2021
“Sister, Mahal Kita”
Abril 2021


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

“Sister, Mahal Kita”

Hindi tayo dapat mahiya kailanman na kumilos ayon sa isang pahiwatig.

man knocking on a door

Sa isang interbyu habang naglilingkod ako sa isang elders quorum presidency, tinanong ko ang isang kapwa miyembro ng korum kung nakadama at kumilos na siya ayon sa isang espirituwal na pahiwatig. Nag-isip siya sandali at nagkuwento ng isang karanasan.

Isang hapon daw ay naghuhugas siya ng mga pinggan nang makatanggap siya ng malakas na impresyon na kumatok sa pintuan ng isang kapitbahay. Hindi niya maunawaan kung bakit, pero napakalakas at madalian ang pahiwatig. Itinigil niya ang kanyang ginagawa at umalis kaagad.

Dumating siya sa pintuan ng kanyang kapitbahay, na hindi alam ang gagawin o sasabihin, at kumatok. Walang sumagot. Muli siyang kumatok. Wala pa ring sagot. Naisip niya na walang tao sa bahay, kaya pumihit siya para umalis pero nakadama siya ng isa pang pahiwatig.

Naglakad siya pabalik sa pintuan at sinabi lang na, “Sister, mahal kita.” Pagkatapos ay umalis na siya.

Naisip niya na kakaiba ang karanasang ito, at medyo nahiya siya dahil dito. Sinabi ko sa kanya na hindi laging sinasabi sa atin ng Panginoon ang mga dahilan ng mga pahiwatig, pero hindi tayo dapat mahiya kailanman na kumilos ayon sa mga iyon. Hindi nagtagal at lumipat ng bahay ang brother na ito pagkatapos ng aming interbyu.

Sa isang fast at testimony meeting makalipas ang isang taon, isang sister na hindi ko kilala ang umakyat sa pulpito para magpatotoo. Habang lumuluha, ipinaliwanag niya na ilang taon na siyang hindi nagpupunta sa Simbahan, at noong panahong iyon ay lungkot na lungkot siya na pakiramdam niya ay hindi na niya kayang mabuhay pa.

“Ama sa Langit, kung talagang nariyan Kayo at kung talagang mahal Ninyo ako,” pagdarasal niya, “sabihin Ninyo sa akin ngayon para maunawaan ko!”

Halos agad-agad, nakarinig siya ng katok sa kanyang pinto at pagkatapos ay isa pa. Nang hindi siya sumagot, narinig niya ang isang tinig na nagsabing, “Sister, mahal kita.”

Nadama raw niya na nabalot siya ng pagmamahal, at nakasumpong siya ng bagong lakas na harapin ang mga problema niya sa buhay. Hindi pa rin daw mabuti ang mga bagay-bagay, pero gumaganda na ang buhay niya.

Wala akong naging bahagi sa karanasang ito, pero napagpala pa rin ako. Nagkaroon ako ng ideya kung paano ipinamalas ng dalawang pagpapakita ng pananampalataya na tila walang kaugnayan sa isa’t isa na kilala tayong lahat ng ating Ama sa Langit, at nananawagan Siya na kumilos tayo ayon sa mga pahiwatig na tulungan ang Kanyang mga anak. Pinasasalamatan ko, at itinatangi, ang kaalamang ito.