Daigin ang mga Alalahanin ng Sanlibutan
Hindi dapat makahadlang ang mga alalahanin ng sanlibutan sa pagsunod ko sa salita ng Diyos.
Kahit pinangakuan tayo ng malalaking pagpapala, kung nag-aalala tayo tungkol sa mga alalahanin ng sanlibutan sa halip na sa kalooban ng Panginoon, mawawala sa atin ang mga pagpapalang iyon. Malinaw itong ipinamalas sa karanasan ng isang lalaki noong mga unang araw ng Pagpapanumbalik.
Si James Covel ay isang ministro sa ibang relihiyon sa loob ng 40 taon, ngunit matapos marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo, siya ay “nakipagtipan sa Panginoon na kanyang susundin ang alinmang kautusan na ibibigay sa kanya ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph, ang Propeta” (Doktrina at mga Tipan 39, section heading). Sa pamamagitan ni Joseph, sinabi ng Panginoon kay Covel, “[Sumunod] sa aking tinig, na nagsasabi sa iyo: Tumindig at magpabinyag, at hugasan ang iyong mga kasalanan, tumatawag sa aking pangalan, at iyong tatanggapin ang aking Espiritu, at isang dakilang pagpapala na hindi mo pa nalalaman” (Doktrina at mga Tipan 39:10).
Gayunman, hindi nagtagal ay “tinanggihan ni [Covel] ang salita ng Panginoon, at bumalik muli sa kanyang dating mga alituntunin at tao” (Doktrina at mga Tipan 40, section heading). Patungkol kay Covel, sinabi ng Panginoon na “kanyang tinanggap ang salita nang may kagalakan, subalit kapagdaka ay tinukso siya ni Satanas; at ang takot na mausig at ang mga alalahanin ng sanlibutan ang naging dahilan upang kanyang itatwa ang salita” (Doktrina at mga Tipan 40:2). Dahil sa pag-aalala niya sa mga makalupang alalahanin, nawala kay Covel ang pagpapalang naipangako sa kanya ng Panginoon.
Dapat ba Akong Manatili o Umalis?
Sa sarili kong buhay, nalaman ko na hindi natin dapat hayaang makahadlang ang mga alalahanin ng sanlibutan sa pagsunod natin sa Panginoon. Lumaki ako sa isang tahanang maganda at may pagmamahalan kung saan itinuro sa amin nang husto ng mga magulang ko ang ebanghelyo, at nabanaag sa pagmamahal nila sa amin ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak.
Sa edad na 16, inanyayahan akong magtrabaho sa isang rantso sa Estados Unidos, na may posibilidad na makapagtayo ng sarili kong tahanan doon balang-araw. Naakit ako roon, dahil ang aking bayan, ang Netherlands, ay isang maliit na bansa lamang, na puno ng mga tao.
Sa katunayan, nadama rin ng lahat ng ninuno ko sa panig ng tatay ko ang hangaring manirahan sa ibang lugar. Lumipat sila sa Indonesia, na dati-rati ay isang kolonyang Dutch. Lubos kong nauunawaan kung bakit. Sa Indonesia, maganda ang panahon, maganda ang mga tanawin, at malawak ang lupa. Katulad ako ng mga ninuno ko na gustung-gusto ring maglibot. Dapat ko rin bang iwan ang aking bayan sa paghahanap ng tagumpay at pakikipagsapalaran?
Sa oras na iyon ng pagpapasiya, iniabot sa akin ni Itay ang isang kopya ng liham ng kanilang mission president na si Donovan van Dam sa kanya at sa kanyang mga kapatid na babae maraming taon na ang nakalipas. Hiniling sa kanila ni President van Dam na manatili sa Netherlands at itatag ang Simbahan doon. Sinabi sa akin ng tatay ko na nagpasiya na siya na iyon mismo ang gawin. At dahil nasa liham ang apelyidong Boom, ako naman ang aalam kung ano ang gagawin.
Sa mga taon pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, maraming miyembro ng Simbahan ang nandayuhan sa Amerika at Canada. Nagpatuloy pa rin iyon noong 1970s, sa kabila ng panghihikayat ng mga pinuno ng Simbahan na manatili ang mga miyembro sa sarili nilang bansa at palakasin ang Simbahan kung saan sila nakatira. Puno ng panalangin, ipinasiya ko ring manatili at itatag ang Simbahan sa Netherlands, nang hindi lubos na nauunawaan kung ano ang magiging kahulugan nito sa hinaharap.
Mga Desisyon, mga Desisyon
Nang makatapos ako ng hayskul noong mga huling taon ng 1970s, magulo ang ekonomiyang Dutch. Maraming walang trabaho. Sa kabuuan, nakakadismaya ang mga bagay-bagay. Hirap magdesisyon ang mga nagtapos sa pag-aaral kung ano ang susunod na gagawin.
Ang tatay ko ang branch president noon. Paulit-ulit niyang tinalakay sa akin ang posibilidad na maglingkod sa full-time mission. Siyempre, magandang gawin iyon. Buong buhay ko na itong inasam.
Pero hindi ko nakita kung paano ako matutulungan ng pagmimisyon na matustusan ang magiging pamilya ko. Bata pa ako, malaki na ang hangarin kong matagpuan balang-araw ang babaeng mamahalin ko at magkasama kaming bubuo ng aming pamilya.
Ako ay 17 anyos noon, at dahil hindi ko alam kung ano ang susunod na gagawin, nagpatuloy ako sa pag-aaral. Ngunit pagkaraan ng ilang linggo nalaman ko na hindi ako magiging masaya sa kursong pinag-aaralan ko. Nag-alinlangan ako kung magbibigay nga ito sa akin ng isang matatag na trabaho. Naisip kong tumigil sa pag-aaral.
Hindi naging masaya ang mga magulang ko rito. Sabi nila, maaari lang akong tumigil sa pag-aaral kung may trabaho ako. Siguro naisip nila na hindi ako makakahanap ng trabaho dahil sa krisis sa pera. Nagbisikleta ako buong hapon, at pinuntahan ko ang bawat kumpanya. Sa wakas ay tinanggap ako ng isang kumpanya para magtrabaho sa kanilang bodega.
Ang Plano Ko
Kahit tinanggap ko ang pansamantalang posisyon na ito, may plano ako. Magpupulis ako. Ang pagtatrabaho para sa gobyerno ay isang matatag na paraan para matustusan ang magiging pamilya ko at magiging maayos ang lahat.
Naaalala ko ang araw na kumuha ako ng eksamen para makapasok sa paaralan ng pagpupulis. Maaga akong sumakay ng tren kinabukasan at buong araw akong kumuha ng lahat ng klase ng eksamen. Sa pagtatapos ng araw ipinatawag ako sa opisina. Sinabihan nila ako na nakapasa ako sa lahat ng eksamen at gusto nila akong kunin, pero dahil 17 anyos lang ako, napakabata ko pa. Sinabihan nila ako na subukan ko ulit sa isang taon.
Gumuho ang mundo ko, at sa daan pauwi ay naisip ko, “Ano na ang susunod?” Sa bahay pinakinggan ni Itay ang pagkayamot ko at nag-alok na basbasan ako. Inasahan ko na sasabihin sa akin ng Panginoon na magiging maayos ang lahat at matatanggap ako sa police academy sa mahimalang paraan. Sa halip ay sinabi sa akin ng Panginoon na kung pipiliin kong unahin Siya, lagi akong magkakaroon ng pagkain sa aking mesa at ng paraan para mapangalagaan ko ang magiging pamilya ko.
Isang Mas Mabuting Plano
Bilang tugon sa aking mga dalangin, natanggap ko ang sagot na, para sa akin, ang ibig sabihin ng unahin ang Panginoon ay magmisyon nang full-time. Matagal ko nang balak gawin iyon pero hindi ko nakita kung paano hahantong ang isang hakbang sa susunod na hakbang. Ngayo’y nalaman ko nang magmimisyon nga ako, at gusto kong gawin ito sa lalong madaling panahon.
Noon, ang halaga para makapagmisyon ay 10,000 guilders sa lumang perang Dutch, o sahod sa buong isang taon. Patuloy akong nagtrabaho sa bodega at pagsapit ng tag-init noong 1981, mayroon na akong 10,000 guilders. Nag-18 anyos na rin ako. Sabi sa akin ng tatay ko, na siyang branch president, napakabata ko pa para magmisyon, tulad ng sabi ng district president at mission president. Noong panahong iyon, kailangan ay 19 anyos ka na. Pero noong ika-18 kaarawan ko mag-isa akong nagpunta sa doktor at sa dentista at pinapunan sa kanila ang kanilang bahagi sa missionary application ko.
Kahit paano, nagawa kong magpainterbyu sa mga lider ko at isumite ang application ko. Pagkatapos ay naghintay kami. Hindi ko alam na ang tatay ko, bilang branch president, ay nakatanggap ng isang liham. Ibinalik sa kanya ang application na may nakasaad na napakabata ko pa. Pero ayaw pa niyang sabihin iyon sa akin noon, kaya nakabulsa iyon sa amerikana niya nang ilang linggo nang hindi ipinapaalam sa akin. Sa kabutihang-palad, may isa pa siyang natanggap na pabatid. Nakasaad doon na sa ilang sitwasyon ay pinapayagan ng Mga Kapatid na magmisyon nang mas maaga ang mga binatilyo kapag handang-handa na sila. Hindi nagtagal ay tinawag ako at inatasang maglingkod sa England London East Mission. Ang misyon ko ay naging pagpapala habambuhay.
Mga Pagpapala mula sa Panginoon
Tatlong buwan pagkauwi ko mula sa misyon, nakilala ko nga ang babaeng mamahalin ko sa buhay. Makalipas ang isang taon ikinasal kami at nabuklod sa London England Temple. Hindi pa rin maganda ang takbo ng ekonomiya, pero palagi akong may trabaho at natutustusan ko ang pangangailangan ng aking pamilya. Palaging may pagkain sa ibabaw ng mesa at bubong sa aming ulunan.
Bilang isang missionary, naging isa ito sa mga paborito kong talata sa banal na kasulatan: “Habang sinusunod mo ang mga kautusan ng Diyos ikaw ay uunlad sa lupain” (Alma 36:1). Sa gabay na iyon, ipinasiya kong gawin ang nagawa ng aking ama—manatili sa Netherlands at itatag ang Simbahan sa aking bayang sinilangan.
Ngayon ang maliit na branch na kinalakhan ko ay isa nang kahanga-hangang ward kung saan nasisiyahan ang aming mga apo na makasama ang maraming kaibigan, na nakatipon sa isang malaking Primary. Ang aming mga anak ay may magagandang trabaho at biniyayaan ng pagkain sa ibabaw ng mesa. Nakita ko na ang mga desisyon ko ay nagkaroon ng epekto sa sumunod na henerasyon, na naghahangad ding unahin ang Panginoon sa kanilang buhay.
Nagpapasalamat ako na maaga kong natutuhan sa buhay ko na ang tamang desisyon ay daigin ang mga alalahanin ng sanlibutan at unahin ang Ama sa Langit. Nabigyan Niya ako ng mga pagpapalang hindi ko sana natanggap kailanman.