Digital Lamang: Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Maaari Ka pa ring Maging Isang Ina
Ang pagiging ina ay isang espesyal na tungkuling ibinibigay ng Diyos sa bawat babae.
Gustung-gusto kong maglingkod sa ibang tao. Isang bagay ito na natutuhan ko sa aking mga magulang, lalo na sa aking ina. Siya palagi ang nauunang mag-alok ng tulong at mag-anyaya sa mga tao na kumain o uminom.
Itinuro niya sa akin na ang paggawa ng mabubuting bagay para sa iba ay makagagawa ng malaking kaibhan sa maraming buhay. Kapag tinutulungan mo ang isang tao, matutulungan mo silang maging masaya. At kapag masaya sila, nanaisin nilang pasayahin ang iba. Isang bagay iyan na palaging nasa puso ko.
Si Crystal ay nasa hayskul at si Angel ay anim na taong gulang noong hindi na sila makayang alagaan ng kanilang ina. Nag-alok akong kupkupin sila. “Ipinapangako ko na hinding-hindi ko iiwan ang mga anak mo,” sabi ko. “Aalagaan ko silang mabuti.”
Makalipas ang ilang taon, isa pang batang ina ang humiling na kupkupin ko ang kanyang sanggol na si Allison. Naharap ang inang ito sa mahirap na sitwasyon at alam niya na mabibigyan ko ng magandang buhay ang kanyang sanggol. Kinupkop ko si Allison.
Sinisikap kong ituro sa mga batang ito ang mahahalagang bagay sa buhay. Dinadala ko sila sa simbahan at sinisikap kong tulungan sila na mas mapalapit sa Diyos. Alam ko na kapag mas malapit ako sa Kanya, mas marami pa akong magagawa, maging ang mga bagay na inaakala kong imposible. Siyempre pa, gusto ko iyan para kina Crystal, Angel, at Allison.
Naghirap ang mga batang ito sa buhay, pero namasdan kong paghilumin ng ebanghelyo at ng Espiritu ang kanilang puso. Namasdan ko na unti-unting nagbago ang kanilang mga pananaw at pag-uugali. Sama-sama naming ipinagdarasal ang kanilang mga magulang na nagsilang sa kanila, dahil anuman ang mangyari, nais kong igalang at mahalin nila sila.
Mahal ko sina Crystal, Angel, at Allison na parang sarili kong mga anak. Kung minsan ay tinatanong ako ng mga tao kung pagsisisihan ko ang aking mga desisyon. Paano kung magpasiya ang ina ni Allison na bawiin si Allison? Pagsisisihan ko ba na minahal ko si Allison at naging malapit ako sa kanya? Pero bakit ko dapat pagsisihan iyon? Walang dapat pagsisihan sa pagtulong sa ibang tao! Ito ay isang bagay na dapat ipagpasalamat.
Labis akong nagpapasalamat para kina Crystal, Angel, at Allison. Salamat sa kanila, natutuhan ko kung paano maging isang ina. Natuto akong gumising sa kalagitnaan ng gabi para magpalit ng lampin, kung paano turuang magdasal ang mga batang musmos, kung paano magmahal nang higit pa kaysa inakala kong posible. Isang bagay iyan na hindi ko inisip na magagawa ko.
Ang tungkulin ko marahil sa mundong ito ay alagaan ang mga walang ina o malayo sa kanilang ina.
Sinisikap kong tanggapin at pakinggan ang sinumang nangangailangan nito. Kapag dumarating ang mga missionary, sinisikap kong tratuhin sila na tulad ng gagawin ng kanilang ina. Tuwing kaarawan nila, nagbe-bake ako ng cake para sa kanila. Tinatanong ko sila kung ipinagluluto sila ng kanilang mga magulang ng espesyal na pagkain at pagkatapos ay sinisikap kong lutuin iiyon para sa kanila. Alam kong malayo ang kanilang mga magulang, kaya isang bagay ito na magagawa ko para palakasin sila.
Nalulungkot ako dati na wala pa akong asawa at nasabik akong magkaroon ng sarili kong mga anak, pero ang pagiging ina ay isang espesyal na tungkuling ibinibigay ng Diyos sa bawat babae. Siguro ay wala kayong sariling anak, pero maaari pa rin kayong maging isang ina.