2021
Iniligtas Tayo ni Jesucristo mula sa Kasalanan at Kamatayan
Abril 2021


Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo

Iniligtas Tayo ni Jesucristo mula sa Kasalanan at Kamatayan

Dahil sa Kanyang sakripisyo, lahat tayo ay may pagkakataong makasumpong ng walang-hanggang kapayapaan at kagalakan.

the Savior in Gethsemane

Christ Creating the Earth [Si Cristo na Nililikha ang Mundo], ni Robert T. Barrett; O My Father [O Aking Ama], ni Simon Dewey; The Burial of Christ [Ang Paglilibing kay Cristo], ni Carl Heinrich Bloch; Christ and Mary at the Tomb [Sina Cristo at Maria sa Tabi ng Libingan], ni Joseph Brickey; Christ Calling Peter and Andrew [Tinatawag ni Cristo sina Pedro at Andres], ni James Taylor Harwood

Tinutukoy natin si Jesucristo bilang ating Tagapagligtas. Iyan ay dahil binayaran Niya ang halaga para sa ating mga kasalanan at dinaig ang kapangyarihan ng kamatayan. Iniligtas Niya tayo! Ang Kanyang sakripisyo para sa atin, na tinatawag na Pagbabayad-sala, ang pinakamahalagang kaganapang nangyari. Dahil sa Kanya, hindi kamatayan ang wakas. Dahil sa Kanya, maaari tayong mapatawad sa ating mga kasalanan, maging malinis na muli, at mas bumuti sa bawat araw.

Si Jesucristo ang Panganay na Anak

Bago tayo pumarito sa mundo, nabuhay tayo sa piling ng ating mga magulang sa langit. Bilang Panganay na Anak, tumulong si Jesucristo sa paglikha ng magandang mundong ito. Siya ang piniling maging Tagapagligtas natin at pumayag na maisilang sa lupa upang maipakita Niya ang perpektong halimbawa, maituro ang Kanyang ebanghelyo, at matapos ang Pagbabayad-sala para sa atin.

Nagbayad si Jesucristo para sa Ating mga Kasalanan

Nang malaman ni Jesus na malapit na Siyang mamatay, nagtungo Siya sa isang halamanang tinatawag na Getsemani para manalangin. Sa panalanging iyon, nagsimula Siyang magbayad para sa ating mga kasalanan. Kusa Siyang nagdusa upang hindi na tayo magdusa—kung magsisisi tayo. Kapag tumalikod tayo sa ating mga kasalanan at sa halip ay sumunod tayo sa Tagapagligtas, makasusumpong tayo ng kapatawaran at paggaling. Dahil sa Tagapagligtas, maaari tayong espirituwal na umunlad sa buhay na ito at magkaroon ng buhay na walang-hanggan kasama ng ating Ama sa Langit.

Dinaig ni Jesucristo ang Kamatayan

burial of Jesus

Christ Creating the Earth [Si Cristo na Nililikha ang Mundo], ni Robert T. Barrett; O My Father [O Aking Ama], ni Simon Dewey; The Burial of Christ [Ang Paglilibing kay Cristo], ni Carl Heinrich Bloch; Christ and Mary at the Tomb [Sina Cristo at Maria sa Tabi ng Libingan], ni Joseph Brickey; Christ Calling Peter and Andrew [Tinatawag ni Cristo sina Pedro at Andres], ni James Taylor Harwood

Pagkatapos ng Kanyang panalangin sa Getsemani, si Jesus ay ipinagkanulo, dinakip, at hinatulan ng kamatayan sa pagpapako sa krus. Kahit makapangyarihan Siya sa lahat, tinulutan ni Jesus ang Kanyang Sarili na mamatay sa krus. Magiliw na inihimlay ng Kanyang mga alagad ang Kanyang katawan sa isang libingan. Hindi nila natanto na kahit patay na ang Kanyang katawan, buhay pa rin ang Kanyang espiritu sa daigdig ng mga espiritu. Makalipas ang tatlong araw, muling nabuhay si Jesus at dumalaw sa kanila, na nagpapatunay na kaya Niyang daigin ang kamatayan. Ito ang kumumpleto sa Pagbabayad-sala. Dahil nabuhay na mag-uli si Jesus, bawat isa sa atin ay muling mabubuhay pagkatapos nating mamatay.

Ang Kahulugan ng Pasko at ng Pasko ng Pagkabuhay

Ipinagdiriwang ng halos buong mundo ang dalawang pista-opisyal na nagpapaalala sa atin sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa araw ng Pasko, naaalala natin nang may pasasalamat na handang tanggapin ni Jesus ang misyon na pumarito sa lupa, kahit kinabilangan iyon ng pagdurusa at pagkamatay para sa atin. Ipinagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay ang tagumpay ng Tagapagligtas laban sa kasalanan at kamatayan, na nagbibigay sa atin ng pag-asa para sa walang-hanggang kagalakan sa hinaharap.

Ano ang Sinasabi sa mga Banal na Kasulatan tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

Naranasan ni Jesus ang mga pasakit, karamdaman, at lahat ng uri ng panunukso. Dahil kilalang-kilala Niya tayo maaari Niya tayong “tulungan” (tingnan sa Alma 7:11–12).

Nauunawaan ng Tagapagligtas ang ating mga kalungkutan at dalamhati (tingnan sa Isaias 53:2–5).

Isinugo ng Diyos si Jesus upang iligtas tayo dahil mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin (tingnan sa Juan 3:16–17).

Ipinagdasal ni Jesus ang Kanyang mga alagad, kabilang na tayo, upang maprotektahan mula sa kasamaan at maging kaisa Niya at ng Ama sa Langit (tingnan sa Juan 17).

Inaanyayahan tayo ng ating Tagapagligtas na sumunod sa Kanya at bumalik sa Kanyang piling (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:16–19, 23–24; 132:23).