2021
Paghahangad sa Ganap na Kapuspusan ni Cristo
Abril 2021


Paghahangad sa Ganap na Kapuspusan ni Cristo

Mula sa isang mensahe sa multiregional young adult devotional, “The Measure of the Stature of the Fulness of Christ,” na ibinigay sa Stanford, California, USA, noong Pebrero 9, 2020.

Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, lumapit kay Jesucristo at hangarin ang Kanyang nakapapanatag na tinig na kapayapaan.

Jesus with arms outstretched

Be Not Afraid [Huwag Kayong Matakot], ni Michael Malm

Magbibigay ako ng ilang ideya tungkol sa personal na paghahanap na gagawin ng bawat isa sa inyo sa paghahangad na matamo ang “ganap na kapuspusan” ni Cristo (tingnan sa Efeso 4:13). Sana ay magkaroon ng kaunting halaga ang mga ito sa buhay ninyo at sa mga sitwasyon ninyo.

Ang ilan sa inyo ay narating ang nais ninyong marating, o kahit paano ay alam ninyo kung ano ang nais ninyong marating sa buhay. Ang ilan sa inyo ay tila maraming pagpapala at magagandang pagpipiliang naghihintay sa inyo. Ang iba sa inyo ay nadarama, nang ilang panahon at sa anupamang dahilan, na hindi kayo gaanong mapalad at kakaunti ang magagandang oportunidad na naghihintay sa inyo.

Ngunit saanman kayo papunta at paano man ninyo nilalagpasan ang inyong mga hamon para makarating doon, hinihiling ko sa inyo na lumapit sa Tagapagligtas na si Jesucristo bilang unang hakbang para makarating sa inyong personal na patutunguhan, sa paghahanap ng inyong sariling kaligayahan at katatagan, at sa pagkakamit ng inyong huling tadhana at tagumpay (tingnan sa 1 Nephi 10:18; 2 Nephi 26:33; Omni 1:26; Doktrina at mga Tipan 18:11).

Lahat ng iyan ay maaaring mapasainyo kung ang sagot sa tanong na “Saan ka paroroon?” (Moises 4:15) ay “Kung saan Kayo naroon, Panginoon.”

Maaaring mahirap ang buhay. Mayroon tayong pasakit at mga panghihinayang at mga tunay na problemang kailangang lutasin. Mayroon tayong mga kabiguan at kalungkutan, lahat ng klase ng hirap at ginhawa. Ngunit sapat na ang nasabing mapanghikayat na mga salita ng Panginoon at ng mga propeta kung paano harapin ang mga problemang iyon upang punan ang isang napakahabang listahan.

“Kapayapaan ang Iniiwan Ko sa Inyo”

Ang basbas ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo kahit habang malapit na Siyang masaktan at magdusa sa Getsemani at Kalbaryo ang pinaka-nakakaantig sa mga salitang ito. Noong gabing iyon, ang gabi ng pinakamatinding pagdurusang naganap o magaganap sa mundo, sinabi ng Tagapagligtas: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. … Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man” (Juan 14:27).

Nakakagulat ngunit napakagandang pag-unawa sa buhay lalo na sa pinakamasakit na oras ng Kanyang buhay sa mundo! Paano Niya masasabi iyon, na nahaharap Siya sa alam Niyang kinakaharap Niya? Masasabi Niya iyon dahil Kanya ang Simbahan at ang ebanghelyo ng walang-hanggang kaligayahan! Para sa atin, natamo na ang tagumpay. Walang-hanggan ang Kanyang pananaw; alam Niya ang mga nangyayari sa Kanya.

Gayunman, sa tingin ko ang ilan sa atin ay taglay pa rin ang pananaw ng mga Puritan na nagsasabing mali kahit paano ang maaliw o matulungan, na dapat tayong malungkot tungkol sa anumang bagay sa lahat ng oras. Naniniwala ako na maaaring ang “lakasan ninyo ang inyong loob” (Juan 16:33) sa paghahanap sa “sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo” (Efeso 4:13) ang kautusang sinuway ng halos buong sansinukob, maging sa puso ng nagsisikap na matatapat na Banal sa mga Huling Araw, subalit tiyak na wala nang ibang naging mas masakit sa maawaing puso ng Panginoon.

Bagama’t mag-aalala ako nang husto kung sa isang bahagi ng kanilang buhay, lubhang nabalisa o nalungkot o sumuway ang isa sa aking mga anak, magkagayunman ay labis akong malulungkot kung madama ko na sa oras na iyon ay hindi ako mapagkatiwalaan ng anak na iyon na tutulungan ko siya o inakala niya na ang kanyang kapakanan ay hindi mahalaga sa akin o hindi ligtas sa aking pangangalaga.

Sa gayunding kaisipan, kumbinsido ako na walang sinuman sa atin ang makauunawa kung gaano nito sinusugatan ang mapagmahal na puso ng Diyos Ama o ng Kanyang Anak, ang Tagapagligtas ng sanlibutan, kapag nakikita Nila na hindi panatag ang mga tao sa Kanilang pangangalaga o hindi ligtas sa Kanilang mga kamay o nagtitiwala sa Kanilang mga utos. Mga kaibigan ko, dahil lang diyan, may tungkulin tayong maging masaya!

Ang Kanyang “Biyaya ay Sapat”

Ang isa pang payo tungkol sa paghahanap kay Cristo at sa sukat ng Kanyang ganap na kapuspusan ay nangyari nang maisagawa ni Jesus ang himala ng pagpapakain sa 5,000 mula sa limang tinapay at dalawang isda (tingnan sa Mateo 14:13–21). (Siyanga pala, huwag kayong mag-alala na baka nauubusan na ng mga himala si Cristo para tulungan kayo. Ang Kanyang “biyaya ay sapat” [2 Corinto 12:9]. Iyan ay isang espirituwal at walang-hanggang aral ng himalang ito. Marami Siyang pagpapala para sa lahat at may ilan pang matitira! Sumampalataya at tamasahin ang Kanyang alok na “tinapay ng buhay”! [Juan 6:35].)

Matapos pakainin ni Jesus ang maraming tao, pinauwi Niya sila at pinasakay ang Kanyang mga disipulo sa isang bangkang pangisda para tumawid sa kabilang ibayo ng Dagat ng Galilea. Pagkatapos ay “umakyat siyang mag-isa sa bundok upang manalangin” (Mateo 14:23).

Nang lumulan ang mga disipulo sa kanilang bangka, pagabi na, at maunos ang gabi. Malakas na siguro ang hangin sa simula pa lang. Dahil sa hangin, malamang ay ni hindi na itinaas ng mga lalaking ito ang mga layag kundi nagsagwan na lang sila—at napakahirap niyon.

Alam natin ito dahil “madaling-araw na” (Mateo 14:25)—sa pagitan ng alas-3:00 at alas-6:00 n.u—ilang milya pa lang ang narating nila (tingnan sa Juan 6:19). Nang oras na iyon ay nasa gitna na ng tunay na malupit na unos ang barko.

Ngunit, tulad ng dati, nakabantay sa kanila si Jesus. Nang makita ang hirap nila, pinuntahan lamang sila ng Tagapagligtas sa kanilang bangka, na naglalakad sa gitna ng mga alon para tulungan sila.

Jesus Christ helping Peter up out of the stormy seas

Finisher of Faith [Tagatapos ng Pananampalataya], ni J. Alan Barrett

“Huwag Kayong Matakot”

Noong nasa malaking panganib na sila, tumingin ang mga disipulo at nakita nila sa dilim ang kababalaghang ito na nakasuot ng pumapagaspas na bata na naglalakad sa ibabaw ng mga alon ng dagat papunta sa kanila. Napasigaw sila sa takot sa nakita nila, na nag-aakalang multo iyon na naglalakad sa ibabaw ng mga alon. Pagkatapos, sa unos at dilim—nang tila napakalaki ng dagat at tila napakaliit ng kanilang bangka—narinig nila ang tunay at nakapapanatag na tinig ng kapayapaan mula sa kanilang Panginoon: “Ako ito. Huwag kayong matakot” (Mateo 14:27).

Ang salaysay na ito sa banal na kasulatan ay nagpapaalala sa atin na sa paglapit kay Cristo, na hangad ang Kanyang ganap na kapuspusan, o sa Kanyang paglapit sa atin upang ihatid sa atin ang ganap na kapuspusang iyon, sa unang hakbang ay maaaring mapuno tayo ng matinding takot. Hindi dapat ito, ngunit kung minsa’y nangyayari ito. Isa sa pinaka-kakatwa sa ebanghelyo ay ang katotohanang kung alin pa ang inaalok sa atin na mapagkukunan ng tulong at kaligtasan ay siya pa nating tinatakasan, dahil sa kitid ng ating pananaw sa buhay na ito.

Sa anupamang dahilan, nakakita na ako ng mga investigator na ayaw magpabinyag. Nakakita na ako ng mga elder na ayaw magmisyon. Nakakita na ako ng mga magkasintahan na ayaw magpakasal. Nakakita na ako ng mga miyembro na ayaw tumanggap ng mga calling. At nakakita na ako ng mga tao na ayaw nang maging miyembro ng Simbahan.

Napakadalas nating umayaw sa mismong mga bagay na magliligtas at aaliw sa atin. Napakadalas nating makakita ng mga tao na ang tingin sa mga pangakong maging tapat sa ebanghelyo ay isang bagay na dapat katakutan at pagkatapos ay talikuran.

Sinabi ni Elder James E. Talmage (1862–1933): “Sa buhay ng bawat adult ay dumarating ang mga karanasang tulad ng kinailangang harapin ng mga naglalayag sa pasalungat na hangin at nagbabantang karagatan; kadalasa’y matagal na ang paghihirap at panganib bago dumating ang tulong; at pagkatapos, kadalasa’y napagkakamalan pang mas nakakatakot ang tulong na makapagliligtas sa kanila. [Ngunit,] tulad ng nangyari sa [mga disipulong ito] sa gitna ng nag-aalimpuyong karagatan, dumarating sa lahat ng nagsisikap na sumampalataya ang tinig ng Tagapagligtas—‘Ako ito. Huwag kayong matakot.’”1

Lumapit sa Kanya

Ang napakagandang bagay tungkol sa paanyayang ito na tanggapin ang Tagapagligtas, na lumapit sa Kanya at sikaping matamo ang Kanyang ganap na kapuspusan, ay na magagawa ito ng sinuman. Hindi niyan ibig sabihin na gusto ng lahat ng kakilala mo na sundin ang mga utos, o na lahat ng makasalubong mo ay susunod sa mga kautusan. Kundi ang ibig sabihin niyan ay na posibleng sundin ang mga kautusan nang walang anumang espesyal na kaloob o pamana para gawin iyon.

Nagsusumamo ako na magkaroon tayo ng pananampalatayang “nagniningning at maliwanag at dalisay at malakas,” na si Cristo ay “maging napakahalaga sa [ating] buhay at mga desisyon bilang isang lipunan,”2 at na malubos ang sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo sa ating buhay (tingnan sa mga Efeso 4:13).

Magiging hamon sa inyo ang buhay. Darating ang mga paghihirap. Magkakaroon ng mga dalamhati. Mamamatay ang mga mahal sa buhay. Kaya, saanman kayo papunta, puntahan muna ninyo si Jesucristo. Alalahanin na ginagawang posible ng Kanyang pagdurusa at Pagkabuhay na Mag-uli ang ating tagumpay sa hirap at kamatayan. Makipagtipan sa Kanya at tuparin ang mga ito habang kayo ay nabubuhay.

Sa lahat ng aking kahinaan, na agad kong kinikilala, hangad kong makamtan natin “ang sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo.” Nais kong lumapit sa Kanya. Kung maaari, nais ko Siyang lumapit sa akin. At gusto ko talaga ang pagpapalang iyan para sa inyong lahat.

Mga Tala

  1. James E. Talmage, Jesus the Christ (1916), 337.

  2. Eric Metaxas, Bonhoeffer: Pastor, Martyr, Prophet, Spy (2010), 248.