Lalong Nagiging Tapat Habang Tumatanda
Habang Inaalagaan ang Iba, Alagaan ang Iyong Sarili
Ang awtor ay naninirahan sa Yamanashi Prefecture, Japan.
“Kailangang mayroong gasolina ang tangke bago ninyo ito maibigay sa iba.” —Elder Jeffrey R. Holland
Lumaki ako sa isang pamilya kung saan sama-samang nanirahang lahat ang tatlong henerasyon—mga lolo’t lola ko, mga magulang, dalawang nakababatang kapatid na lalaki, at isang tita—sa iisang bubong. Inalagaan ng lola ko ang tita ko, na may kapansanan kapwa sa isip at damdamin. Nang pumanaw ang lola ko, inako ng nanay ko ang buong responsibilidad sa tita ko at inalagaan siya sa aming tahanan gabi’t araw.
Kalaunan ay lumipat ang tita ko sa isang community center. Kahit malayo, lagi siyang binibisita ng nanay ko. Nang mamatay ang nanay ko, ako ang naging pangunahing pinagkukunan ng suporta ng tita ko. Naunawaan ko kung gaano katapat noon ang nanay ko. Labis din akong nagpasalamat sa maasikasong mga taong nagbantay sa tita ko.
Pagod ng Tagapag-alaga
Naipaunawa sa akin ng sarili kong karanasan sa pamilya na may iba-ibang hamong kinakaharap ang mga caregiver o tagapag-alaga. Mga inaasahan sa kultura, ugnayan sa pamilya, pagkakaroon ng mga pasilidad—lahat ay maaaring makaapekto sa mga caregiver o tagapag-alaga. Pero may isang hamong kinakaharap ang bawat tagapag-alaga kahit paano: pagod. Totoo ito lalo na kapag ang isang matanda ay may ibang inaalagaan, karaniwan ay isang mag-asawang nag-aalaga sa isa’t isa. Sa katunayan, ipinahihiwatig sa pagsasaliksik na ang mga caregiver o tagapag-alagang edad 66–96 na dumaranas ng stress ay 63 porsiyentong mas mataas ang panganib na mamatay kaysa sa mga walang inaalagaan.1
Una at Ikalawang Utos
Sa katunayan, marami tayong matututuhan tungkol sa pangangalagang katulad ni Cristo sa pag-aaral ng una at ikalawang dakilang utos.
“Sinabi [ni Jesus] sa kanya, ‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.
“Ito ang dakila at unang utos.
“At ang pangalawa ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili’” (Mateo 22:37–39).
Sa mga talatang ito, naniniwala ako na ang Panginoon ay naglalaan ng gabay na nakakatulong lalo na sa mga tagapag-alaga. Una sa lahat, mahalin ang Panginoon. Huwag kaligtaan ang mga simpleng bagay na nagpapalakas sa inyong espirituwalidad. Magdasal. Basahin ang mga banal na kasulatan. Magkaroon ng kapayapaan sa inyong puso. Damhin ang kapangyarihan at lakas ng pagmamahal sa iyo ng Ama sa Langit.
Malamang ay puspos ka na ng pagmamahal para sa iyong kapwa—sa sitwasyong ito, sa taong inaalagaan mo. Ngunit minamahal mo rin ba ang sarili mo, sa matwid na paraan?
Salubungan ang Kalyeng Ito
Sa aking karanasan, kapwa bilang isang tagapayo at sa sarili kong pamilya, nalaman ko na madalas madama ng mga tagapag-alaga na kailangan nilang gawin ang lahat nang mag-isa. Hindi totoo iyan. Ang mga tagapag-alaga na ayaw tumanggap ng tulong ay halos palaging dumarating ang panahon na “pagod na pagod” na sila. Kailangan nilang payagan ang iba na tulungan sila. Kailangan nilang sumangguni sa pamilya, mga kaibigan, at mga minister at lider ng ward o branch. Ang mga taong sabik na tumulong sa isang tagapag-alaga ay kailangang igalang ang mga hangarin ng tagapag-alaga na pagpalain at bantayan ang kanilang mahal sa buhay.
Narito ang ilang bagay na maaaring makatulong na sama-sama ninyong talakayin:
-
Ano ang suportang maibibigay ng mga miyembro ng pamilya?
-
Ano ang magbibigay ng mga pagkakataon para makapahinga ang tagapag-alaga nang ilang minuto, o kahit nang isa o dalawang oras?
-
Gaano kadalas makatulong ang mga pagbisita? Anong klaseng mga pagbisita?
-
Paano magkakaroon ng panahon ang tagapag-alaga na magpanibago ng mga tipan sa pagdalo sa templo, pagsisimba, at pagtanggap ng sakramento?
-
Paano maaaring makinabang ang tagapag-alaga mula sa pakikipag-usap lamang sa isang tao?
-
Kailangan ba ng tulong sa pagkain, transportasyon, o mga programa ng gobyerno?
Kung ikaw ay isang tagapag-alaga, isaisip ang payong ito mula kay Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Para sa inyo na masigasig ang hangaring magpasan ng mga pasanin ng iba, mahalagang muling patibayin ang inyong sarili at patatagin ang inyong sarili kapag malaki ang inaasahan sa inyo ng iba at talagang pipigain nila kayo. Walang sinumang napakalakas na hindi sila kailanman napapagod o naiinis o kumikilala sa pangangailangang pangalagaan ang kanilang sarili. …
“Kailangan din namang alagaan ang mga tagapag-alaga. Kailangang mayroong gasolina ang tangke bago ninyo ito maibigay sa iba.”2