2021
Ang Kapansin-pansing Pagkakaiba sa pagitan ng Tagapagligtas at ng Kaaway
Abril 2021


Ang Kapansin-pansing Pagkakaiba sa pagitan ng Tagapagligtas at ng Kaaway

Ang pagkukumpara sa mga pagkakaiba sa pagitan ni Jesucristo at ni Satanas ay tumutulong sa atin na lalo pang pahalagahan ang misyon at pagmamahal ng Tagapagligtas.

Christ standing in a field and watching over sheep

I Shall Not Want [Hindi Ako Magkukulang, ni Yongsung Kim

Isipin ang karingalan ng kaloob na ibinigay ng ating Tagapagligtas sa lahat ng anak ng Diyos nang kusa Siyang nag-alok na tuparin ang plano ng Ama. Sa kapulungan sa langit bago tayo isinilang, nang sabihin ng ating Ama sa Langit na, “Sino ang isusugo ko?” buong pagpapakumbabang sumagot ang Tagapagligtas, “Narito ako, isugo ako” (Abraham 3:27) at sinabi pa na, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan” (Moises 4:2).

Dahil sa pagmamahal Niya sa atin, nag-alok si Jesucristo na maging ating Tagapagligtas.1 Gayunman, ang tugon ni Satanas sa plano ng Ama ay makasarili. Bagama’t sinabi niya na “[kanyang] tutubusin ang buong sangkatauhan” (tingnan sa Moises 4:1), siya “ay hindi nagboluntaryo na maging Tagapagligtas natin. Hindi siya interesadong magdusa o mamatay para sa kahit na sino. Hindi siya magtitigis ng kahit isang patak mula sa kanyang dugo. Gusto niya ang kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan ng Diyos nang walang anumang ginagawa. … Siya ang mamumuno, at wala nang ibang maaaring sumulong.”2

Kitang-kita ang pagkakaiba, lahat ng ginagawa at gagawin ni Cristo ay dahil sa Kanyang sakdal na pagmamahal para sa atin (tingnan sa 2 Nephi 26:24) at sa hangaring dakilain ang Ama sa Langit (tingnan sa Juan 8:28–29). Nakakaaba at nakakasiglang isipin na “si Jesucristo ay puspos ng hindi masusukat na pag-ibig habang tinitiis Niya ang di-mailarawang sakit, kalupitan, at kawalang-katarungan para sa atin. Dahil sa pag-ibig Niya sa atin, napagtagumpayan Niya ang napakalalaking hadlang na iyon … upang mapagtagumpayan rin natin ang sakit at kalupitan at kawalang-katarungan ng mundong ito at tumulong at magpatawad at magpala.”3 Nakapagtataka ba na umaawit tayo ng, “O, kahanga-hangang minahal N’ya ako’t buhay N’ya’y binigay [para sa akin]”?4

Napakaraming pagkukumpara sa mga banal na kasulatan sa pagitan ng pagkatao ni Jesucristo at ng kaaway. Ang pagsusuri sa mga ito ay magpapaunawa sa atin sa saklaw ng sakdal na pagmamahal ng ating Tagapagligtas.

Christ in the midst of people of various races or nationalities

Christ in the Midst [Si Cristo sa Gitna], ni Judith Mehr

Satanas

Jesucristo

“Ang diyablo … ay tulad ng leong gumagala at umuungal, na humahanap ng kanyang malalapa” (1 Pedro 5:8) at “panhik-panaog, paroon at parito sa mundo, naghahangad na mawasak ang mga kaluluwa ng tao” (Doktrina at mga Tipan 10:27).

“Ako ang mabuting pastol: [ibinibigay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.] … at ibinibigay ko ang aking buhay para sa mga tupa. … [I]binibigay ko ang aking buhay, upang ito’y kunin kong muli. Walang nag-aalis nito sa akin, kundi kusa kong ibinibigay” (Juan 10:11, 15, 17–18).

“Siya ay naghimagsik laban sa akin, nagsasabing, Ibigay mo sa akin ang iyong karangalan, na siyang aking kapangyarihan; at gayon din ang ikatlong bahagi ng hukbo ng langit ay inilayo niya sa akin dahil sa kanilang kalayaang pumili” (Doktrina at mga Tipan 29:36).

“Wala akong ginagawa mula sa aking sarili kundi … ayon sa itinuro sa akin ng Ama. … Lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kanya. … Pinararangalan ko ang aking Ama. … Ngunit hindi ko hinahanap ang sarili kong kaluwalhatian” (Juan 8:28–29, 49–50).

Siya na “na nagpalaganap ng mga gawa ng kadiliman at mga karumal-dumal na gawain sa lahat ng dako ng lupain, hanggang sa mahila niyang pababa ang mga tao sa lubos na pagkalipol, at sa walang hanggang impiyerno” (Helaman 6:28).

“Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12).

Siya ay “naghahangad na wasakin ang kalayaan ng tao” (Moises 4:3) at “hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 2:27).

“Ako’y pumarito upang sila’y magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang may kasaganaan” (Juan 10:10) at “upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha. Ako’y sinugo niya upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag, at muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naaapi” (Lucas 4:18).

Hindi itataguyod ng diyablo ang kanyang mga anak sa huling araw” (Alma 30:60), “hinihibok [sila], at kanya silang inaakay hanggang kanyang mahila ang kanilang mga kaluluwa sa impiyerno” (Doktrina at mga Tipan 10:26), “hanggang sa kanyang mahawakan sila ng kanyang mga kakila-kilabot na tanikala” (2 Nephi 28:22).

“Ako ay nasa gitna ninyo, at ako ang inyong tagapamagitan sa Ama” (Doktrina at mga Tipan 29:5), “maging si Jesucristo, ang inyong tagapamagitan, na nakakaalam ng kahinaan ng tao at kung paano masasaklolohan sila na natutukso” (Doktrina at mga Tipan 62:1).

“Kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa” (3 Nephi 11:29), at “kanyang pinukaw sila sa kasamaan laban sa yaong mabuti” (Doktrina at mga Tipan 10:20).

“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man” (Juan 14:27).

“Binulag [niya] ang pag-iisip ng mga hindi mananampalataya” (2 Corinto 4:4), “iniisip na daigin ang iyong patotoo” (Doktrina at mga Tipan 10:33), at “dumating at kinuha ang liwanag at katotohanan” (Doktrina at mga Tipan 93:39).

“Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan. … Samakatwid, siya na nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa akin, at bibigyan ko siya nang sagana at hindi siya susumbatan” (Doktrina at mga Tipan 42:61, 68).

Nawa’y palagi nating “[pagnilayan ang walang-hanggang] biyaya [at kabaitan ng Tagapagligtas] ” at itangi ang katotohanan na dahil sa Kanya, “ang buhay na walang hanggan ay [ibinigay sa atin].”5

Mga Tala

  1. Tingnan sa Joseph B. Wirthlin, “Never Give Up,” Ensign, Nob. 1987, 10.

  2. D. Todd Christofferson, “A Message at Christmas” (Brigham Young University devotional, Dis. 12, 2017), 4, speeches.byu.edu.

  3. John H. Groberg, “Ang Kapangyarihan ng Pag-ibig ng Diyos,” Liahona, Nob. 2004, 11.

  4. “Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg. 115.

  5. “Habang Aming Tinatanggap,” Mga Himno, blg. 99.