2021
Paano Nagbago ang Puso Ko nang Talikuran ng Kuya Ko ang Simbahan
Abril 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Nagbago ang Puso Ko nang Talikuran ng Kuya Ko ang Simbahan

Ang pagmamahal ko sa kuya ko, anuman ang kanyang mga pagpapasiya, ay nakatulong sa akin na muling makipag-ugnayan sa kanya nang talikuran niya ang Simbahan.

nakangiting babae na nakayakap sa isang lalaki

Habang lumalaki, naniwala ako sa ebanghelyo ni Jesucristo nang buong puso, at ginawa ko ang lahat para mamuhay nang matwid. At ginusto ko at inasahan ko na mamumuhay rin nang matwid ang aking pamilya. Ang kaalaman tungkol sa ebanghelyo ay nagbigay sa akin ng higit na kagalakan kaysa anupaman sa buhay ko, lalo na nang malaman ko na makakasama ko ang aking pamilya sa kawalang-hanggan.

Kaya mawawari ninyo kung gaano ako nalito at nasaktan nang unti-unting lumayo ang kuya ko sa ebanghelyo at gayundin sa aking pamilya at sa akin. Sa huli, tuluyan na niyang tinalikuran ang Simbahan.

Sandali kong nadama na parang sumabog na ang mundo ko. Napakarami kong tanong:

Paano niya nagawang umalis?

Paano niya hindi ginusto ang lahat ng pagpapalang dulot ng pamumuhay ng ebanghelyo?

Ayaw ba niyang makasama ang aming pamilya magpakailanman?

Sa simula, nagalit ako sa kuya ko. Kapag naririnig ko ang mga kaibigan ko na pinag-uusapan kung gaano sila iniingatan ng mga kuya nila at kung gaano kalapit sa isa’t isa ang kanilang pamilya, nalulungkot ako na matagal na kaming hindi nakapag-usap ng kuya ko. Tila unti-unting naglalaho ang pangarap kong makasama sa langit ang aking buong pamilya.

Madalas kong tinitingnan ang tila “perpektong” mga pamilya sa simbahan at pakiramdam ko ay parang may ginagawang mali ang pamilya ko. Kung sapat ang aming kabutihan, hindi ba babalik ang kuya ko sa Simbahan? Pero anuman ang ginawa namin, hindi pa rin bumalik ang kuya ko.

Ipinagdarasal ko palagi sa Ama sa Langit ang kuya ko. Galit na galit ako at lubhang nasaktan. Nagtatanong ako ng tulad ng, “Bakit nangyayari ito?” “Hindi mo ba siya matutulungang malaman ang katotohanan?” “Sana naman po may baguhin kayo!”

Ginawa ko ito sandali, at walang nagbago. Hindi ko naunawaan kung bakit walang ginagawa ang Diyos. Pero, isang araw, bigla akong may naunawaan. Natanto ko na mayroon akong magagawa.

Maaari akong magmahal.

Mababago ng Pag-ibig ni Cristo ang Ating Puso

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kapag tunay ninyong hinahangad na pagpalain at pasiglahin ang nasa paligid ninyo—ang kapangyarihan ng dalisay na pag-ibig ni Cristo ay aantig sa puso at buhay ninyo.

“Kapag mahusay na kayo sa [wika ng pag-ibig ni Cristo] at ginamit ito sa inyong mga pakikipag-ugnayan sa iba, may madarama sila sa inyo na pupukaw sa matagal nang saloobing saliksikin ang tamang daan pabalik sa kanilang tahanan sa langit. Tutal, ang wika ng pag-ibig ay ang kanila ring katutubong wika.”1

Nagsimulang magbago ang mga bagay-bagay nang ipakita ko sa kuya ko ang pagmamahal ko sa kanya sa halip na sikaping baguhin siya. Sinimulan kong ipagdasal siya dahil sa pagmamahal sa halip na dahil sa galit. Nakita ko na nagsisimulang lumambot ang kanyang puso—hindi naman sa ebanghelyo, kundi sa pamilya ko at sa akin. At natanto ko na kailangan ding lumambot ang puso ko sa kanya (tingnan sa Mosias 5:7). Muli kong nakita ang kanyang kabutihan, at sinimulan kong tanggapin at igalang ang kanyang mga desisyon, kahit naiiba ang mga iyon sa akin. Alam ko na ang mga pagbabagong iyon sa aking puso’t isipan ay magagawa lamang sa pamamagitan ng nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo.

Talagang sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin para sa iba, kahit hindi ito palaging ayon sa inaasahan natin na isasagot Niya. Pero kung narinig ng Ama sa Langit ang mga dalangin ni Nakatatandang Alma para sa kanyang anak, naririnig din Niya ang ating mga dalangin para sa ating mga minamahal (tingnan sa Mosias 27:14). At kahit maaaring kailanganin nating magtiis at umasa, ang patuloy nating mga dalangin at pananampalataya para sa iba ay talagang may malaking impluwensya sa kanila—at sa atin. Higit pa sa maaari nating malaman.

Paggalang sa mga Paglalakbay ng Bawat Isa

Hindi pa bumabalik sa Simbahan ang kuya ko, at palagay ko wala siyang planong gawin iyon kaagad. Pero natutuhan ko na may sarili siyang kalayaan at na kahit iba ang pinipili niya kaysa sa akin, maaari ko pa rin siyang mahalin at igalang. Mas maganda ang relasyon namin kaysa sa naranasan namin sa loob ng maraming taon dahil sa pagmamahal na ipinapakita namin sa isa’t isa. Hindi ako laging sumasang-ayon sa kanyang mga pasiya o opinyon, pero sa paggawa ng lahat ng makakaya ko para mas maunawaan siya, nagkaroon ako ng ideya kung gaano kamahal at kakilala ng Ama sa Langit ang bawat isa sa Kanyang mga anak.

Ang susi para manatiling magkakasama ang mga pamilya at maunawaan ang puso ng bawat isa ay hindi ang pagtuligsa sa mga pasiya ng bawat isa; sa huli ito’y pag-ibig—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Hindi ko kailanman mapipilit ang kuya ko na bumalik sa ebanghelyo, pero maaari ko siyang mahalin at tulungan siyang malaman na lagi akong narito para sa kanya.

Ipinagdarasal at ipinag-aayuno ko pa rin ang kuya ko, subalit natanto ko na nakasalalay sa kanya ang kanyang mga pagpili. Ang ating paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit ay indibiduwal na ginagawa sa pagitan Niya at ng bawat isa sa atin. Pero maaari tayong bumaling sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas para sa tulong sa pagsuporta sa isa’t isa sa ating indibiduwal na mga paglalakbay at sa pantay na pagmamahal sa isa’t isa.

Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa huli pagdating sa aking walang-hanggang pamilya, at kung minsan ay medyo nalulungkot ako kapag iniisip ko ito. Pero napapanatag ako sa mga salita ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan:

“Magtiwala sa Panginoon. …

“Angkop [ito] sa mga tanong na hindi nasagot tungkol sa pagbubuklod sa kabilang-buhay o ninanais na muling pag-aakma dahil sa mga pangyayari o mga paglabag sa mortalidad. Napakarami nating hindi alam na ang tanging tunay na maaasahan natin ay ang magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga anak.”2

At iyan ang pinipili kong gawin—magtiwala sa Panginoon at ibahagi ang Kanyang pagmamahal—anuman ang mangyari.

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Inyong Maligayang Paglalakbay Pauwi,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 129.

  2. Dallin H. Oaks, “Magtiwala sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 28–29.