2021
Ang Naging Epekto ng Pangkalahatang Kumperensya sa Aking Pagbabalik-loob
Abril 2021


Digital Lamang

Ang Naging Epekto ng Pangkalahatang Kumperensya sa Aking Pagbabalik-loob

Ang awtor ay naninirahan sa Iowa, USA.

Ang mga mensaheng ibinabahagi sa pangkalahatang kumperensya ay tumutulong sa atin na mas magbalik-loob sa katotohanan at magkintal ng espirituwal na lakas sa ating puso.

dalagitang nakatingin sa smartphone

Apatnapung taon na ang nakararaan, inialay ko ang aking puso kay Jesucristo at nagsimula akong dumalo sa isang simbahang evangelical. Napakabait ng aking pastor at marami akong naging kaibigan na tumulong sa akin na espirituwal na lumago. Ngunit pagkaraan ng maraming taon ng pagdalo, nabahala ako sa ilang bagong gawain ng simbahan. Sinikap ko nang husto na manatili roon, pero hindi ko talaga magawang sundin ang mga pagbabago.

Nang simulan kong maghanap ng bagong simbahan, niyaya ako ng kuya ko at ng kanyang asawa na mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na sumama sa kanilang magsimba. Pero hindi matanggap ng aking puso’t isipan ang pagiging propeta ni Joseph Smith. Magalang kong sinabi sa kanila, “Salamat na lang.”

Nagsimula akong dumalo sa isa pang simbahang evangelical, pero ganoon din ang nangyari doon. Hindi nagtagal, nadama ko na hindi rin natutugunan doon ang aking espirituwal na mga pangangailangan. Minsan pa, niyaya ako ng kuya ko at ng kanyang asawa na magsimba sa kanilang simbahan, at muli akong magalang na tumanggi.

Ang Pagbabago

Nagpasiya ako na hindi ako maaaring magtiwala sa alinmang simbahan. Nagplano akong manampalatayang mag-isa. Pero dahil walang simbahan o pagkakataong ibahagi ang aking pananampalataya sa iba, nadama ko na unti-unti akong napapalayo sa katapatan ko kay Jesucristo. Nagsimula akong magduda sa mga pinaniwalaan ko sa loob ng 30 taon! Doon nagsimula ang pagbabago para sa akin.

Umasa ako sa kaisa-isang opsiyon na tila naiwan at sa huli ay sinabi ko sa kuya ko at sa kanyang asawa na gusto kong sumamang magsimba sa kanila.

Nag-alinlangan ako noong una, pero hinding-hindi ko malilimutan ang unang Linggo na dumalo ako na kasama nila. Napuspos ang puso ko sa buong sacrament meeting, nang talakayin namin ang Bagong Tipan sa Sunday School, at muli nang sama-sama naming kantahin ang magandang musika sa Relief Society. At gustung-gusto ko ang interaksyon ng mga tao na may malaking pagmamahal at habag.

Naging komportable ako.

Paghahanap ng mga Sagot

Patuloy akong nagsimba, pero matapos magdasal at maghanap nang halos dalawang taon, marami pa rin akong tanong sa Panginoon at hindi pa ako handang magpabinyag. Pagkatapos, noong Oktubre 2012, nagpasiya akong panoorin ang pangkalahatang kumperensya para mahanap ang mga sagot sa aking mga tanong.

Naantig ng dalawang sesyon sa Sabado ang puso ko, at nagpasiya akong panoorin ang sesyon sa Linggo ng umaga sa gusali ng simbahan. Kahit halos walang tao roon, nakadama ako ng kakaibang kapayapaan tungkol sa desisyon kong pumunta sa chapel. Nadama ko na lumalambot ang puso ko. Gutom na gutom ako sa katotohanan.

Nagbahagi si Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ng isang magandang mensahe na hinding-hindi ko malilimutan. Binanggit niya ang panalangin ni Joseph Smith sa Liberty Jail, noong siya ay umiyak: “O Diyos, nasaan kayo? At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar?” (Doktrina at mga Tipan 121:1). Ikinumpara ni Pangulong Eyring ang pakiramdam ni Joseph sa nadama ko:

“Marami sa atin, sa mga sandali ng sariling pagdadalamhati, ay nadarama na malayo ang Diyos sa atin. … Ang Diyos ay hindi nakakubli kailanman, kundi tayo ang nakakubli kung minsan, natatakpan ng pabilyon ng mga panghihikayat na naglalayo sa atin sa Diyos at ginagawang tila malayo Siya at hindi natin maabot. …

“Ang ating damdamin na nahiwalay tayo sa Diyos ay mababawasan kapag [naging] mas katulad tayo ng bata sa Kanyang harapan. … Ngunit ipauunawa niyan sa atin ang katotohanang ito: ang Diyos ay malapit sa atin at sinusubaybayan tayo at hindi nagkukubli sa Kanyang [matatapat na] anak kailanman.”1

Nang ibahagi ni Pangulong Eyring ang mensaheng ito tungkol sa pagtanggap sa pagmamahal at kalooban ng Diyos, narinig ko ang isang mensahe mula sa Espiritu sa aking isipan. Isang simpleng salita iyon: “Magpabinyag ka.”

Nang magsalita si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pagbabalik-loob sa araw ding iyon,2 nadama ko na naglaho ang mga alalahanin ko tungkol sa pagpapabinyag. Natanto ko na hindi ko isinusuko ang aking mga pangunahing paniniwala mula sa mga panahon ko sa simbahang evangelical sa pagsapi sa isang bagong relihiyon. Nakasalig ako sa pananampalataya at mga katotohanang taglay ko na. Lalo pa akong nagbabalik-loob sa Panginoon. At tinutulungan ako ng Kanyang mga propeta habang ginagawa ko ito.

Kinaumagahan pagkatapos ng kumperensya, tinawagan ko ang kuya ko at tinanong ko kung maaari niya akong binyagan. Napakasayang sandali niyon na kapwa nagpaluha sa amin.

May mga Sagot sa Pangkalahatang Kumperensya para sa Atin

Habang pinagbubulayan ko ang paglalakbay ko sa buhay, nagpapasalamat ako sa mga pagkakataong ibinigay sa akin sa pamamagitan ni Jesucristo. At nagpapasalamat ako para sa pangkalahatang kumperensya. Sa oras ng pangkalahatang kumperensya, nadama ko na narinig ako ng Diyos. Sinagot Niya ang aking mga tanong, nilutas ang aking mga pangamba, at minahal ako sa pamamagitan ng mga salita ng Kanyang mga propeta.

Alam ko na bawat pangkalahatang kumperensya ay may mensaheng nagmumula mismo sa Panginoon na personal na nababagay sa inyo at sa pinagdaraanan ninyo. Kapag pinakinggan natin ang mga propeta nang may kahandaang tanggapin ang mensahe ng Diyos para sa atin, maririnig natin Siya. Tatanggap tayo ng mga sagot sa ating mga dalangin at mga sagot sa ating mga tanong. Matutuklasan natin na nangungusap ang Panginoon, at mas lalo tayong magbabalik-loob sa Kanya.

Mga Tala

  1. Henry B. Eyring, “Nasaan ang Pabilyon?” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 72.

  2. Tingnan sa David A. Bednar, “Nagbalik-loob sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 106–109.