2020
Ignatius at Adelaide Baidoo
Hulyo 2020


Mga Larawan ng Pananampalataya

Ignatius at Adelaide Baidoo

Accra, Ghana

Baidoo family reading scriptures together

Nakita nina Ignatius at Adelaide kung paano napagpala ng programa ng Simbahan sa pag-aaral at ng pagbibigay-diin sa pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan ang mga miyembro ng kanilang stake at pamilya.

Christina Smith, retratista

Ignatius:

Nakilahok ako sa programa sa pag-aaral ng ebanghelyo bilang miyembro ng stake presidency. Bumisita ako sa isang klase at natanto ko na hindi lamang ito para sa mga taong hindi marunong bumasa at sumulat. Ito ay para sa ating lahat upang mas maunawaan natin ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Adelaide:

Marami akong kilalang sister sa aming ward na natulungan ng klase sa pag-aaral ng ebanghelyo. Hindi naging maganda ang pakiramdam ng isang sister tungkol sa kanyang sarili dahil hindi siya marunong bumasa at sumulat at hindi niya matulungan ang kanyang mga anak sa kanilang takdang-aralin. Nakilahok siya sa klase at ngayon ay kaya na niyang bumasa at tumulong. Masayang-masaya siya. Tuwing nakikita ko siya, palagi kong sinasabi, “Talagang totoo ang ebanghelyong ito. Binabago at pinagpapala nito ang buhay ng mga tao.”

Ignatius:

Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at ang pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan ay makakatulong din sa mga pamilya na sama-samang magbasa ng mga banal na kasulatan at matuto mula sa isa’t isa.

Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon. Dito sa Africa, lahat kami ay pinalaki na may-alam sa Biblia. Gayunman, marami ang hindi nakakaalam na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng malilinaw at mahahalagang katotohanan. Sa paggamit namin ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para mapag-aralan ang Aklat ni Mormon sa programa sa pag-aaral ng ebanghelyo at sa aming pag-aaral ng ebangheyo na nakasentro sa tahanan, natututuhan at nauunawaan namin ang lahat ng impormasyong kailangan namin para sumulong sa buhay na ito.

Adelaide:

Nang ipahayag ang pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan sa pangkalahatang kumperensya, naisip ko ang ilan sa mga miyembro ng aming ward at medyo nag-alala ako. Paano nila ito gagawin? naisip ko. Ipinagdasal ko na sundin sana ng mga miyembro ang paghahayag na ito. Alam ko na kung susundin nila ang sinabi ng propeta, tutulungan sila nito sa kanilang mga tahanan.

Sa aming pamilya, sinisikap at ginagawa namin ang lahat ng makakaya namin. Lahat ay kalahok. Masayang-masaya akong makita kung paano nagtutulungan ang aking mga anak habang sama-sama naming binabasa ang Aklat ni Mormon. Gustung-gusto nila ang Aklat ni Mormon. Nasisiyahan kami sa sama-samang pagbabasa at pagbabahagi ng aming mga patotoo.

Ignatius:

Sabi nga ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang kadakilaan [ay] responsibilidad ng pamilya.”1 Mahal ko ang aking asawa’t mga anak. Nais kong makapiling sila at ang ating Ama sa Langit magpakailanman, kaya kailangan naming magtulungan.

Adelaide:

Nagtutulungan din ang mga sister sa Relief Society. Kapag nagkikita-kita kami, iniisip namin, “Kailangan ako ng sister na ito” o, “Kailangan ko siya.” Nagtatabi-tabi kami at tinutulungan namin ang isa’t isa na basahin, unawain, at ibahagi ang pinag-aaralan namin. Ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya para isiping, “Kung narito ang Tagapagligtas, ano ang gagawin Niya?”

Ignatius:

May isang aspeto sa programa sa pag-aaral ng ebanghelyo kung saan ipinapaguhit sa mga estudyante kung ano ang gagawin nila para pagbutitin ang pag-aaral ng ebanghelyo at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Sa larawang iginuhit ng isang estudyante, makikitang nakapaligid sa mesa ang isang pamilya na may mga banal na kasulatan sa harap habang tinatalakay ang ebanghelyo. Talagang naantig ako niyon. Ang pag-aaral ng ebanghelyo ay hindi lamang basta pagbabasa at pagsusulat. Makakatulong din ang mga larawan para matuto tayo. Kahit iniisip natin na alam natin ang lahat, maaari pa rin nating pag-aralan ang iba pa tungkol sa ebanghelyo at palakasin ang ating patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo.

Sinasabi sa mga banal na kasulatan na dapat isama ng taong malakas ang taong mahina upang siya ay maging malakas din (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:106). Kung may ilan na ang pakiramdam ay mahina sila sa ebanghelyo, maaari natin silang paglingkuran, bawat isa, at hikayatin. Malaki ang magagawa ng ministering para mahikayat ang mga miyembro.

Tala

  1. Russell M. Nelson, “Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin,” Liahona, Mayo 2019, 89.

Baidoo children reading scriptures

Napalakas ng pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan ang mga patotoo ng mga anak ng mga Baidoo na sina Jayden at Hubert. Madalas silang mamuno sa mga talakayan ng pamilya tungkol sa ebanghelyo.

Baidoo family singing hymns

Ang pagkanta ng mga himno bilang pamilya ay nakakatulong na maanyayahan ang Espiritu sa mga home evening.

Baidoo family praying

Naging isang lugar ng pananampalataya at pagmamahal ang tahanan ng mga Baidoo dahil sa regular na panalangin ng pamilya.

Little girl praying

Natutuhan ni Ignatia ang kahalagahan ng panalangin mula sa kanyang mga magulang at mga kapatid.

Children washing dishes

Ang pagtulong sa mga gawaing-bahay, kasama ang pag-aaral ng ebanghelyo, ay nagpapala sa relasyon ng magkakapatid na Baidoo.

Mother hugging son

Ang pag-aaral ng ebanghelyo at paglilingkod sa kapamilya ay nagpalakas sa pagmamahal na nadarama ng mga Baidoo para sa isa’t isa at nagpala sa kanila sa iba pang mga paraan.

Couple praying together

Ang panalangin ng mag-asawa ay nakatulong kina Ignatius at Adelaide na akayin ang kanilang mga anak sa mga paraang itinuro ng propeta at mga apostol.