2021
Paano Hindi Mahihiwalay ang mga Walang-Asawa
Abril 2021


Maging Kabilang

Paano Hindi Mahihiwalay ang mga Walang-Asawa

Ang awtor ay naninirahan sa Alabama, USA.

Narito ang ilang mungkahi para tulungan ka at ang inyong ward na tulungan ang mga miyembrong walang-asawa na maging mas kampante sa simbahan.

two single adults

Mga paglalarawan ni Johanna Häger

“Sa pagsisimula natin ng susunod na ward conference meeting, magsiupo lamang po kayo sa tabi ng inyong pamilya.”

Palagi akong naaasiwa sa mga komentong tulad nito. Bilang isang binatang miyembro ng Simbahan, saan ako dapat umupo? Kung minsan pakiramdam ko hindi sigurado ang ibang tao kung saan ako dapat umupo—o aakma. Ano ang magagawa natin bilang isang pamilya ng ebanghelyo para maipadama sa lahat, may-asawa man sila o wala, na sila ay tanggap at kabilang? Narito ang tatlong ideya na maaaring makatulong.

Pag-isipang Muli ang mga Gawi sa Ward

Ipinauunawa sa atin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang magagandang doktrina tungkol sa mga walang-hanggang pamilya. Pero nakita ko na kung paano ipinadarama ng ilang nakagawiang kultura ng doktrina na parang bitin ang mga miyembro ng Simbahan na walang-asawa.

Halimbawa, nakadalo na ako sa mga ward na mga mag-asawa lamang ang hinihilingang magbigay ng pambungad at pangwakas na panalangin sa mga miting. Narinig ko nang magpahayag ng pag-aalala ang mga miyembro ng ward kapag tinawag ang isang binata na maging miyembro ng bishopric. Ang mga ito at ang iba pang maliliit na kilos ay maaaring makasagabal sa damdamin na kailangang madaig ng mga taong wala pang asawa bago sila makampante sa Simbahan.

Mayroon bang anumang mga gawi na maaaring baguhin ninyo o ng inyong ward para ipadama sa lahat na kabilang sila? Maaaring magandang tanong ito na dapat pag-isipan ng isang bishopric o ward council.

Mag-ingat sa Paghihiwalay sa Iba nang Hindi Sinasadya

Kung minsan kahit ang ilan sa atin na nag-iisip na hindi natin inihihiwalay ang iba ay maaaring nahihiwalay ang iba nang hindi sinasadya. Halimbawa, nang maglingkod ako bilang nursery leader, madalas ay hindi ko naririnig ang mga ipinapahayag sa ikalawang oras ng mga miting sa Simbahan. Nang sabihin ko ito sa isang lider, sabi niya, “Pero hindi ba naririnig ng asawa mo ang mga ipinapahayag sa Relief Society?”

Natawa na lang ako noon. Pero ang sagot ng butihing lalaking ito ay kumatawan sa takbo ng kaisipan na naghiwalay o nagbukod sa akin. Itinuturing ba natin ang ating mga kapwa miyembro ng Simbahan bilang bahagi ng isang “pamilya ng ward,” na binubuo ng mga mag-asawang lalaki at babae na may mga anak? O itinuturing ba natin ang isa’t isa na bahagi ng isang “pamilya ng ward,” na binubuo ng mga indibiduwal na nagmamalasakit at nagpapalakas sa isa’t isa? Parehong mahalaga ang mga pananaw na ito. Samantalang nasasaisip ang mga pamilya sa ating ward, maaari din nating kilalaning isa-isa ang mga tao—ang kanilang mga sitwasyon, interes, pangangailangan—at marahil ay iwasan ang di-sadyang pagbubukod o paghihiwalay.

Palawakin ang Saklaw ng Inyong Pamilya

Matapos anyayahan ng miyembro ng bishopric ang mga pamilya na umupo nang magkakatabi sa ward conference, may tumapik sa balikat ko.

“Palagay ko kabilang ka sa pamilya ko sa susunod na isang oras,” sabi ng isang mabait na sister, na niyaya akong tumabi sa kanyang asawa’t mga anak. Nagpapasalamat ako sa mga taong katulad niya na nagpapakita ng malasakit sa akin at gustong ipadama sa akin na tanggap ako. Ang isa pang taong ganoon ay isang bishop na regular na nag-imbita sa akin sa lingguhang home evening ng kanyang pamilya.

Sino ang maaaring makinabang sa pagpapalawak ng inyong pamilya sa diwa ng pagkakapatiran? Hindi kailangang maging perpekto ang mga pagsisikap ninyo. Malaki ang kaibhang magagawa ng isang simpleng paanyaya.

Mga Banal na Walang-Asawa: Isang Malakas na Impluwensya sa Kabutihan

Masaya ang buhay ko at puno ng makabuluhang mga relasyon, pero marami akong malungkot at hungkag na mga sandali kung saan umaasam ako ng higit pa. Batay sa mga pakikipag-usap ko sa iba pang mga Banal na walang-asawa, naniniwala ako na karaniwan na ang damdaming ito.

Gayunman, sinisikap kong huwag maawa sa sarili ko. Tayong mga walang-asawa ay maaaring maging malakas na impluwensya sa kabutihan sa buhay ng iba. Makakatulong tayong mapalakas ang mga kaibigan, mga pamilyang mahal natin, at mga buong ward at stake. Kailangan tayo ng Simbahan! Hindi natin dapat ipaubaya sa mga kamay ng iba ang responsibilidad na makipag-ugnayan. Maaari tayong magpakilala sa ating ward, magboluntaryong maglingkod, at sabihin kung ano ang kailangan natin.

Darating ang mapanglaw at hungkag na mga sandali saanman tayo naroon sa buhay o anumang klase ang ating relasyon. Kapag mas malapit tayo sa ating Ama sa Langit at mas nadarama natin ang Kanyang pagmamahal, mas malaki ang kakayahan nating gumawa ng mabuti, makasumpong ng kagalakan, at makipag-ugnayan sa ating mga kapatid.