2021
Ikaw Lang ba ang Miyembro ng Simbahan sa Inyong Pamilya? Hindi Ka Nag-iisa
Abril 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ikaw Lang ba ang Miyembro ng Simbahan sa Inyong Pamilya? Hindi Ka Nag-iisa

Maaaring mahirap kapag ikaw lang mag-isa ang miyembro ng Simbahan sa inyong pamilya. Nagbigay ng payo ang mga young adult na ito para manatiling matatag ang iyong pananampalataya sa kabila ng oposisyon.

pamilyang nakaupo sa sopa at nakangiti

Ilang bagay sa buhay na ito ang mas masakit kaysa maniwala nang napakatindi sa isang bagay at pagkatapos ay tanggihan o kutyain pa ng mga pinakamamahal mo sa mundo ang mga paniniwalang iyon. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghahatid ng kagalakan at kasiyahan sa napakaraming paraan. Gayunman, ang landas ng pagkadisipulo kung minsan ay maaaring malungkot kapag gumagawa ka ng mga hakbang para sumulong sa ebanghelyo ngunit hindi sumusuporta o nakikibahagi ang isang kaibigan, magulang, o maging ang asawa sa iyong pananampalataya.

Anuman ang iyong natatanging sitwasyon, maaari kang magkaroon palagi ng pag-asa para sa iyong sarili at sa iyong pamilya dahil sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Kapag wala kang magawa o pinanghihinaan ka ng loob tungkol sa iyong sitwasyon, tandaan na “gustung-gusto ng Tagapagligtas na ipanumbalik ang hindi ninyo kayang ipanumbalik; gustung-gusto Niyang pagalingin ang mga sugat na hindi ninyo kayang pagalingin; pinupunan Niya ang anumang kawalan ng katarungang ipinabata sa inyo; at gustung-gusto Niyang tuluyang paghilumin maging ang mga pusong wasak.”1

Nag-iisang miyembro ka man ng Simbahan sa inyong pamilya o mayroon kang mahal sa buhay na tumalikod na sa Simbahan, ang payo rito ng iba pang mga young adult ay maaaring magbigay sa iyo ng lakas at pag-asa na patuloy na sumulong.

Unahin ang Panginoon

“Akala ko nang mabinyagan ako anim na taon na ang nakararaan, magiging interesado ang mga magulang ko sa ebanghelyo at papayag na magpabinyag, pero hindi iyon nangyari. Isang araw binasa ko ang talata sa banal na kasulatan, ‘Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalaki o anak na babae nang higit kaysa sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin’ (Mateo 10:37). Mahal na mahal ko ang mga magulang ko, kaya inisip ko kung paano ko maaaring higit na mahalin ang Panginoon kaysa sa kanila.

“Hindi tutol ang mga magulang ko sa pagsapi ko sa Simbahan, pero kung minsan ay nalulungkot sila kapag mas marami akong oras sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan o pagsisimba sa halip na gumawa ng mga bagay-bagay sa araw ng Sabbath na kasama nila. At mahirap ipaliwanag kung bakit hindi ko na ginagawa ang ilang bagay sa araw ng Linggo.

“Nagkaroon kami ng kaunting alitan, pero nang lalo kong binasa ang mga banal na kasulatan at mas nakilala ko ang Tagapagligtas at ang aking Ama sa Langit, lalong napamahal sa akin ang pamilya ko. At alam ko na kung susundin ko si Jesucristo, pagpapalain ang pamilya ko. Nagpasiya akong pangibabawin Siya sa lahat ng iba pang mga bagay. Siyempre pa, patuloy na bumubuti ang mga bagay-bagay sa pagitan ko at ng aking pamilya. Alam ko na kung masunurin ako sa Panginoon, patuloy Niya akong pagpapalain at ang aking pamilya.”

—Magaly Perez, Coahuila, Mexico

Maging Magalang sa Isa’t Isa

“Naturuan ako ng aking pamilya na maging magalang sa isa’t isa. Kahit hindi pareho ang mga bagay na aming pinaniniwalaan, tinuturuan nila ako nang husto at tinutulungan akong maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Ikinalungkot ko dati na baka hindi ko makasama ang tatay ko magpakailanman, pero alam kong mahal ng Diyos ang aking pamilya.”

—Anicée Dufour, Provence-Alpes-Côte d’Azur, France

Matiyagang Ipaunawa sa Kanila

“Sinisikap kong maging mas maalalahanin kapag sinasagot ko ang mga tanong at problema ng aking mga kapamilya tungkol sa ebanghelyo. Inabot ito ng mahabang panahon, pero kalaunan ay natulungan ko silang mas makita ang mga maling paniniwala nila at tinulungan ko silang matanto na sinisikap ko sa abot ng aking makakaya na maging mabuting tao.”

—Brian Steven King, North Carolina, USA

Maging Isang Halimbawa

“Manatiling matatag. Napapasigla at nahihikayat mo ang mga nasa paligid mo nang higit kaysa inaakala mo.”

—Leanna Mohlman, Utah, USA

Dapat Mong Malaman na Hindi Ka Nag-iisa

“Bawat isa sa atin ay may naiibang kuwento ng pagbabalik-loob. At kahit maaaring mahirap ang sitwasyon sa ating pamilya, sa patuloy nating pagsunod sa mga salita ng Diyos, gagabayan Niya tayo sa araw-araw. Natanto ko na kapag naninindigan ako sa Diyos, hindi ako naninindigang mag-isa kailanman. At iyan ang dahilan kaya patuloy akong sumusulong sa tamang landas. Sulit ang lahat.”

—Caloy Casuyon, Negros Occidental, Philippines

Magtuon sa Sarili Mong Walang-Hanggang mga Mithiin

“Hindi sinusuportahan ng mga magulang ko ang aking pananampalataya. Ngunit patuloy akong umaasa na kung ako ay masigasig at isang mabuting halimbawa, lalambot ang kanilang puso. Alam kong mahalaga ang aking pamilya, pero laging nakatutok ang aking paningin sa sarili kong walang-hanggang mga mithiin at sa sarili kong paglalakbay sa buhay.”

—Kayla Gonzales, Texas, USA

Alalahanin na Alam ni Cristo ang Nadarama Mo

“Kami lamang ng tatay ko ang aktibong mga miyembro sa aming pamilya. Ang nagdudulot sa akin ng pag-asa ay ang pagkaalam na si Cristo man ay nakadama ng pag-iisa paminsan-minsan. At kahit magkaiba ang pinipili ko at ng aking pamilya at magkaiba ang mga bagay na gusto namin, simple lang ang pagmamahalan namin sa isa’t isa.”

—Merania Stanley, New South Wales, Australia

Palalimin ang Iyong Relasyon sa Ama sa Langit

“Kapag hindi ka sinusuportahan ng iyong pamilya o kinakalaban nila ang iyong pananampalataya, palagay ko mahalagang gawin ang mga bagay na magpapalawak sa iyong personal na relasyon sa Ama sa Langit. Sa halip na ipilit sa mga miyembro ng iyong pamilya ang ebanghelyo o ang iyong pangangatwiran, magtuon sa pagiging pinakamabuti at sa espirituwal na paglago, at magtiyaga. Maging matatag sa iyong mga desisyon at ituring na bahagi ang mga ito ng iyong walang-hanggang pag-unlad. Nagbabago ang puso ng mga tao kapag nakikita nila ang nagagawa ng ebanghelyo ni Jesucristo sa iyo at kung paano ka namumuhay.”

—Romana Morris, St. Philip, Barbados

Piliing Sumulong na Kasama si Cristo

“Para sa akin, alam ko lang na kung ginagawa ko ang nararapat kong gawin at magiging ilaw ako sa buhay ng iba, magiging maayos ang lahat. Hindi ako nag-aalala tungkol sa landas na pinipili ng aking pamilya. Hindi ko makokontrol ang kanilang mga desisyon, pero kaya kong kontrolin ang sa akin. At pinipili kong sumulong na kasama ni Cristo, kahit ayaw nila.

“Pinangangalagaan tayong lahat ng Diyos, mga miyembro man tayo ng Kanyang Simbahan o hindi. Ipinagdarasal ko ang aking pamilya, inilalagay ko ang kanilang pangalan sa temple prayer roll, at pinaglilingkuran ko sila. Nagpapasalamat ako sa mga pagkakaiba ng aming pananaw at sa itinuturo nila sa akin. At nagpapasalamat akong makasama sila sa buhay ko, anuman ang aming mga pagkakaiba.”

—Megan Johnson, Utah, USA

Gagabayan Ka ng Panginoon

Bagama’t mahirap kung minsan kapag ang sitwasyon ng inyong pamilya sa ebanghelyo ay hindi katulad ng inaasam mong mangyari, maaari kang sumulong nang may galak at pananampalataya batid na lagi kang susuportahan ng Panginoon sa iyong mga pakikibaka. At hindi lamang iyan, kundi maaari ka rin Niyang gabayan kung paano magpamalas ng pagmamahal, magpakita ng pag-unawa, at magbigay ng habag sa iyong mga mahal sa buhay na hindi sang-ayon o iba ang paniniwala.

Nangako si Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol na “kapag nagtuon tayo sa ating pagmamahal para sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, gagawin Siyang sentro ng ating mga pagsisikap na tipunin ang Israel sa [magkabilang] panig ng tabing, maglilingkod sa iba, at indibiduwal na maghahanda sa pagharap sa Diyos, ang impluwensiya ng kaaway ay mababawasan at ang kagalakan, kasiyahan, at kapayapaan sa ebanghelyo ay magpapala sa ating tahanan ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo.”2

Laging tandaan na hindi ka nag-iisa kailanman. Maaari kang magkaroon ng mga makabuluhang relasyon sa mga miyembro ng iyong pamilya, at maaari mong piliing palagi na maging halimbawa ng iyong pinaniniwalaan, kahit hindi sila naniniwala roon. At higit sa lahat, tandaan na nauunawaan ng Tagapagligtas ang iyong nadarama. Bumaling sa Kanya, at lagi Siyang handang dulutan ka ng kapayapaan, pag-asa, at patnubay sa iyong sitwasyon.

Mga Tala

  1. Dale G. Renlund, “Pagnilayan ang Kabutihan at Kadakilaan ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 44.

  2. Quentin L. Cook, “Malaking Pagmamahal para sa mga Anak ng Ating Ama,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 80.