2021
Nagalak si Jane sa Paglalakbay
Abril 2021


Mga Naunang Kababaihan ng Pagpapanumbalik

Nagalak si Jane sa Paglalakbay

Determinado ba tayo, tulad ni Jane Manning James, na tapusin ang ating paglalakbay nang may pananampalataya?

illustration of Jane Manning James

Paglalarawan ni Toni Oka

Pagod nang maglakad si Jane Manning James, pero ayaw niyang huminto.

Sapat na ang laki ng kanyang panganay na anak na si Sylvester para maglakad sa tabi ng bagon. Pero ang sanggol na si Silas, na isinilang habang naglalakbay, ay kinailangan pa ring kargahin. Ito ay noong 1847, at ang pamilya James ay malapit nang mapabilang sa mga unang pioneer na nakarating sa lambak ng Great Salt Lake.

Hindi na bago kay Jane ang mahabang paglalakbay.

Apat na taon bago iyon, nilisan na ng kanyang pamilya ang kanilang tahanan sa isang lungsod sa silangan para sumama sa mga Banal sa Nauvoo, sa dulo ng hangganan sa kanluran. Dapat ay ilang araw lamang ang paglalakbay kapag sa ilog dumaan. Pero dahil maraming taong itim na mga alipin sa Estados Unidos noong panahong iyon, kinailangang ipakitang madalas ng pamilya ni Jane ang kanilang papeles na nagpapatunay ng kanilang kalayaan. At mahigpit ang mga batas sa ilang lugar na pumigil sa mga taong hindi puti na maglakbay sa lugar—kasama na ang paniningil ng hanggang $500 bawat tao para makaraan.

Marahil dahil sa mataas na singil na ito o sa iba pang mga maling opinyon, tumanggi ang tauhan ng bangka na isakay pa si Jane at ang kanyang mga kapamilya. Determinado, iniwan nila ang marami sa kanilang mga ari-arian at nagsimulang maglakad bitbit ang anumang maaari nilang dalhin.

Naglakad ang pamilya ni Jane nang mahigit 800 milya (1,287 km). Naglakad sila kahit maalinsangan ang panahon at napakadilim ng mga gabi. Minsan ay naglakad sila sa isang kagubatan, at natulog sa ilalim ng buwan. Nang magising sila, namuti sa nagyeyelong hamog ang damit nila.

“Naglakad kami hanggang sa masira ang aming sapatos, at sumakit at nagkasugat-sugat at nagdugo ang aming mga paa,” paggunita ni Jane. “… Hiniling namin sa Diyos Amang Walang-Hanggan na pagalingin ang aming mga paa at nasagot ang aming mga dalangin.”1

Samantalang tinitiis ang mahirap na paglalakbay na ito, kumanta ng mga himno si Jane at ang kanyang mga magulang at kapatid, na nagpupuri sa Diyos. Sa huli, makalipas ang halos tatlong buwang paglalakad, nakarating sila sa Nauvoo. Makalipas ang ilang taon, nang umalis ang matatapat na Banal para tawirin ang kapatagan, kabilang si Jane sa mga unang pioneer na nagsimulang maglakad sa daan.

Tala

  1. “The Autobiography of Jane Manning James,” history.ChurchofJesusChrist.org/article/jane-manning-james-life-sketch.