Pananampalataya na Abot-Kaya ng Lahat
Bawat isa sa atin ay makakatulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa natatangi at mabibisang paraan.
Bawat tao sa mundo ay may iba’t ibang kalakasan at kahinaan, mga aspeto ng kakayahan gayundin ng mga limitasyon. Tampok sa artikulong ito ang tatlong miyembro ng Simbahan na namumuhay sa mga kundisyon na ayon sa medisina ay mga kapansanan. Ang kanilang mabubuting gawa ay nagpapatunay, lalo na pagdating sa pagsunod sa Tagapagligtas, na tiyak na sila ay may kakayahan—kakayahang tumulong na itayo ang Kanyang kaharian, kakayahang gumawa ng kaibhan, at kakayahang magpakita ng halimbawang susundan ng iba.
Paglilingkod nang May Pagmamahal
Si President Juan Medina ay naglilingkod bilang branch president sa ikalawang pagkakataon, pero medyo kaiba ang karanasang ito. Sa pagkakataong ito, hindi niya nakikita ang mga taong pinaglilingkuran niya. “Unti-unti akong nawalan ng paningin, pero hindi ako nawalan ng kakayahang maglingkod na lagi nang ibinibigay sa akin ng Panginoon,” sabi ni President Medina mula sa kanyang tahanan sa Sonora, Mexico. “Ang makapaglingkod sa aking mga kapatid ay isang pribilehiyo.”
Sa panahon ng pandemyang COVID-19, tinawagan ni President Medina ang bawat miyembro ng kanyang branch para alamin ang kanilang kalagayan. Sinabi niya na hindi lamang ito nakatulong sa iba kundi nakatulong din para hindi siya gaanong mag-alala at panghinaan-ng-loob. “May nakapaglingkod man sa akin o naglilingkod ako sa iba, sa paglilingkod ko nalaman ang tunay na pagmamahal ni Cristo.”
Sinabi ni President Medina na gustung-gusto niyang makipagtulungan sa mga bagong binyag na miyembro. “Makikita ang malinaw na kaibhan ng kanilang buhay bago at pagkatapos ng binyag,” sabi niya. “Binabago sila ng pagmamahal.”
Nang tanungin siya tungkol sa mga hamong kinakaharap niya, hindi man lang binanggit ni President Medina ang kanyang kapansanan sa paningin. Sa halip, nagtuon ang kanyang mga komento sa mga taong nawawala sa sacrament meeting bawat linggo at kung gaano niya kagustong malaman nila kung gaano ang pangungulila sa kanila.
“Ang pinakamalaking pagpapalang natanggap ko ay ang pagbabago ng buhay ko dahil sa ebanghelyo,” sabi niya. “Hindi ito nabago ng pagiging bulag.”
Pagdadala ng Daan-daan sa Templo
Iilang lugar lang ang gustong puntahan ni Heather Nilsson bukod sa templo.
“Napakagandang lugar nito dahil ito ay literal na bahay ng Panginoon,” sabi niya. Talagang mahal na mahal niya ang Los Angeles California Temple dahil doon siya nagmisyon. Karamihan sa mga ordenansang ginawa niya roon ay para sa mga miyembro ng sarili niyang pamilya.
“Hindi ko kailanman nakilala nang personal ang lolo ko, pero nakilala ko siya sa templo,” sabi niya.
Ang mabuhay nang may cerebral palsy ay nagpapahirap sa maraming aspeto ng buhay. Sabi ni Sister Nilsson, kung minsan daw ay pinanghihinaan siya ng loob tungkol sa hadlang na dulot ng depektong ito mula pa sa pagsilang sa paggawa niya ng mga bagay-bagay, tulad ng pagmamaneho ng kotse o pagtakbo paikot ng block. Ngunit ang kanyang tiwala sa plano ng Diyos ay nagbibigay sa kanya ng pag-asang mas matindi kaysa sa kawalan ng pag-asa. Tandang-tanda niya ang araw na una niyang nalaman ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Anim na taong gulang siya noon at inampon na ng isang pamilyang Banal sa mga Huling Araw.
“Ang mga bagay na hindi ko magawa ngayon ay magagawa ko kalaunan dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” pagpapatotoo niya.
Samantala, patuloy na tinutulungan ni Sister Nilsson ang Diyos na magligtas ng mga kaluluwa gamit ang kanyang talento sa gawain sa family history. Nakapagsaliksik at nakatulong siyang kumpletuhin ang mga ordenansa para sa daan-daang tao kapwa sa panig ng kanyang mga ampon at ng kanyang mga kadugo. Kapag dumarating ang mahihirap na araw, binabasa niya ang kanyang patriarchal blessing. Pinasisigla nito ang kanyang pananampalataya at ipinapaalala sa kanya na tingnan ang kasalukuyang mga hamon nang may walang-hanggang pananaw.
Sabi ni Sister Nilsson, sana raw ay alam ng bawat taong nagbabasa ng artikulong ito kung gaano sila kamahal. “Kung may isang mensahe akong ibabahagi, ito ay na hindi kayo nag-iisa, kahit na parang gayon nga kung minsan. Mahal kayo ng Ama sa Langit. Kayo ay Kanyang anak.”
Pagpapalaganap ng Tiwala sa Sarili at Panghihikayat
Habang nagsimulang umasam si Bridger Pons na makatulong sa pagbabasbas sa sakramento, mayroon din siyang kinatakutan: ang pagbabasa at pagsasaulo ng mga panalangin sa sakramento. Si Bridger ay may dyslexia, isang kapansanan sa pag-aaral kung saan mahirap magbasa at magbaybay.
“Talagang nagsikap na akong mabuti para maging mahusay sa pagbabasa, pero kinakabahan pa rin ako kapag kailangan kong magbasa nang malakas sa harap ng isang grupo,” sabi ni Bridger. “Kapag kinakabahan ako, nagkakamali-mali ako, kaya lalo akong kinakabahan.”
Kaya nag-print si Bridger at ang kanyang ina ng mga panalangin sa sakramento na mas madaling basahin. Malalaki ang letra nito at pinaghiwa-hiwalay sa maiikling parirala. Pagkaraan ng maraming praktis, nagawa niyang bigkasin ang mga panalangin nang walang mali.
“Ang madaig ang hamon na magbasa sa harap ng isang malaking grupo ay maaaring maliit na bagay para sa marami, pero mahalaga ito para sa akin,” sabi ni Bridger.
Ang kanyang dagdag na pagsisikap ay nagpala sa iba sa di-inaasahang mga paraan. Pagkatapos ng miting, lumapit sa kanya ang ilang miyembro ng ward at sinabi na ang kanyang sadyang mabagal na pagsasalita ay nakatulong sa kanila na magtuon sa Espiritu sa sagradong mga panalanging iyon. Bukod pa roon, habang tinutulungan ang mga lider na maunawaan ang kanyang mga hamon, nalaman ni Bridger na may iba pang mga binatilyo sa stake na nangangailangan ng gayon ding tulong. Ang takot na magbasa ay nakakaapekto sa partisipasyon nila sa Simbahan at sa kanilang tiwala sa paghahanda para sa paglilingkod bilang missionary. Ngayon ay nagbabahagi ang pamilya Pons ng resources sa pagbabasa sa ibang tao tuwing may pagkakataon.
Sabi ni Bridger, umaasa raw siya na matatanto ng mas marami pang tao na ang kahusayan ng isang tao sa pagbabasa ay hindi nagpapakita ng antas ng kanilang katalinuhan. Ibinahagi rin niya ang nakahihikayat na mga salitang ito sa mga taong nahihirapang magbasa na kagaya niya: “Hindi kayo nag-iisa. At kayo ay matalino.”
Sama-samang Pagtatatag ng Sion
Itinuturo sa mga banal na kasulatan na bawat tao ay nabigyan ng espirituwal na kaloob mula sa Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:11). Kabilang dito ang mga tao sa lahat ng antas ng kakayahan. Halimbawa, marahil balang-araw ay malalaman natin ang tahimik na mga panalanging inusal ng ating mga kapatid para sa atin o ang dagdag na bahagi ng Espiritung inanyayahan nila sa ating tahanan.
May pagkakataon tayong patuloy na sama-samang itatag ang Sion, na nag-aambag ng anumang mga kakayahang mayroon tayo. Makukumpleto lamang ang ating pamilya sa Simbahan kapag lahat ay kabilang at pinahahalagahan.