2021
Pagiging Tapat na Magulang sa Pabagu-bagong Mundo Ngayon
Abril 2021


Pagiging Tapat na Magulang sa Pabagu-bagong Mundo Ngayon

Ang awtor ay naninirahan sa Western Australia, Australia.

Maaari kayong magkaroon ng malaking impluwensya sa inyong mga anak, anuman ang itinuturo ng lipunan sa kanila.

a young family walking along a beach

Larawang guhit ni Scott Davis

Ang sarili kong pagkabata ay isang patunay ng malaking impluwensya ng isang Kristiyanong adult sa buhay ng isang bata. Namatay ang nanay ko noong apat na taong gulang ako, at tumulong ang lola ko sa pag-aalaga sa akin at sa mga kapatid ko. Siya ay kabilang sa simbahan ng Salvation Army, at tinuruan niya kaming manalangin, mahalin ang aming mga kaaway, at maging mabait sa iba. Ang patnubay niya sa ilang mahahalagang taon na iyon ang naging pundasyon ng mga pagpapasiya ko sa hinaharap.

Ngayon ay mahigit 40 taon na akong ina at childcare professional, at nakita ko na ang mga pinahahalagahan at kaugalian ng lipunan na mas lalong nagiging salungat sa mga turo ng Tagapagligtas. Tila naiimpluwensyahan ng kasamaan ang lahat mula sa mga aklat at musika hanggang sa araw-araw na pananalita. Pero hindi tayo dapat manghina. Gagabayan tayo ng Panginoon na malaman kung paano tuturuan, poprotektahan, at palalakasin ang ating mga anak sa kasalukuyang kulturang ito. Narito ang tatlong partikular na aral na natutuhan ko na maaaring makatulong din sa inyong pamilya.

1. Magtuon sa mga Relasyon, Hindi Lamang sa mga Patakaran

Dahil lumaki ako na walang “ulirang pamilya” bilang huwaran, patuloy kong pinagdudahan ang sarili ko at mga kakayahan ko habang pinalalaki ko ang aming mga anak. Ang siping ito mula kay Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay sa akin ng kapanatagan: “Kung … sisikapin ninyong mahalin ang Diyos at ipamumuhay ninyo mismo ang ebanghelyo; … kung gagawin ninyo ang lahat para maging pinakamabuting magulang, nagawa na ninyo ang lahat ng magagawa ng isang tao at lahat ng inaasahan ng Diyos na gagawin ninyo.”1 Ang paggawa ng lahat sa abot ng ating makakaya ay mangangailangan ng tulong ng Tagapagligtas—at kung may panahon man sa kasaysayan kung kailan kinailangang umasa ng mga magulang sa Kanya, ngayon iyon!

Sa halip na mag-alala tungkol sa maraming patakaran at kung natutupad ito nang husto ng ating mga anak, maaari tayong magtuon sa pagpapatatag ng ating kaugnayan sa kanila at sa Tagapagligtas. Ganito ang sabi ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson: “Huwag tangkaing kontrolin ang inyong mga anak. Bagkus, pakinggan sila, tulungan silang matutuhan ang ebanghelyo, bigyan sila ng inspirasyon, at akayin sila [tungo] sa buhay na walang-hanggan. Kayo ang mga kinatawan ng Diyos sa pangangalaga sa mga anak na ipinagkatiwala Niya sa inyo. Panatilihin sa inyong mga puso ang Kanyang banal na impluwensya habang kayo ay nagtuturo at nanghihikayat.”2 Mula sa aking karanasan, ang payong ito ay talagang totoo.

2. Sama-samang Magsaya

Ang isang paraan na napatatag namin ang mga relasyon namin sa aming mga anak ay sa pamamagitan ng mga aktibidad ng pamilya. Ang mga ito ay madalas na mga simpleng sandali, tulad ng paglalakad-lakad o pagkain ng isda at chips sa dalampasigan. Alam ng mga anak namin na talagang gustung-gusto namin silang makasama.

Sinikap naming makinig sa aming mga anak para maging komportable sila na kausapin kami tungkol sa kanilang mga problema. Kapag may hamon sa pamilya, nauupo kami ng aming mga anak, tinatalakay namin ang aming mga problema, pinakikinggan ang kanilang mga sagot, at sinisikap naming gumawa ng desisyon nang magkakasama.

3. Magpakita ng Halimbawa ng Pamumuhay ayon sa Ebanghelyo

Hindi pa ako miyembro ng Simbahan noong maliliit pa ang mga anak ko—inabot ng 18 taon bago ako nagpasiyang magpabinyag—pero miyembro na noon ang asawa ko. Tinulungan niya ang mga anak namin na magkaroon ng ugnayan sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin ng pamilya, pag-aaral ng banal na kasulatan, at family home evening. Hindi kami perpekto, pero masigasig at mapagpasensya ang asawa ko.

Naniniwala ako na ang halimbawa ng aking asawa sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo ang pinakamalaking impluwensya sa aming mga anak. Nakita nila siyang nagbabasa ng mga banal na kasulatan, nananalangin, at nagsisimba—kahit mag-isa lang siya. Mas malaki ang naging epekto nito kaysa anumang pormal na itinuro namin.

Kahit hindi uliran ang sitwasyon ninyo sa pamilya, magagabayan pa rin ninyo ang inyong mga anak. Huwag kayong malungkot.

Maaaari Tayong Magsimula Ngayon

Bilang mga magulang, kailangang pawalan ng bawat isa sa atin ang ating mga anak, na nagtitiwala na gagawa sila ng sarili nilang mga pagpapasiya. Sana pagsapit ng panahong iyon, tiwala nating mauulit ang mga salita ni Propetang Joseph Smith: “Tinuturuan ko sila ng mga wastong alituntunin, at pinamamahalaan nila ang kanilang sarili.”3 Makapagsisimula tayo ngayon na maging resource ng patnubay ng ebanghelyo sa ating mga anak, anuman ang itinuturo ng mundo sa ating paligid.

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “Because She Is a Mother,” Ensign, Mayo 1997, 36.

  2. Russell M. Nelson, “Kaligtasan at Kadakilaan,” Liahona, Mayo 2008, 10.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 331.