2021
Ang Inspiradong mga Pagbabago sa Gawaing Misyonero ay Nagpala sa Aking Pamilya
Abril 2021


Mga Young Adult

Ang Inspiradong mga Pagbabago sa Gawaing Misyonero ay Nagpala sa Aking Pamilya

Ang mga pagbabago sa komunikasyon ng mga missionary sa kanilang pamilya ay nakatulong sa akin na maibahagi sa aking ina ang mga katotohanan ng ebanghelyo.

woman using smartphone

Walong taon na akong miyembro ng Simbahan, kasama ang tatay ko at dalawa sa mga kapatid kong babae. Mula nang maging miyembro ako, nakita ko na ang magagandang pagpapalang inihanda ng aking Ama sa Langit para sa buhay ko at sa pamilya ko. Talagang napagpala ng ebanghelyo ang buhay ko at natulungan akong masumpungan ang kaligayahang hinahanap ko!

Nang una kong simulang basahin ang Aklat ni Mormon, ang kuwento ng pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay ay nangusap sa puso ko (tingnan sa 1 Nephi 8; 11). Nakakaugnay ako dahil gusto ko ring matikman ng buong pamilya ko at ng lahat ng mahal ko ang bunga ng puno at madama ang pagmamahal ng Diyos sa kanilang buhay.

Dahil diyan, inihanda ko ang sarili ko na maglingkod sa full-time mission at inatasan akong maglingkod sa Guatemala City Guatemala Mission.

Sa aking misyon, nakita kong nagpakabuti ang napakaraming tao dahil sa ebanghelyo. At pinuspos nito ng kagalakan ang puso ko sa araw-araw. Ngunit bawat pagkakataon na nagturo kaming magkompanyon sa mga pamilya, naalala ko ang sarili kong pamilya, lalo na ang nanay ko, na hindi miyembro ng Simbahan noon. Sa bawat araw ng paghahanda, sinikap kong hikayatin siya sa mga email ko na makipag-usap siya sa mga missionary. Ipinagdasal ko na ihanda ng Ama sa Langit ang kanyang puso para tanggapin ang ebanghelyo.

Isang Inspiradong Pagkakataon

Nasa misyon pa ako nang mangyari ang inspiradong pagbabago tungkol sa komunikasyon ng mga missionary sa kanilang pamilya.1 Nang una kong marinig ang balita, ipinaalam sa akin ng Espiritu na pagkakataon ito para anyayahan ang nanay ko na alamin ang iba pa tungkol sa ebanghelyo. Napakasaya ko sa pagbabagong iyon at sa damdaming iyon. Sa buong linggo, hiniling ko sa Panginoon na tulungan akong malaman kung ano ang nais Niyang ibahagi ko sa nanay ko.

Nang dumating ang araw ng paghahanda at nakita ko ang nanay ko sa aking computer screen, nakadama ako ng malakas na impresyon na dapat kaming magdasal. Sinabi ko sa kanya ang nadama kong iyon, at pumayag siya. Habang naka-video call, ipinaliwanag ko sa kanya ang pangunahing mensaheng sinisikap kong ibahagi bilang missionary: na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik. Buong puso kong pinatotohanan na alam kong totoo ito. Inanyayahan ko rin siyang magdasal at magtanong sa Diyos tungkol sa mga bagay na ito para malaman niya mismo ito. Tinapos namin ang aming pag-uusap sa isang panalanging inialay niya. Kapwa namin nadama na napakalakas ng Espiritu kaya’t tumimo ito sa aming puso. Pagkatapos ng tawag, nagpadala ako ng referral sa mga missionary sa area niya.

Sabik kong hinintay ang sumunod na linggo para makabalita ulit sa kanya. Tulad ng ginawa namin noong una, sinimulan namin ang aming video chat sa isang panalangin, at pagkatapos ay nakinig ako sa Espiritu para malaman kung ano ang ibabahagi sa kanya. Ginawa namin ito sa loob ng ilang linggo. Kalaunan, nagulat ako nang magsimula siyang makipag-usap sa mga missionary. At napansin ko ang bagong ningning sa kanyang mga mata.

Maaaring Makagawa ng mga Himala ang Ama sa Langit sa Pamamagitan Natin

Pag-uwi ko, sinamahan ko ang nanay ko sa kanyang mga lesson sa mga missionary. Sa isa sa mga lesson na iyon, sinabi niya, nang may ngiti sa kanyang mukha, na gusto niyang makipagtipan sa Panginoon. Nagulat akong marinig kung paano niya natanggap ang sagot na ang ebanghelyo ay totoo! Muli, napuspos ng Espiritu ang kuwarto at nagpatotoo sa aming puso na totoo ang sinasaksihan namin.

Kaya nga, ilang linggo lang pagkauwi ko, nasaksihan ko ang isa sa mga pinakamalaking himala sa misyon ko: nagpabinyag ang nanay ko at nakipagtipan sa Ama sa Langit.

Dumaloy ang mga luha sa aking pisngi nang makita ko siyang lumusong sa tubig. Nang yakapin ko siya pagkatapos, pareho kaming napaluha, ngunit mas nadama namin ang pagmamahal sa amin ng Diyos. Tinitigan niya ako sa mga mata at sinabing, “Pakiramdam ko niyakap ako at tinanggap ng Diyos. Alam kong hinihintay Niya ako.”

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol na kung minsan ay magagawa ang gawaing misyonero kapag inyong “[nauunawaan] na hindi ninyo trabaho ang i-convert ang mga tao. Iyan ang papel ng Espiritu Santo. Ang papel ninyo ay ibahagi ang nasa puso ninyo at mamuhay nang naaayon sa inyong pinaniniwalaan. …

“Sundan ang landas na ito, at gagawa ang Diyos ng mga himala sa pamamagitan ninyo upang pagpalain ang Kanyang minamahal na mga anak.”2

Nang marinig ko ang sinabi ng aking ina, lalong lumakas ang aking patotoo, at nalaman ko noon nang buong puso ko na dinirinig ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin at matutulungan tayong ibahagi ang bunga ng puno sa iba—lalo na sa sarili nating pamilya.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Missionaries Now Have More Options to Communicate with Families,” Peb. 15, 2019, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Liahona, Mayo 2019, 17.