makapaniwala na pinapakinggan at sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ng isang batang katulad ko, hanggang sa mabasa ko ang tungkol kay Joseph Smith. Nabasa ko na sa Bagong Tipan na palaging manalangin, pero paano magpapakita ang Diyos sa isang tao? Pakiramdam ko ay kapwa radikal at tama ito. Sa halip na tumakbo palayo, pumayag akong makipagkita sa kanila para maturuan nila ako.

meeting with missionaries

Magdahilan o Tuklasin ang Katotohanan?

Pagkatapos ng isang buwan ng pakikipagkita sa mga missionary, inanyayahan nila akong magpabinyag. Ayaw ko silang tanggihan, pero nag-alangan akong talikuran ang tradisyon ng aking mga magulang at ng lahat ng nasa paligid ko. May dalawang landas sa aking harapan, at alam ko na isa lamang ang paraan para malaman kung alin ang dapat kong tahakin—kailangan kong magdasal tulad ni Joseph Smith. Tinanong ko ang Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo, kung ang mga bagay na itinuturo noon sa akin ng mga missionary ay totoo.

Doon nagbago ang lahat. Mula noon, nalaman ko na sa sarili ko na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay totoo. Walang makakakuha ng kaalamang iyon mula sa akin. Alam ko kung aling landas ang susundan, at hindi iyon mababago ng anuman.

Marami akong tanong noong mas bata pa ako. Nalaman ko na ako ay anak ng Diyos, mahal Niya ako, may plano Siya para sa akin, at nais Niyang sagutin ang aking mga panalangin. Binago ng kaalamang ito ang aking buong pananaw sa buhay. Nalaman ko na mahalaga kung sino ako at kung ano ang ginagawa ko.

praying

Gumaya sa Karamihan o Mamukod-tangi?

Bago ko nalaman na ako ay anak ng Diyos, ninais kong gumaya sa karamihan. Natakot akong mamukod-tangi. Pero nang malaman ko na ako ay anak ng Diyos, natanto ko na maaari akong mamukod-tangi; maaari akong maiba.

Ang pagdarasal at pagkatanto na ako ay anak ng Diyos ay nagbigay sa akin ng lakas-ng-loob na ipaliwanag ang nararamdaman ko sa aking mga magulang, pero hindi nila iyon lubos na naunawaan. Akala nila ako ay suwail at isip-bata pa para magpasiyang magpabinyag. Ikinahiya nila na sumusunod ang kanilang anak sa kakaibang relihiyong ito sa halip na sa kanilang mga tradisyon. Alam ko kung sino ako at kung ano ang gusto ko, pero gusto ko ring igalang ang aking mga magulang at umasa ako na igagalang nila ang aking relihiyon.

people standing in a line

Igalang ang Aking mga Magulang o Balewalain ang Kanilang mga Alalahanin?

Ipinaliwanag ko ang aking sitwasyon sa mga sister missionary. Nagkaroon sila ng ideya—maaari silang pumunta upang makipag-usap sa aking mga magulang para gumanda ang pakiramdam nila tungkol sa relihiyong ito. Sinabi ko sa kanila na natatakot ako na baka hindi pumayag ang aking mga magulang na makipag-usap sa kanila. Pagkatapos ay iminungkahi ng isa sa mga sister na sabay-sabay kaming mag-ayuno.

Nang hindi ako mag-almusal, nag-alala ang aking ina. “Bakit hindi ka kumain?” tanong niya. Ipinaliwanag ko na nag-aayuno ako, at lalo siyang nag-alala.

“Una, nagpaturo ka sa hindi kanais-nais na relihiyong ito, at ngayo’y hindi ka naman kumakain. Nag-aalala ako. Hindi ako makapaniwala! Tatawagan ko ang mga missionary na iyon.”

worried mother

Tinawagan nga niya ang mga sister, at sa kung paanong paraan ay naanyayahan pa ang mga ito na maghapunan sa aming bahay!

Naging masaya kami. Itinuro ng mga missionary sa aking mga magulang ang himnong “Ako ay Anak ng Diyos” (Mga Himno, blg. 189), at sabay-sabay namin itong kinanta. Nagustuhan iyon ng aking ama. Pagkatapos maghapunan kasama ang mga sister, hindi na nag-alala ang sinuman sa aking mga magulang tungkol sa pagsisimba ko. At nadama ko na nagawa ko silang igalang sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng ebanghelyo dahil talagang saklaw nito ang lahat ng itinuro nila sa akin. Naisip ko na kung mamahalin ko sila nang matagal at itatrato ko sila nang mabuti, kalaunan ay mauunawaan nila iyon. Inabot nang 35 taon pagkatapos ng aking binyag bago nabinyagan ang aking ina at nakapasok siya sa templo ilang taon pa lamang ang nakararaan!

Ang kaalaman na ako ay anak ng Diyos ay nakaapekto sa marami sa aking mga desisyon sa buhay. Alam ko rin na kapag sinusunod natin ang Espiritu at ginagawa natin kung ano ang ipinapagawa sa atin ng Ama sa Langit, kahit parang mahirap, pagpapalain Niya tayo. Palaging iyon ang pinakamainam na pagpili.