Lingguhang YA
Ang Iyong Young Adult Survival Guide: Nakasisiglang mga Sipi mula sa Ating mga Pinuno Kapag Kailangang-Kailangan Mo ang mga Ito
Pebrero 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ang Iyong Young Adulthood Survival Guide: Nakasisiglang mga Sipi mula sa Ating mga Pinuno Kapag Kailangang-Kailangan Mo ang mga Ito

Kung minsa’y kailangan natin ng nakaaaliw na mga katotohanan kapag mahirap ang buhay.

binatilyong naka-headphone na nakamasid sa paglubog ng araw

Ang young adulthood ay maaaring maging isang magandang panahon na puno ng mga bagong karanasan at kapana-panabik na mga oportunidad. Pero maaari din itong maging mahirap. Kung minsa’y maaaring magmukhang mapanglaw ang hinaharap habang hinihintay natin ang mga ipinangakong pagpapala o kapag ang buhay ay hindi tulad ng inaakala natin.

Sa mga sandaling ito, makakaasa tayo sa mga inspiradong salita ng ating mga propeta, apostol, at iba pang mga pinuno ng Simbahan. Alam na alam nila kung gaano kasalimuot ang panahong ito ng buhay at nagbahagi sila ng payo na nagpapabago ng buhay na partikular para sa atin.

Narito ang ilan lamang sa kanilang nakahihikayat na mga mensaheng ibinigay na partikular sa mga young adult para tulungan tayong lahat sa paglalakbay sa buhay:

Kapag Nag-aalala Ka tungkol sa Hinaharap

“Sa madaling salita, ang maliliit at simpleng mga sakripisyo ninyo ay ang mga tuldok ng araw-araw na pamumuhay na bumubuo ng isang obra-ma[e]stra ng inyong buhay. Maaaring hindi pa ninyo makita ang pagkakaugnay ng mga pangyayari sa ngayon, [at] hindi pa naman ninyo kailangan. Magkaroon lang ng sapat na pananampalataya sa kasalukuyan. Magtiwala sa Diyos, at ‘mula sa maliliit na bagay [ay magmumula] ang yaong dakila’ [Doktrina at mga Tipan 64:33]. …

“Dahil binigyan kayo ng Diyos ng kalayaang pumili, marami kayong mapagpipilian at matagumpay pa rin kayong makakapamuhay. [Ang mortalidad ay isang kuwento ng pakikipagsapalaran na kayo mismo ang pumipili ng kahihinatnan.] Nasa inyo ang mga kautusan, ang mga tipan, ang inspiradong payo ng propeta, at nasa inyo ang kaloob na Espiritu Santo. [Sapat] na iyan para lumigaya kayo sa mundo at sa kawalang-hanggan.”

Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Pakikipagsapalaran sa Mortalidad” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 14, 2018), Gospel Library.

Kapag Pakiramdam Mo ay Hindi Sapat ang Iyong Kabutihan

“Marahil ay mas mababa ang tingin natin sa ating sarili kaysa nararapat. Hindi karapat-dapat. Walang talento. Hindi espesyal. Hindi nagtataglay ng puso, isipan, kabuhayan, karisma, o pangangatawan para magkaroon ng malaking silbi sa Diyos.

“Hindi ka kamo perpekto? Hindi sapat ang kabutihan mo? Marami tayo!

“Maaaring ikaw na ang taong hinahanap ng Diyos.

“Hindi kailangan ng Diyos na maging pambihira kayo, at lalong hindi Niya kailangan ng perpekto.

“Tatanggapin Niya ang inyong mga talento at kakayahan at pararamihin ang mga iyon—kahit tila kakaunti ang mga iyon na katulad ng ilang tinapay at isda. Kung magtitiwala kayo sa Kanya at magiging tapat, palalakihin Niya ang epekto ng inyong mga salita at kilos at gagamitin ang mga ito para pagpalain at paglingkuran ang maraming tao!”

Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Okt. 15, 2021, facebook.com/dieterf.uchtdorf.

Kapag Pakiramdam Mo ay Napakahirap ng Mundo

“Mahal kong mga kaibigang kabataan, tandaan: Kayo—tulad ni Esther—ay isinilang sa panahong tulad nito. Huwag matakot, at huwag panghinaan-ng-loob. Palagi kayong sasamahan ng Diyos sa inyong paglalakbay. Tiyakin lang na isama Siya at ang Kanyang salita, at tandaan, laging ipagdasal na marinig ang Kanyang tinig sa mga banal na kasulatan.”

Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Mar. 9, 2021, facebook.com/jeffreyr.holland.

Kapag Nadurog ang Puso Mo

“Kapag nasira ang tiwala, nawasak ang mga pangarap, paulit-ulit na nadurog ang mga puso, kapag nais natin ng katarungan at kailangan ng awa, kapag nakakuyom ang ating mga kamao at dumadaloy ang ating mga luha, kapag kailangan nating malaman kung ano ang kakapitan at ano ang pawawalan, maaari natin Siyang alalahanin sa tuwina. Ang buhay ay hindi naman palaging malupit na tulad ng inaakala natin. Ang Kanyang walang-katapusang habag ay makakatulong sa atin na mahanap ang ating daan, katotohanan, at buhay [tingnan sa Juan 14:6].”

Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Lagi Siyang Aalalahanin,” Liahona, Mayo 2016, 109.

Kapag Nalulungkot Ka

“Habang nakikilala natin ang Diyos, ang mga hindi inaasahang sagot kung minsan sa ating mga panalangin ang siyang nag-aalis sa atin sa lansangan, nagdadala sa atin sa komunidad, pumapawi sa kadiliman ng ating mga kaluluwa, at gumagabay sa atin upang mahanap ang espirituwal na kanlungan at pagiging kabilang sa kabutihan ng Kanyang mga tipan at walang hanggang pagmamahal.”

Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Lahat ng Bansa, Lahi, at Wika,” Liahona, Nob. 2020, 41

Kapag Nakokonsiyensya Ka

“Mahal kong mga kaibigang kabataan, palaging may daan pabalik. Si Jesucristo (at ang Kanyang ebanghelyo) ang daan. Hindi pa kayo nakagawa ng anumang napakabigat na kasalanan para hindi ninyo madama ang pagmamahal at nagbabayad-salang biyaya ng Tagapagligtas. Kapag gumagawa kayo ng mga hakbang para magsisi at sundin ang mga batas ng Diyos, madarama ninyo kung gaano kagusto ng Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na makauwi kayo sa Kanila! Nais Nilang lumigaya kayo. Gagawin Nila ang lahat sa abot ng Kanilang makakaya nang hindi nilalabag ang inyong kalayaan o ang Kanilang mga batas para tulungan kayong makabalik.”

Pangulong Russell M. Nelson, “The Love and Laws of God,” (debosyonal sa Brigham Young University, Set. 17, 2019), 3, speeches.byu.edu.

Kapag Kailangan Mo ng Pag-asa

“Maririnig … ninyo kami na ipahayag kasama ni Moroni na mahalaga ang pag-asa kung nais nating ‘matanggap ang mana [na] inihanda [ng Diyos para sa atin]’ [Eter 12:32]. Nais naming matanggap ninyo ang manang iyon bilang mga anak ng isang hari. Upang magawa iyon, dapat nating maunawaan na ang pag-asa ay hindi lamang ang mensahe o pamamaraan ng pagiging positibo; ito ay pribilehiyo ng lahat ng naniniwala.”

Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Isang Hinaharap na Puno ng Pag-asa” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 8, 2023), Gospel Library.

Kapag Pagod na Pagod Ka

“Pagkatapos ninyong suriin ang inyong sarili, nakikiusap ako sa inyo na tumingala sa langit. Ang mga matang nakatingin sa inyo ay mula sa inyong mapagmahal na Ama sa Langit na kayang ipagkaloob, at ipagkakaloob ang lahat ng bagay na inaasam ninyo sa kabutihan. Hindi ninyo makakamit ang mga biyayang ito sa pagpupumilit. Huwag kayo[ng] masyadong magpakapagod. Pumayapa; tumahimik. Gawing simple ang mga bagay-bagay. Maging maamo at mapagpakumbaba, at magdasal. Pinatototohanan ko sa inyo na darating ang mga himala kapag naghinay-hinay, huminahon, at lumuhod tayo. Lahat ng mayroon ang Ama ay mapapasainyo balang-araw [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:33–38].”

Sister Patricia T. Holland, “Isang Hinaharap na Puno ng Pag-asa” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 8, 2023), Gospel Library.

Kapag Kailangan Mo ng Katiyakan

“Alam at nakikita ng Diyos ang lahat. Sa buong kawalang-hanggan, walang sinumang makakikilala sa inyo o magmamalasakit sa inyo nang mas higit kaysa sa Kanya. Walang sinumang magiging mas malapit sa inyo kailanman kaysa sa Kanya. Maaari ninyong ibuhos ang nilalaman ng inyong puso sa Kanya at pagkatiwalaan Siya na isusugo Niya ang Espiritu Santo at mga anghel para pangalagaan kayo. Ipinamalas Niya ang Kanyang sukdulang pagmamahal nang isugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang mamatay alang-alang sa inyo—upang maging inyong Tagapagligtas at inyong Manunubos!

Pangulong Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022), Gospel Library.