2021
Narito para sa Isang Dahilan
Abril 2021


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Narito para sa Isang Dahilan

Mahal tayo ng Ama sa Langit at nais Niya tayong pagpalain, kung minsan sa mga paraang hindi natin inaasahan.

books on a shelf

Retrato ng mga aklat mula sa Getty Images

Mahigit isang taon na ako sa misyon ko sa Netherlands at Belgium nang tumawag sa akin ang mission president ko at sinabing ililipat ako sa isang bagong area.

Sinabi niya sa akin kung saan ako mapupunta at kung sino ang magiging kompanyon ko at nagpasalamat siya sa kahandaan kong maglingkod. Umasa akong makapunta sa ibang area, pero tumawid ako ng bansa papunta sa bago kong area at ginawa ko ang lahat para kalimutan ang sarili ko at maglingkod.

Mula sa sandaling dumating ako, inisip ko kung bakit ako nadestino roon. Isang araw sinabi ng kompanyon ko na may appointment kami sa isang di-gaanong aktibong babae na taga-Puerto Rico. Espanyol lang ang gamit niyang salita. Mabuti na lang at nagsasalita ng Espanyol ang kompanyon ko, dahil hindi ako marunong!

Sa appointment, habang kausap ng kompanyon ko ang sister, ngumiti lang ako at tumangu-tango. Bago kami nagbigay ng mensahe, tinanong ng kompanyon ko ang sister na ito kung mayroon siyang Aklat ni Mormon sa wikang Dutch na puwede kong gamitin para masundan ko. Naipamigay na namin ang huling kopya namin sa araw na iyon. Kinuha niya ang isang aklat mula sa itaas ng kanyang istante.

Binuksan ng kompanyon ko ang aklat at binasa ang pahina ng pabalat. Tiningnan niya ako at tinanong, “Kilala mo ba ang taong ito?”

Ipinakita niya sa akin ang pahina ng pabalat, na may patotoong isinulat ng isa pang Elder Morrell. Nakilala ko ang address na kasama sa mensahe.

Ilang taon bago iyon, nagmisyon ang pinsan ko sa ward ng sister na ito sa Puerto Rico. Nang malaman nila ng kanyang kompanyon na lilipat ng Netherlands ang sister na ito, binigyan nila siya ng isang Aklat ni Mormon sa wikang Dutch na may nakasulat na mga patotoo nila.

Matapos basahin ang patotoo ng pinsan ko, nakatanggap ako ng malakas na pahiwatig. “Narito ka para sa isang dahilan,” tila sinasabi ng Espiritu. “May mga tao sa area na ito na naghihintay na madala sa ebanghelyo sa pamamagitan mo.”

Nang ipaliwanag namin na ang elder na sumulat ng kanyang patotoo ay pinsan ko, sinabi ng sister na ito na nadama niya na nakikipag-ugnayan sa kanya ang Diyos para ipakita kung gaano Niya siya kamahal at gaano Niya kagustong bumalik siya sa simbahan.

Mahal tayo ng Ama sa Langit at nais Niya tayong pagpalain, kung minsan sa mga paraang hindi natin inaasahan. Nakadama ako ng pagpapakumbaba na maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon para pagpalain ang buhay ng sister na ito.