“Bakit Mahalagang Alalahanin Kung Sino Kayo,” Liahona, Peb. 2024.
Mga Young Adult
Bakit Mahalagang Alalahanin Kung Sino Kayo
Ipinadala kayo rito mismo, ngayon mismo, upang tumulong na ihanda ang mundo para sa maluwalhating pagbabalik ng Panginoon.
Nagsabi ang propeta ng Panginoon na si Pangulong Russell M. Nelson ng ilang nakakatuwang bagay tungkol sa hinaharap. Pag-isipan ang matapang na pahayag na ito ng propeta:
“Mahal kong mga kapatid, napakaraming magagandang bagay na mangyayari. Sa mga darating na araw, masasaksihan natin ang mga pinakadakilang pagpapakita ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na hindi pa nasasaksihan ng mundo kailanman. Mula ngayon hanggang sa oras ng Kanyang pagbalik ‘na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian’ [Joseph Smith—Mateo 1:36], magkakaloob Siya ng napakaraming pribilehiyo, pagpapala, at himala sa matatapat.”1
Nakikinig akong mabuti lalo na kapag nagsasabi si Pangulong Nelson ng gayong mga bagay. Habang pinag-iisipan ko ang nangyayari sa mundo ngayon, bumabaling ang aking isipan sa inyo bilang mga lider ng Simbahan sa kasalukuyan at sa hinaharap. Personal ninyong masasaksihan ang marami sa mga dakilang pagpapakita ng kapangyarihan ng Panginoon. Sa katunayan, naniniwala ako na magiging higit pa kayo sa mga saksi—kayo ay magiging mga kalahok. Gagamitin kayo ng Panginoon bilang Kanyang mga kasangkapan sa paggawa ng mga himala sa mga huling araw.
Nagtitiwala sa Inyo ang Panginoon
Bakit ganoon ang palagay ko? Dahil sa sinabi ni Pangulong Nelson tungkol sa inyo. Nang partikular na magsalita sa mga young adult, sinabi niya, “Kayo ay ‘isang piling henerasyon’ (1 Pedro 2:9), na inorden ng Diyos noon pa man para gawin ang isang pambihirang gawain—ang tulungang ihanda ang mga tao sa mundong ito para sa Ikalawang Pagparito [ng Panginoon]!”2
Isa kayo sa mga “marangal at dakila” (Abraham 3:22). Nagtitiwala ang Panginoon sa inyo, at alam Niya na kaya ninyong isakatuparan ang mga dakilang bagay gamit ang mga talento at kaloob na ibinigay Niya sa inyo.
Kapag mataas ang mga inaasahan, natural lamang na mag-alala na baka hindi natin iyon maabot. “Paano kung hindi ako magtagumpay at mabigo ko ang Panginoon?” Ang takot na mabigo ay maaaring humadlang sa isang tao na subukan ang isang bagay. Pero alam ko na magtatagumpay kayo sa dalawang kadahilanan: (1) ang nalalaman ko tungkol sa inyo at (2) ang nalalaman ko tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo.
Alalahanin Kung Sino Kayo
Ginagawa ni Satanas ang lahat ng magagawa niya upang lituhin at linlangin kayo kung sino talaga kayo. Iyan ang plano niya upang mailayo kayo sa inyong kapana-panabik na kinabukasan. Upang malabanan ito, itinuro nang malinaw sa atin ni Pangulong Nelson ang ating tunay na pagkatao. “Una sa lahat, kayo ay anak ng Diyos,” sabi niya. “Pangalawa, bilang miyembro ng Simbahan, kayo ay anak ng tipan. At pangatlo, kayo ay disipulo ni Jesucristo.”3
Bakit ito mahalaga? Isipin kung ano talaga ang ibig sabihin ng maging anak ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay mayroon kayong kabanalan sa inyong kalooban. Ang ibig sabihin nito ay mayroon kayong walang hanggang kahalagahan—tunay na halaga, hiwalay sa inyong sitwasyon sa mundo. Walang hanggan ang inyong potensyal!
Bukod pa riyan, kayo ay anak ng tipan. Nagbibigay iyan sa inyo ng espesyal na bigkis sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.4 Tulad ng ang kasal ay nagbibigkis sa isang mag-asawa at nagpapahiwatig ng mas tapat na relasyon kaysa sa pakikipagdeyt lamang, iniaangat ng inyong mga tipan ang inyong relasyon sa Diyos sa mas mataas na antas ng katapatan at kapangyarihan.
Dagdag pa riyan, kayo ay disipulo ni Jesucristo. Nangangahulugan iyan na sinisikap ninyong magmahal tulad ng Kanyang pagmamahal, magpatawad tulad ng Kanyang pagpapatawad, at manindigan sa katotohanan tulad ng ginawa Niya noong nabubuhay Siya sa mundo.
Kung ang nakikita ninyo ay isang anak ng Diyos, isang anak ng tipan, at isang disipulo ni Jesucristo kapag tumitingin kayo sa salamin, tiwala ako na maaabot ninyo ang matataas na inaasahan sa inyo ng Panginoon tulad ng ginawa ng iba pang nauna sa inyo.
Naunawaan ni Esther ang tunay na pagkatao niya nang kanyang labanan ang kanyang mga takot, iniligtas ang kanyang mga tao, at niluwalhati ang Diyos. Tulad ni Esther, kayo ay inihanda “[para] sa pagkakataong ganito” (Esther 4:14).
Hindi inisip ni Jeremias na kaya niya ang ipinagagawa ng Diyos sa kanya. Ipinaalala ng Panginoon kay Jeremias ang kanyang walang-hanggang pagkatao: “Bago kita inanyuan … hinirang kitang propeta sa mga bansa” (Jeremias 1:5). Nangako rin Siya na ilalagay ang Kanyang mga salita sa bibig ni Jeremias (tingnan sa Jeremias 1:9). Maaari ring mapasainyo ang mga pagpapalang tulad niyon kapag inalala ninyo kung sino talaga kayo at kung bakit kayo narito.
Alalahanin Kung Sino Siya
Gayunpaman, kahit sikapin ninyong tingnan ang inyong sarili tulad ng pagtingin sa inyo ng Panginoon, kung minsa’y panghihinaan kayo ng loob dahil sa sarili ninyong mga kahinaan. Nangyayari ito sa ating lahat. Nangyari nga rin ito kay Nephi—ang taong buong tapang na lumisan ng Jerusalem, kumuha sa mga laminang tanso, nagligtas sa kanyang pamilya mula sa pagkagutom sa ilang, gumawa ng sasakyang-dagat, tumawid ng karagatan, at nagtatag ng bagong buhay sa isang di-kilalang lupain. Matapos ang lahat ng iyon, sa sandali ng pagsusuri sa sarili, nagsumamo si Nephi:
“O kahabag-habag akong tao! Oo, ang aking puso ay nalulungkot dahil sa aking laman; ang aking kaluluwa ay nagdadalamhati dahil sa aking mga kasamaan” (2 Nephi 4:17).
Pero, sa isang mahalagang pagkakataon, sinabi niya: “Gayunpaman, alam ko kung kanino ako nagtiwala. Ang aking Diyos ang aking naging tagapagtaguyod” (2 Nephi 4:19–20). Alam ni Nephi na ang Panginoon, na matagal na niyang pinagkukunan ng lakas, ay patuloy na magbibigay ng lakas sa kanya. Sinabi niya, “Gumising, kaluluwa ko! Huwag nang yumuko sa kasalanan” (2 Nephi 4:28) at “Magsaya, O aking puso …; oo, ang aking kaluluwa ay magsasaya sa inyo, aking Diyos, at bato ng aking kaligtasan” (2 Nephi 4:30).
Tuwing nagdududa kayo sa inyong sarili, maaari ninyong sabihin ang tulad ng sinabi ni Nephi, “O Panginoon, ako ay nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman” (2 Nephi 4:34). Kapag kayo ay natatakot o pinanghihinaan-ng-loob, alalahanin ang mga salitang ito ng Panginoon: “Huwag matakot, munting kawan; gumawa ng mabuti; hayaang magsama ang mundo at impiyerno laban sa inyo, sapagkat kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig” (Doktrina at mga Tipan 6:34). Maaari kayong maging malakas dahil Siya ay malakas.
Sa Pamamagitan ng Kanyang Lakas, Magagawa Ninyo Ito!
Kung minsan, susubukan kayo upang makita kung gaano katibay ang pagkakatayo ninyo ng inyong buhay sa saligan ni Jesucristo. Sa mga panahong iyon, “kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin … [at] lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo,” hindi lamang ang tibay ng bahay ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang tibay ng koneksyon ng bahay sa “tunay na saligan,” “[ang] bato na ating Manunubos, na si Cristo” (Helaman 5:12).
Pinatototohanan ko na kayo ay nilayon na maging mahalagang bahagi sa paghahanda sa mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Mga kahanga-hanga at mahimalang bagay ang kailangang mangyari mula ngayon hanggang sa mangyari iyon. Magbabago ang mga puso, maglalaho ang kawalan ng paniniwala, lalawak ang mga tolda ng Sion, sama-samang matitipon ang pamilya ng Diyos. At magiging bahagi kayo niyon. Lahat tayo ay may mga hamon sa telestiyal na mundong ito at nahaharap sa mga limitasyon ng kaya nating gawin nang mag-isa, pero maaari nating piliing bumalik sa kaligtasan at kapayapaang matatagpuan sa kawan ng ating Tagapagligtas. Tunay nga, ang “lahat ng mga bagay ay [ating] magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa [atin]” (Filipos 4:13).