2021
Ang Bakanteng Upuan ni Inay
Abril 2021


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Bakanteng Upuan ni Inay

Tuwing Linggo sa Relief Society, laging nauupo si Inay sa iisang lugar sa harapan.

chairs

Retrato ng mga upuan mula sa Getty Images

Nakatira kaming mag-asawa sa ward kung saan nakatira ang napakabait kong ina. Bawat linggo, bilang miyembro ng Relief Society presidency, nakaupo ako sa harapan ng kuwarto ng Relief Society, na paharap sa mga sister. Laging nauupo si Inay sa iisang lugar sa harapan.

Masaya akong masdan ang mga pagsagot niya sa mga lesson at marinig ang kanyang mga komento. Pagkaraan ng bawat miting, hinahagkan niya ako sa pisngi at pinipisil ang aking kamay. Malapit kami ni Inay, kaya lungkot na lungkot ako nang pumanaw siya nang hindi inaasahan.

Pagkaraan ng kanyang libing, nasasaktan pa rin ako. Pagsapit ng Linggo, itinanong ng asawa ko kung ayos lang bang magsimba ako nang hindi siya kasama. Madalas siyang wala sa ward namin dahil sa calling niya.

“Ayos lang ako hangga’t hindi ko nakikita ang bakanteng upuan ni Inay,” sabi ko. “Hindi ko alam kung mapipigilan ko ang damdamin ko kapag nakita ko ang bakanteng upuang iyon.”

Iminungkahi ng asawa ko na sikapin kong huwag tumingin sa upuan. Nagpasiya akong gawin ang lahat ng makakaya ko.

Lahat ng nasa Simbahan ay nagpakita ng suporta at pagmamahal. Nang oras na para magpunta sa Relief Society, umupo ako sa harapan ng kuwarto, pero sa sahig ako nakatitig.

Gayunman, nang magsimula ang lesson, hindi ko napigilang tingnan ang dating inuupuan ni Inay. Inasahan kong makita ang bakanteng upuan niya, pero sa halip ay nakita kong nakaupo roon ang aking ministering sister. Nginitian niya ako. Napanatag ako at nagpasalamat sa kanyang kabaitan. Natapos ko ang miting nang hindi ako nadaraig ng lungkot. Pagkatapos ng miting pinasalamatan ko siya.

“Hindi ko kakayaning makita ngayon ang bakanteng upuan ni Inay. Paano mo nalaman?” tanong ko sa kanya.

“Pagpasok ko sa kuwarto ngayon, may pakiramdam ako na hindi mo kakayaning makita ang kanyang bakanteng upuan,” sagot niya. “Kaya nagpasiya akong doon maupo.”

Hindi niya alam na napakahalaga sa akin ng kabaitan niyang iyon. Nagpapasalamat ako na nadama niya ang pahiwatig ng Espiritu. Alam ko na kahit ang maliliit na gawa ay may nagpapagaling na epekto sa mga pinaglilingkuran natin. Naniniwala ako na ganito ang paglilingkod na nais ng Tagapagligtas na gawin natin sa isa’t isa.