Lingguhang YA
Pagkakaroon ng Emosyonal na Katatagan
Pebrero 2024


Mga Young Adult

Pagkakaroon ng Emosyonal na Katatagan

Ang awtor ay naninirahan sa Seville, Spain.

Hindi pa ako nabalisa kailanman hanggang sa makauwi ako mula sa aking misyon, kaya hindi ko tiyak kung paano magpapatuloy sa buhay.

smiling young woman

Larawang kuha na ginamitan ng modelo

Umaayon noon sa plano ang takbo ng buhay ko.

Patapos pa lang noon ang misyon ko. Nitong nakaraang 18 buwan, napalakas ang aking patotoo, at lumawak na ang pang-unawa ko tungkol sa plano ng kaligtasan. Noon ko lang nadama na mas malapit ako sa aking Tagapagligtas at sa aking Ama sa Langit. Parang napakasaya ng buhay.

Totoong nakakaranas kami ng pamilya ko ng mga pagsubok, pero sa kabuuan, tuwang-tuwa ako at marami akong plano para sa susunod na darating. Kaya lang ay umuwi ako. At gulat na gulat ako sa pagbabago ng estilo ng buhay ko. Nahirapan akong makibagay sa pang-araw-araw na buhay. Walang-tigil ang pag-aalala ko tungkol sa paggawa ng mabubuting pasiya at pagiging perpekto sa aking pagsunod. Labis kong pinipilit ang sarili ko na maging mataas palagi ang espirituwalidad ko na tulad ng nadama ko sa buong misyon ko dahil natatakot ako na kung hindi, baka humina ang espirituwalidad ko.

Nang maragdagan ang pag-pressure ko sa sarili ko, nagsimula akong mabalisa at matakot. Mas lalong dumalas ang mga iyon, at nadama ko kalaunan na parang nalulunod ako.

Sa kasamaang-palad, itinago ko ang damdamin ko sa pamilya at mga kaibigan ko. Alam ko na walang dapat ikahiya sa pagkabalisa at depresyon, pero pakiramdam ko ay hindi ko kayang kontrolin ang sarili ko at litung-lito ako kaya ni hindi ko alam kung paano sabihin ang tungkol sa nararanasan ko para humingi ng tulong.

Salamat na lang at laging nariyan ang Panginoon para gabayan tayo kapag bumabaling tayo sa Kanya. Pagkaraan ng kaunting pagninilay at pagdarasal, nahikayat akong magtapat sa kuya ko at sa asawa niya. Tinulungan nila akong tanggapin na hindi ako “baliw” na tulad ng inakala ko at na maaaring mangyari kahit kanino ang mga emosyonal na paghihirap.

Pinatotohanan ni Sister Reyna I. Aburto, Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, ang katotohanang ito: “Mahal kong mga kaibigan, maaaring mangyari ito sa sinuman sa atin—lalo na kapag, bilang mga naniniwala sa plano ng kaligayahan, ay pinapasakitan natin ang ating sarili sa pag-iisip na kailangan nating maging perpekto ngayon. Ang gayong mga kaisipan ay maaaring maging mabigat isipin. Ang pagiging perpekto ay isang prosesong mangyayari sa buong buhay natin at hanggang sa kabilang-buhay—at sa pamamagitan lamang ng biyaya ni Jesucristo.”1

Isang Inspiradong Kurso

Habang nagdarasal ako sa Ama sa Langit para sa patnubay, natanto ko na kailangan kong bigyan ng pagkakataon ang resources na inilaan Niya para sa atin, at kailangan kong matuto at magpakabuti. Mabuti na lang, nagkaroon ako noon ng pagkakataong dumalo sa kursong emosyonal na katatagan sa Simbahan. Tila dumating ang pagkakataon sa tamang oras, at hindi ako naniniwala na nagkataon lang iyon.

Sa manwal ng kurso, ang emosyonal na katatagan ay inilalarawan tulad ng mga sumusunod:

  • “Ang kakayahang makayanan ang emosyonal na mga hamon nang may tapang at pananampalataya na nakasentro kay Jesucristo.

  • “Pagtulong sa sarili at sa iba sa abot ng inyong makakaya.

  • “Paghingi ng karagdagang tulong kapag kailangan.”2

Sa madaling salita, ang emosyonal na katatagan ay isang bagay na kailangan nating lahat.

Para sa akin, ang inspiradong kursong ito ay malinaw na palatandaan na alam ng Ama sa Langit ang mga pagsubok na kinakaharap natin sa panahong ito bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Nais Niya tayong matulungan na patuloy na sumulong sa landas pabalik sa Kanya. Nang makita ko ang maraming magagandang aspeto ng kursong ito, napagtanto ko kung gaano ang pagkakilala ng Ama sa Langit sa bawat isa sa atin at nalalaman ang ating indibiduwal na mga pangangailangan, at agad akong nakadama ng kapayapaan nang magsimula akong mag-aral. Ang kurso ay nagtuturo ng malilinaw at mabibisang walang-hanggang katotohanan na maiaangkop sa ating buhay kapag tayo o ang isang tao man na mahal natin ay may problema sa kalusugang pangkaisipan.

Ang isa sa mga turong nakaapekto sa akin ay matatagpuan sa kabanata 9, “Providing Strength to Others [Pagbibigay ng Lakas sa Iba].” Ang kabanatang ito ang nakatulong sa akin na humingi sa huli ng karagdagang tulong. Itinuturo nito ang alituntunin ng paglilingkod sa isa’t isa. Nalaman ko kung gaano kahalagang paglingkuran ang iba sa pamamagitan ng pagpapatibay sa kanilang mga damdamin, emosyon, at opinyon at pagtulong nang may pagdamay at pag-unawa. Natanto ko rin na kailangan kong magtiwala sa iba para tulungan ako sa aking mga paghihirap.

Nang maisagawa ko ang mga ideyang ito at maipagtapat ko sa aking pamilya at mga kaibigan ang mga problema ko sa kalusugang pangkaisipan, nagulat ako nang magpakita sila ng malaking habag at hindi nila ako hinusgahan. Nakatanggap ako ng napakalaking suporta mula sa kanila.

Pakiramdam ko ay maaaring lumala at lalong tumindi ang pagkabalisa ko kung hindi ko naipagtapat ang mga hamon ko sa aking mga mahal sa buhay. At nakatulong sa akin ang karanasang ito para tumulong din at makiramay sa iba tungkol sa kanilang mga alalahanin at problema.

Maaari Nating Harapin ang Kinabukasan nang May Pag-asa

Nakakatawa kung paano ako nag-alala nang husto, nang bumalik ako mula sa aking misyon, na baka humina ang “espirituwalidad” na natamo ko sa aking misyon, dahil natanto ko na ngayon na ang pag-uwi ay simula pa lamang ng bagong kabanata kung saan makakahanap ako ng mga bagong paraan para mapalalim ang aking pananampalataya.

Ang personal kong relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay lumago at lumalim na mula nang umuwi ako, lalo na dahil sa mga alituntuning natutuhan ko sa kursong ito ng emosyonal na katatagan at sa pag-asa sa tulong ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas. Pakiramdam ko ay mas totoong naroon sila sa pang-araw-araw na buhay ko.

Natutuhan at natanggap ko na bilang mga anak ng Diyos, patuloy tayong nagbabago, natututo, at lumalago. Pero sa kabila ng mga pagbabago sa ating buhay, hindi nagbabago ang Ama sa Langit. Hindi Niya inasahan na maging perpekto ako sa aking misyon, at hindi Niya inaasahan iyan ngayon. Mahal lang Niya ako at nais Niyang patuloy akong magsikap na lumapit sa Kanya at gawin ang lahat ng makakaya ko sa aking paglalakbay pabalik sa Kanya.

Ngayon, dahil lang sa dumalo ako sa kursong ito sa emosyonal na katatagan, hindi ibig sabihin nito na hindi na ako nababalisa o natatakot o wala nang mga sandali na nadaraig ako ng takot tungkol sa hinaharap. Nangyayari pa rin iyon paminsan-minsan. Pero ngayo’y napapansin ko na ang mga pattern na ito at natuto na ako ng mga tool na makakatulong para lutasin ang mga ito sa mas malusog na paraan, na nagpapabuti sa kalidad ng aking pang-araw-araw na buhay.

Sa huli, tinuruan ako ng kursong ito ng mga paraan para makayanan ang mga pagkakataon na nakakaranas ako ng pagkabalisa at mga hamon. Tinuruan ako nitong magkaroon ng pasensya at habag sa aking sarili at sa aking mga kakulangan. At natuto akong unawain kung ano ang tingin sa akin ng Diyos at hindi matakot sa mga hindi ko alam tungkol sa hinaharap.

Sa tulong kapwa ng mga propesyonal at ng Diyos, natanto ko na mayroon tayo ng mga kinakailangang paraan para malaman kung paano “[kumilos] … at hindi [pakilusin]” (2 Nephi 2:26) ng ating mga emosyon at damdamin habang patuloy tayong lumalapit kay Cristo.

Mga Tala

  1. Reyna I. Aburto, “Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!,” Liahona, Nob. 2019, 58.

  2. Finding Strength in the Lord: Emotional Resilience [Pagkakaroon ng Lakas sa Panginoon: Emosyonal na Katatagan] (2021), 8, ChurchofJesusChrist.org.