2021
Paglilingkod sa mga May Kapansanan
Abril 2021


Mga Alituntunin ng Ministering

Paglilingkod sa mga May Kapansanan

Huwag matakot na tumulong at alamin kung paano ka makakatulong.

women visiting in a kitchen

Gitna: larawang iginuhit ni Nancy Ann Kirkpatrick; kanan: larawang iginuhit mula sa Getty Images

Ang paglilingkod sa mga kaibigan at kapitbahay na may mga kapansanan ay maaaring nakakatakot. Bagama’t gusto nating tumulong sa paraan ni Cristo, kung minsan ay hindi tayo talaga sigurado kung paano.

Habang naninirahan sa New Canaan, Connecticut, USA, biniyayaan ang mga Thompson ng kambal na anak na babae. Nang isilang ang kambal nang kulang sa buwan at may Down syndrome, tinulungan sila ng kanilang ward, at sinuportahan sila nang operahan sa puso ang kambal at mamalagi sa ospital nang ilang buwan. Madaling nakita ang ilan sa mga unang pangangailangang iyon. Nagtulung-tulong ang mga miyembro sa paghahanda ng mga pagkain, pag-aalaga sa mga bata, paglilinis ng bahay, pag-aayos para sa Pasko, at marami pang iba.

Pero hindi tumigil ang mapagmahal na tulong habang lumalaki ang mga bata at hindi na ganoon kalaki ang pangangailangan. Ang mapagmahal na mga kaibigan, lider, at ministering brother at sister ay nagsikap na makipag-alam sa mga Thompson kung paano sila makakatulong.

“Tinanong ako ng isang kaibigan kung ano ang mahirap para sa amin,” sabi ni Sister Thompson. “Binanggit ko na mahirap ang mga araw ng Linggo dahil madalas ay abala kami ng asawa ko sa aming mga calling at naiiwang mag-isa ang panganay naming anak na babae sa pag-aasikaso. Agad nag-alok ang kaibigan ko na kunin nang ilang oras ang kambal bawat Linggo. Maraming buwan niya itong ginawa.”

Nang maging tinedyer na ang kambal, regular na kinausap ng mga lider ang mga magulang para magplano ng mga aktibidad na makakasali at masisiyahan ang kambal at ang iba pang mga dalagita. Inanyayahan ng isa pang kaibigan ang mga dalagita sa bahay niya para makasali ang mga Thompson sa praktis ng choir.

Matapos lumipat ang mga Thompson sa Utah, inatasan ang isang mag-asawa na maglingkod sa kanilang pamilya. “Itinatanong nila palagi kung ano ang mga pangangailangan namin bago sila bumisita at kung anong klaseng mensahe ang pinakamainam para sa aming pamilya,” sabi ni Sister Thompson. “Nag-ukol sila ng oras para makilala ang bawat miyembro ng pamilya, na mahalaga dahil ang mga kapatid ng mga may espesyal na pangangailangan ay madalas makaligtaan.” Madalas anyayahan ng mag-asawa ang kambal para sa mga espesyal na aktibidad, para makapahinga ang pamilya.

Pinapayuhan ni Sister Thompson ang mga ministering brother at sister na huwag matakot na tanungin ang mga magulang kung ano ang mahirap para sa kanila at kung paano sila makakatulong. “Basta tulungan mo lang sila. Habang mas nakikilala mo ang isang tao, mas mauunawaan mo kung paano sila pinakamainam na mapaglilingkuran.”

Mga Mungkahi sa Paglilingkod sa mga Indibiduwal na May Kapansanan at sa Kanilang Pamilya

group of people supporting young woman in a wheelchair

Gitna: larawang iginuhit ni Nancy Ann Kirkpatrick; kanan: larawang iginuhit mula sa Getty Images

  1. Kilalanin ang indibiduwal bilang isang tao, hiwalay sa kanilang kapansanan. Tanungin sila kung ano ang gusto nilang malaman mo tungkol sa kanila. Ano ba ang mga interes nila?

  2. Kausapin sila sa paraan ng pakikipag-usap mo sa ibang mga kaedad nila. Tiyaking magpakita ng paggalang sa tono ng boses mo at mga kilos mo. Tiyaking kausapin sila nang deretsahan.

  3. Huwag balewalain ang isang taong may kapansanan. Kilalanin at isama sila. Sumangguni sa miyembro at sa kanilang pamilya kung paano nila gustong makatulong at maglingkod.

  4. Para sa nakababatang mga indibiduwal na may kapansanan, ang pagsasabi ng “Kuwentuhan mo pa ako tungkol kay David” ay nagtutulot sa pamilya na ibahagi kung ano ang komportable para sa kanila.

  5. Ang pagbibigay ng oras sa mga batang may kapansanan ay maaaring magbigay ng oras sa mga magulang na makatutok sa iba pang mga bata o asikasuhin ang iba pang mga pangangailangan. Ipinauunawa rin nito ang pasaning binabalikat ng mga tagapag-alaga.

  6. Maaaring magbigay ng tulong kahit hindi ka makapunta nang personal. Ang mga panghihikayat o magiliw na boses ay maaaring malaki ang kabuluhan. Maaari ka pang bumili ng regalo online para sa mga kaarawan o iba pang mga pangangailangan.