Digital Lamang: Lalong Nagiging Tapat Habang Tumatanda
Tagapag-alaga? Pangalagaan Din ang Sarili Mo
Ang awtor ay naninirahan sa Yamanashi Prefecture, Japan.
Ang pangangalaga sa ibang tao ay maaaring nakakapagod sa iyo, kaya mahalagang muling magpalakas sa tuwing may pagkakataon ka.
Sa Japan, ayon sa tradisyon, ang panganay na lalaki o babae ang nagmamana ng bahay ng kanilang mga magulang at nag-aalaga sa kanilang mga magulang habang tumatanda sila. Ang asawa ng anak na ito ay likas na nakadarama ng responsibilidad na pangalagaan ang kanilang mga biyenan. Bagama’t hindi na gaanong laganap ang tradisyong ito, maraming pamilya pa rin ang nabubuhay sa ganitong paraan. Maaari itong humantong sa mga hidwaan, kahit mayroon nang nangangalaga.
Pagkahapo ng Tagapag-alaga
Ganyan ang nangyari sa ina ng isang dati kong katrabaho. Ang mga palagiang paghingi at reklamo ng biyenang babae ay nakabawas sa kagustuhan ng tagapag-alaga na maglingkod. Nagsimulang kainisan ng tagapag-alaga ang biyenan, hanggang sa puntong nais niya na mamatay na sana ito.
Unti-unti, nasaid ang pisikal at mental na lakas ng tagapag-alaga. Nagkasakit na rin siya mismo. Dahil dito, madalas mag-paid leave o magbago ng iskedyul ang katrabaho ko para maalagaan niya ang kanyang ina. Naging tagapag-alaga siya sa isang tagapag-alaga.
Bagama’t ang mga tagapag-alaga, anuman ang edad, ay maaaring mapagod, malubha ang problema lalo na sa mga lampas na sa edad na 65, kapag mas matanda ang nag-aalaga, tulad ng isang tao na nag-aalaga sa kanyang asawa. Isinasaad ng pagsasaliksik na ang mga tagapag-alagang edad 66–96 na dumaranas ng stress ay 63 porsiyentong mas mataas ang panganib na mamatay kaysa sa mga walang inaalagaan.1
Suporta sa Tagapag-alaga
Kailangan ng suporta ng mga tagapag-alaga sa mga pagsisikap nilang tumulong sa iba. Maraming pamilya ang natuto na kung paano suportahan ang isang tagapag-alaga sa kagila-gilalas na mga paraan. Halimbawa, ang mga magulang ng asawa ko ay nakatira malapit sa karagatan sa Chiba Prefecture, Japan. Gayunman, nang tumanda na sila, nagsimulang mag-alala ang kanilang mga anak tungkol sa kanilang kalusugan.
Inanyayahan sila ng isa sa kanilang nakatatandang mga anak na babae na lumipat sa mas malapit sa bahay niya, sa Osaka, kung saan siya ang magiging pangunahing tagapag-alaga nila. Ngunit nagsama-sama ang lahat ng anak para suportahan ang kanilang mga magulang at kapatid—naghanap at nagpa-remodel sila ng isang bahay, inunawa nila ang pangangailangan ng mga magulang, at iginalang ang kanilang kalayaan upang lubos silang magalak at lumigaya sa kanilang bagong buhay sa bagong lugar.
Ang biyenan kong lalaki, na may dementia, ay nagsimulang dumalo sa isang malapit na day-care center, kung saan nasisiyahan siyang makasama ang iba pang matatanda sa halip na gumala-gala kung saan-saan sa kanyang paligid. Kahit malayo kami, natutuwang magkaroon ang asawa ko ng pakikipagtalakayan sa kanyang mga magulang tungkol sa doktrina tuwing Linggo sa pamamagitan ng internet, kung saan hinihikayat nila ang isa’t isa at nagpapakita ng pagmamahal. At madalas siyang bumisita sa kanyang kapatid para makumusta ang pag-aalaga nito.
Pagmamalasakit sa mga Tagapag-alaga
Ang pag-aalaga ay nangyayari sa ilalim ng maraming iba’t ibang kondisyon. Sa maraming pagkakataon, kailangang maglakbay ang mga tagapag-alaga para makapagbigay ng kalinga. Sa ibang mga pagkakataon, maaaring manirahan ang inaalagaan sa bahay ng tagapag-alaga. Ang pag-aalaga kadalasan ay nangangailangan ng mga pagbabago sa pisikal, mental, at pinansyal na sitwasyon ng tagapag-alaga at sa relasyon niya sa kanyang asawa, mga anak, at komunidad.
Sa Japan, walang sistema ng sick leave. Sa halip, inuubos ng mga tagapag-alaga ang lahat ng vacation leave nila. Pagkatapos ay nakikipag-ayos sila sa kanilang employer na baguhin ang kanilang oras ng trabaho o kaya’y tuluyan silang nagbibitiw sa trabaho para magbigay ng pag-aalaga nang full-time. Ayon sa datos mula sa pamahalaan ng Japan, noong 2017 mga 90,000 tao ang nagbitiw sa kanilang trabaho para magbigay ng pag-aalaga sa tahanan.2
Maaaring maipit ang mga tagapag-alaga sa gitna ng hangarin na tumulong samantalang sila mismo ay nangangailangan ng tulong. Ayaw nilang magreklamo sa o pahinain ang loob ng mga taong inaalagaan nila; sa katunayan, pinipilit nilang tugunan ang lahat ng inaasahan nila. Maraming tagapag-alaga ang nagsisikap nang husto at nagsasakripisyo nang mas maraming oras. Kung walang suporta ng ibang tao, maaaring itago na lamang ng mga tagapag-alaga sa kanilang sarili ang pagdurusa at pasakit. Ang ilan ay dumaranas ng pagkabalisa, depresyon, at pagod ng katawan o isipan. Ang pag-aalaga ay nakakaapekto sa kalidad ng buhay, at muli, ayon sa pagsasaliksik, ang matatagal nang tagapag-alaga ay malamang na makaramdam ng bigat ng pasanin at depresyon.3
Mahalagang maunawaan ng mga tagapag-alaga na dapat silang:
-
Hindi mahiyang ibahagi sa iba ang kanilang mga alalahanin at hamon.
-
Matutong umasa sa mga kapamilya at sa resources sa labas.
-
Tumanggap ng suporta mula sa iba-ibang mapagkukunan.
Tinangka ng mga mananaliksik na tukuyin ang mga bagay na nagpapagaan sa pasanin ng mga tagapag-alaga at tuklasin ang mga pamamaraan na makakabuti sa kanilang pisikal at mental na kapakanan. Nalaman nila na nakakatulong ang mga bagay na ito:
-
Ibahagi ang kaalaman tungkol sa mga hamon na kinakaharap ng bawat tagapag-alaga, pati na ang kamalayan tungkol sa mga yugto ng pagbagsak ng kalusugan ng tagapag-alaga.
-
Bigyan pa ng pagkakataon ang pamilya na makialam.
-
Unawain at gamitin ang resources ng komunidad.
-
Umasa sa suporta ng iba, kapwa sa loob at labas ng pamilya.
-
Pakinggang mabuti ang mga pangangailangan at hangarin ng tagapag-alaga.
-
Patulungin ang maraming tao para gumaan ang pasanin ng tagapag-alaga.
Una at Ikalawang Utos
Siyempre pa, ang dalubhasang tagapag-alaga ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. At marami tayong matututuhan tungkol sa pag-aalaga na katulad ni Cristo sa pag-aaral ng tinawag Niyang una at ikalawang dakilang utos:
“Sinabi [ni Jesus] sa kanya, ‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.
“Ito ang dakila at unang utos.
“At ang pangalawa ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili’” (Mateo 22:37–39).
Sa mga talatang ito, naniniwala ako na ang Panginoon ay naglalaan ng gabay na nakakatulong lalo na sa mga tagapag-alaga. Una sa lahat, mahalin ang Panginoon. Huwag kaligtaan ang mga simpleng bagay na nagpapalakas sa inyong espirituwalidad. Magdasal. Basahin ang mga banal na kasulatan. Magkaroon ng kapayapaan sa inyong puso. Damhin ang kapangyarihan at lakas ng pagmamahal sa inyo ng Ama sa Langit.
Malamang ay puspos na kayo ng pagmamahal para sa inyong kapwa—sa sitwasyong ito, sa taong inaalagaan ninyo. Ngunit minamahal din ba ninyo ang inyong sarili, sa matwid na paraan? Ang pangangalaga sa ibang tao ay maaaring nakakapagod sa inyo, kaya mahalagang muling magpalakas kapag mayroon kang pagkakataon. Kung tunay ninyong “[iniibig] ang [inyong] kapwa na gaya ng [inyong] sarili,” nanaisin ninyong panibaguhin ang inyong lakas upang manatili kayong matatag at patuloy na makapaglingkod.
Muling Patibayin ang Inyong Sarili
Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Para sa inyo na masigasig ang hangaring magpasan ng mga pasanin ng iba, mahalagang muling patibayin ang inyong sarili at patatagin ang inyong sarili kapag malaki ang inaasahan sa inyo ng iba at talagang pipigain nila kayo. Walang sinumang napakalakas na hindi sila kailanman napapagod o naiinis o kumikilala sa pangangailangang pangalagaan ang kanilang sarili. …
“Kailangan din namang alagaan ang mga tagapag-alaga. Kailangang mayroong gasolina ang tangke bago ninyo ito maibigay sa iba.”4
At sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kahit malaki ang pagpapala ng mahaba at mapagmahal na paglilingkod sa mga tao, malalaman ninyo na may pisikal, emosyonal, at pinansiyal na mga limitasyon sa maaaring mangyari. Ang taong nag-aalaga nang sapat sa mahabang panahon ay maaaring siyang mangailangan ng pangangalaga.”5
Mga Tagapag-alaga Bilang mga Disipulo ni Cristo
Dapat magtulungan ang mga tagapag-alaga at ang mga lider ng Simbahan na matugunan ang espesyal na mga hamon ng bawat pamilya, kabilang na ang trabaho, pisikal at mental na mga hamon, at mga isyu sa relasyon ng pamilya at ng mag-asawa. Dapat hikayatin ang mga tagapag-alaga na huwag pasobrahan ang kanilang sariling kakayahan sa ilalim ng stress at sa mahihirap na panahon, at dapat silang regular na paalalahanan na mag-ukol ng kaunting panahon para manumbalik ang kanilang lakas.
Sa aking karanasan, kapwa bilang tagapayo at sa sarili kong pamilya, nalaman ko na madalas madama ng mga tagapag-alaga na kailangan nilang gawin ang lahat nang mag-isa. Hindi totoo iyan. Ang mga tagapag-alaga na ayaw tumanggap ng tulong ay halos palaging umaabot sa punto ng “pagkahapo” o sobrang pagod. Kailangan nilang payagan ang iba na tulungan sila. Kailangan nilang sumangguni sa pamilya, mga kaibigan, at mga lider ng ward o branch at mga ministering brother at sister. Ang mga taong sabik na tumulong sa isang tagapag-alaga ay kailangang igalang ang mga hangarin ng tagapag-alaga na pagpalain at bantayan ang kanilang mahal sa buhay.
Narito ang ilang bagay na maaaring makatulong na sama-sama ninyong talakayin:
-
Ano ang suportang maibibigay ng mga miyembro ng pamilya?
-
Ano ang magbibigay ng mga pagkakataon para makapahinga ang tagapag-alaga nang ilang minuto, o kahit nang isa o dalawang oras?
-
Gaano kadalas nakakatulong ang mga pagbisita? Anong klaseng mga pagbisita?
-
Paano magkakaroon ng panahon ang tagapag-alaga na magpanibago ng mga tipan sa pamamagitan ng pagdalo sa templo, pagsisimba, at pagtanggap ng sakramento?
-
Paano maaaring makinabang ang tagapag-alaga mula sa pakikipag-usap lamang sa isang tao?
-
Kailangan ba ng tulong sa pagkain, transportasyon, o mga programa ng gobyerno?
Bilang mga miyembro ng Simbahan, hangad nating maging tunay na mga alagad ni Jesucristo. Dapat ay “ibahagi [natin] ang [ating] kabuhayan sa mga maralita, bawat tao alinsunod sa kung ano ang mayroon siya, gaya ng pagpapakain sa nagugutom, pagpapanamit sa hubad, pagdalaw sa may karamdaman, at pangangasiwa sa kanilang ikagiginhawa, kapwa espirituwal at temporal, alinsunod sa kanilang mga pangangailangan” (Mosias 4:26). Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, gustung-gusto nating maglingkod. Napakagandang tingnan na inaalagaan ng mga anak ang kanilang mga magulang. Maganda ring tingnan ang mga ministering brother at sister na tinutulungan sila, pinasisigla ang kanilang kaluluwa, at pinagagaan ang kanilang mga pasanin.
Kasabay nito, kailangan ng mga tagapag-alaga at sumusuporta sa kanila na “tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas” (Mosias 4:27).