Ang Aking Bagung-Bagong, Lumang Pamilya
Ang awtor ay naninirahan ngayon sa Utah, USA.
Kung hahayaan mo ito, walang bagay na hindi kayang baguhin ng ebanghelyo.
Itinaas ng mga missionary ang isang larawan. “Ano ang nakikita mo?” tanong nila.
“Isang masayang pamilya,” sagot ko.
“Masaya ba ang lahat ng pamilya?”
Umiling ako. “Nakita naman ninyo ang aking pamilya,” paliwanag ko.
Ako ay isang 16 taong gulang na naninirahan sa Brazil, kung saan ako nakatira nang buong buhay ko. Ilang linggo na akong tinuturuan ng mga missionary, pero wala akong ibang kapamilya na gustong makinig. Noong panahong iyon, madalas makita ng mga missionary ang aking pamilya na nag-aaway at nagtatalo. Walang pagkakatulad ang aking pamilya at ang pamilyang nakangiti sa larawan.
Sabi ng isa sa mga elder, “Siguro nga hindi ganito ang iyong kasalukuyang pamilya. Pero maaari mong buuin ang iyong magiging pamilya sa ibang paraan.”
Nang matapos ang kanilang pagbisita, muli nilang hiniling na ipagdasal ko ang pinag-aralan namin. Tulad ng dati, hindi ko pormal na ipinangakong gagawin ko iyon. Nasiyahan ako sa nadama ko nang bumisita ang mga missionary, at nagkaroon ng kabuluhan ang ebanghelyo sa akin. Pero natakot ako sa sagot na maaari kong matanggap. Kung totoo ang ebanghelyo, marami akong kailangang baguhin.
Isang Bagong Pagpili
Pagkaalis ng mga elder, hindi ko napigilang mag-isip tungkol sa masasayang pamilya. Napakalayo ng aming pamilya roon. Hindi ko kasama ang aking ama. Hindi maganda ang relasyon namin ng aking ina. Si Lola ang nag-alaga sa amin, pero wala ni isa sa amin na kumilos bilang isang pamilya sa paraang itinuro ng mga missionary. Wala ni isa sa amin na nagpahayag ng pagmamahal sa isa’t isa o nag-ukol man lang ng oras para magkasama-sama.
Buong buhay ko, nangako ako sa sarili ko na magiging mabuting ama ako balang-araw. Magiging klase ako ng magulang na hindi ako nagkaroon kailanman. Subalit nang turuan ako ng mga missionary, unti-unti kong natanto na ginagawa ko rin ang mga bagay na ginawa ng mga magulang ko noong kaedad ko sila. Inaabot ako nang hatinggabi sa labas, ginagawa ko ang anumang gusto ko, at namumuhay ako na parang isang rebelde. Nang hindi sinasadya, inuulit ko ang mga pagkakamali nila.
Panahon na para magtanong sa Diyos.
Nang manalangin ako sa wakas, natanggap ko ang sagot na matagal ko nang inaasahan. Totoo ang Simbahan! Panahon na para gumawa ng isang pagpili.
Isang Bagong Ako
Kinailangan ko ang pahintulot ng aking lola bago ako mabinyagan. Tutol siya rito, pero hindi ako sumuko.
“Lola, aling Leonardo po ba ang mas gusto ninyo?” tanong ko. “Iyong palaging nasa labas, umiinom ng alak, naninigarilyo, at hatinggabi na kung umuwi? O mas gusto po ba ninyo kung sino ako ngayon? Ang mga pagbabagong ito ay dulot ng ebanghelyo.”
Sa huli ay pumayag si Lola, at nabinyagan at nakumpirma ako. Mula noong sandaling iyon, may nakakatuwang bagay na nagsimulang mangyari sa aking pamilya—isang bagay na hindi ko lubos na natanto hanggang sa lumipas ang ilang taon.
Isang Bagong Pamilya
Bago ako umalis para magmisyon sa katimugang Brazil, dumalo si Lola sa stake conference kasama ko. Pagkatapos ay nagdaos kami ng isang maliit na pulong ng patotoo kasama ang aming mga kapamilya at kabigan. Laking gulat ko nang naising magsalita ni Lola.
“Mula nang sumapi si Leonardo sa inyong Simbahan, nagsimula nang maging isang tunay na pamilya ang aking pamilya,” sabi niya. Pagkatapos ay nagbanggit siya ng mga paraan kung paano mas nagkalapit-lapit ang aming buong pamilya: Nag-uukol na kami ngayon ng oras para magkasama-sama. Nagsimula na kaming magsabi ng “Mahal kita” sa isa’t isa, samantalang hindi namin iyon ginagawa dati. Tumigil na kami sa pag-aaway at pagtatalo. Nagkaroon na ng tunay na pagkakaibigan sa aming lahat. Mas marami na kaming pagkain at pinagpala rin kami ng kasaganaan sa iba pang mga aspeto.
Napansin ko rin ang mga pagbabagong ito, pero hindi ko kaagad natanto na maaaring iugnay ang tiyempo sa panahon na nabinyagan ako.
“Maaaring hindi ako miyembro ng inyong simbahan,” sabi niya, “pero kaibigan ako ng inyong simbahan. At alam ko na napagpala ang aming pamilya dahil sa pagpili ni Leonardo.”
Isang Bagong Pagkaunawa
Hindi ako makapaniwala! Nang banggitin ni Lola kung paano mas nagkalapit-lapit ang aming pamilya, bigla kong naalala ang larawang ipinakita sa akin ng mga missionary ilang taon na ang nakararaan. Noon, akala ko magkakaroon lang ako ng isang masayang pamilya kapag bumuo na ako ng sarili kong pamilya.
Pero nagkamali ako. Masaya na ang aking kasalukuyang pamilya! Natutuhan na naming mahalin ang isa’t isa.
Siguro nga wala ni isa sa aking mga kapamilya ang sasapi sa Simbahan sa buhay na ito. Pero kahit hindi sila sumapi, alam ko na napagpala na kami ng Diyos sa napakaraming paraan. Ipinapakita sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo kung paano pagbutihin ang ating mga pamilya, anuman ang sitwasyon nito.