2021
Kaalaman mula sa Naunang mga Banal: Isantabi ang mga Alalahanin ng Mundo
Abril 2021


Digital lamang: Suporta sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Kaalaman mula sa Naunang mga Banal: Isantabi ang mga Alalahanin ng Mundo

Ang ilang naunang mga Banal ay mga kamangha-manghang halimbawa ng mga alituntuning itinuro sa Doktrina at mga Tipan 37–40.

lilok ng ina at dalawang anak sa Temple Square

Nang maging interesado sa Simbahan ang isang lalaking nagngangalang James Covel noong 1831, sinabi sa kanya ng Panginoon na si James ay “nakakita ng matinding kalungkutan” sa kanyang buhay “dahil sa kapalaluan at alalahanin ng sanlibutan” (Doktrina at mga Tipan 39:9). Nangako si James na babaguhin ang kanyang buhay, ngunit ang “mga alalahanin ng sanlibutan” ding ito ang muling nagpatalikod sa kanya sa Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 40:2).

Paano natin matitiyak na hindi natin tinutulutan ang mga alalahanin ng sanlibutan na ilayo tayo sa mga pagpapala ng ebanghelyo at ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Mabibigyan tayo ng halimbawa ni Mary “Polly” Vose (1780–1866), isang dalagang miyembro mula sa Massachusetts, USA, ng ilang ideya!

Isang Bukas-palad na Donasyon

Nabinyagan si Polly sa Boston, Massachusetts, noong Hulyo 29, 1832, noong siya ay 52 anyos.1 Bagama’t hindi siya nag-asawa kailanman, hindi nag-iisa si Polly. Bukod pa sa pakikisamang natanggap niya mula sa kanyang branch sa Boston, kasama rin niya ang kanyang 26-taong-gulang na pamangkin na si Ruth Vose. Magkasamang nagtrabaho ang dalawa bilang mga upholsterer sa Boston.2 At kapwa sila nakasumpong ng kahulugan at kasiyahan sa ebanghelyo.

Noong 1834, nabalitaan ni Polly ang kalagayan ng mga Banal na itinaboy palabas ng Jackson County, Missouri, USA, ng karahasan ng mga mandurumog. Sa pamamagitan ng isang paghahayag kay Joseph Smith, hiniling ng Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan na mag-ambag ng pera para matulungan ang nahihirapang mga Banal na tubusin ang Sion (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 103:22–23). Hindi mayaman si Polly, ngunit may pananalig siya sa pangako ng Panginoon na kung pagagaanin ng mga Banal ang pagdurusa ng iba, susunod ang malalaking pagpapala (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:35; 39:8–9). Sa pagkilos ayon sa paniniwalang iyon, nagpadala si Polly ng $150 sa Kirtland, Ohio, USA, noong 1834 para tumulong na tustusan ang ekspedisyon ng Kampo ng Israel (na nakilala kalaunan bilang Kampo ng Sion).3

Ang isandaan at limampung dolyar ay malaking pera para sa sinuman—ngunit lalo na kay Polly, na ngayon ay 54 anyos na. Ang mga manggagawang babae na may pinakamataas na suweldo sa industriya ng tela ng Lowell, Massachusetts, ay kumikita lamang noon ng mga $3 bawat linggo, kaya ang $150 ay maaaring katumbas ng kinita ni Polly sa loob ng mga isang taon.4

Sa araw bago natanggap ni Joseph Smith ang pera ni Polly, nasabi niya kay Wilford Woodruff at sa iba na walang sapat na mapagkukunan ang Simbahan para sa ekspedisyon ng Kampo ng Sion. Ngunit hindi nag-alala si Joseph. “Hindi magtatagal at magkakaroon ako ng kaunting pera,” sabi niya sa grupo. At tama naman dahil kinaumagahan ay dumating ang donasyon ni Polly. Ang kanyang $150 ang nagbigay-daan para mabili ang kagamitan at mga suplay para sa Kampo ng Sion.5

Maaari rin Nating Unahin ang Ebanghelyo

Ang hangarin ni Polly na isantabi ang mga alalahanin ng sanlibutan at unahin ang ebanghelyo ni Jesucristo ay habambuhay niyang ginawa. Noong itinatayo ng mga Banal ang Kirtland Temple, ipinasiya nila ni Ruth na “tama at kailangang magbigay nang sagana” para makatulong sa pagtatayo. “Sa abot ng kanilang makakaya,” nag-ambag nang napakalaki ang dalawang babae kaya sa huli ay sinabi sa kanila ni Joseph Smith na “Sapat na ito.” Ang kanilang “walang-hangganang pagkabukas-palad” ay nakaabot din sa mga missionary na naglilingkod noon sa silangang Estados Unidos.6

Pinagpala sina Polly at Ruth sa kanilang mga kontribusyon. Ang kanilang kabutihang-loob ay lumikha ng matibay na bigkis na tumagal sa kanila habambuhay. Noong 77 anyos na si Polly, nakatira pa rin siya sa Boston, ngunit ginusto niyang sumama sa mga Banal sa Utah Territory. Kaya naglakbay si Ruth patungong Boston at sinamahan si Polly papunta sa Salt Lake Valley noong 1857. Si “Aunt Polly” ay pinakamamahal ng mga Banal sa Utah hanggang sa pumanaw siya noong 1866. Nang mamatay si Ruth noong 1884, inilibing siya sa tabi ni Polly.7

Ang buhay ni Polly ay isang magandang halimbawa kung paano natin uunahin ang ebanghelyo kaysa sa mga bagay ng sanlibutan. At, gaya ni Polly, maaari tayong:

  • Maghanap ng iba-ibang paraan para makapag-ambag sa layunin ng ebanghelyo, anuman ang ating sitwasyon

  • Magbahagi ng katotohanan sa iba

  • Sumunod sa tagubiling bigay ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol

  • Maging bukas-palad sa ating kabuhayan para tumulong sa pagtatayo ng kaharian

  • Unahin ang paglilingkod sa templo o paggawa ng gawain sa family history

  • Suportahan ang pamilya at mga kaibigan sa buong paglalakbay natin sa buhay

Kapag ginagawa natin ang makakaya natin para isantabi ang mga bagay ng sanlibutan at inuuna natin ang ebanghelyo, pinalalakas natin ang ating patotoo tungkol sa plano ng kaligtasan, sa pagmamahal ng ating Ama sa Langit, at sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. “Kapag sinimulan at ipinagpatuloy ninyo habambuhay ang paglalaang ito ng inyong buhay sa Panginoon,” paliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson, “mamamangha kayo sa mga pagbabago sa inyong pananaw, damdamin, at espirituwal na lakas!”8 Gaya ni Polly, makasusumpong tayo ng masagana at masayang buhay, anuman ang ating sitwasyon.

Mga Tala

  1. Samuel H. Smith, Journal, Hulyo 29, 1832, 14, typescript, Church History Library, Salt Lake City.

  2. “Ruth Sayers,” Woman’s Exponent, Set. 15, 1884, 61.

  3. “Account with the Church of Christ, circa 11–29 August 1834,” josephsmithpapers.org; Wilford Woodruff, sa Journal of Discourses, Ene. 10, 1858, 101.

  4. Cynthia Shelton, “The Role of Labor in Early Industrialization: Philadelphia, 1787–1837,” Journal of the Early Republic, tomo 4, blg. 4 (Taglamig 1984): 386–7.

  5. Wilford Woodruff, “The History and Travels of Zion’s Camp,” 3, Church History Library, Salt Lake City.

  6. “Ruth Sayers,” 61.

  7. “Ruth Sayers,” 62.

  8. Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 77.