Lingguhang YA
Ginagawa Ko bang Masyadong Kumplikado ang Ebanghelyo?
Pebrero 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ginagawa Ko bang Masyadong Kumplikado ang Ebanghelyo?

Hindi ko maunawaan kung bakit pagod na pagod ako.

isang linya ng mga bombilya na natatanggal ang pagkakabuhol

Buong buhay kong sinikap na maging isang tao na inakala kong inaasahan ng Ama sa Langit na kahinatnan ko. Pero may problema: Hindi ko alam kung sapat na ang kabutihan ko.

Nakatutok ako sa aking mga kakulangan, lalo na pagkatapos kong mag-aral ng mga banal na kasulatan o makinig sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Kapag binabasa ko ang mga bagay na ito na dapat magbigay sa akin ng lakas-ng-loob, nakatuon lang ako sa ginagawa kong mali.

Namuhay ako sa ganitong paraan sa mahabang panahon—miserable at pagod sa aking pagkadisipulo.

Pero hindi ko natanto na ang hindi ko talaga nagagawa ay ang tunay na maniwala sa Tagapagligtas at sa dalisay at simpleng mga katotohanan ng Kanyang ebanghelyo.

Paglimot Kung Bakit Ko Ipinamumuhay ang Ebanghelyo

Nagbago ang aking pananaw habang nakikinig ako sa isang debosyonal na kasama si Sister Patricia T. Holland kamakailan. Sabi niya, “Ang isang labis na pinanghihinayangan ko noong aking kabataan ay na hindi ko nakita ang simpleng kagandahan ng ebanghelyo; ginawa ko itong masyadong kumplikado.”1

Namangha ako sa mensahe niya.

Natanto ko na madalas kong gawing kumplikado ang ebanghelyo! Ginagawa ito ng marami sa atin. Inaasahan natin na maging perpekto tayo, sa paniniwala na walang puwang para sa mga kamalian at pag-unlad. At kung hindi nangyayari ang mga bagay-bagay sa paraang inaasahan natin, nababalisa tayo tungkol sa hinaharap, ikinukumpara ang ating sarili sa iba, nawawalan tayo ng koneksyon sa Ama sa Langit, at nagsisimula pa nga tayong mag-isip kung sulit bang ipamuhay ang ebanghelyo.

Natanto ko na ang aking pagkabalisa ay hindi sanhi ng pamumuhay ng ebanghelyo. Nabalisa ako dahil tumigil na akong magtuon sa dahilan kung bakit ko ipinamumuhay ang ebanghelyo: si Jesucristo.

Nalimutan ko na mahal Niya ako at ng Ama sa Langit nang may sakdal na pagmamahal (tingnan sa Juan 15:9; 2 Nephi 1:15).

Nalimutan ko na nilayon na magalak ako sa paglalakbay (tingnan sa 2 Nephi 2:25).

Nalimutan ko na kabilang sa mortalidad ang pagkakaroon ng mga kakulangan at pag-asa sa Tagapagligtas para madaig ang mga ito (tingnan sa Eter 12:27).

Nalimutan ko na narito ang Tagapagligtas para tulungan akong matuto at lumago at umunlad at na inilalaan Niya ang aking mga pagsisikap habang daan (tingnan sa 2 Nephi 2:1–2; 32:9).

Pagpapasimple

Nagkakaproblema tayo kapag ginagawa nating isang checklist ng mga tuntunin ang ebanghelyo at nalilimutan natin ang mga dalisay na katotohanan ni Jesucristo. Kapag nagsisikap tayong tuparin ang ating mga tipan at sundin ang mga kautusan na may layuning maging higit na katulad Niya, sa gayo’y ipinamumuhay talaga natin ang ebanghelyo.

Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, ito ay kapag “binabago [ng ebanghelyo ni Jesucristo] ang buhay ng lahat ng taong nakauunawa rito at hangad na ipamuhay ito. Tinutulungan tayo ng doktrina ni Cristo na matagpuan ang landas ng tipan at manatili rito.”2

Nais ng Ama sa Langit na lagi nating alalahanin na matutulungan tayo ng Tagapagligtas na maabot ang ating banal na potensyal. Pero paano natin hindi malilimutan ang mahalagang katotohanang ito?

Narito ang ilang gawing nakatulong sa akin:

  • Ipinagdarasal ko na tulungan ako ng Ama sa Langit na madama na mahal Niya ako at tinatanggap ang lahat ng pagsisikap ko.

  • Tumatanggap ako ng sakramento, na nakatuon sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ipinapaalala ko sa sarili ko na matutulungan ako ng Kanyang biyaya sa hinaharap at iniimpluwensyahan na Niya ang aking buhay habang nagsisikap akong sundin Siya.

  • Bumabaling ako sa mga banal na kasulatan para sa kapanatagan. Nagbabasa ako tungkol sa mga taong nakadama rin ng kakulangan at napalakas ng Panginoon.

  • Madalas akong magpunta sa templo. Lahat ng nasa bahay ng Panginoon ay nagpapaalala sa akin ng Kanyang awa at na kaya kong umunlad. Doon, nakadarama ako ng kapayapaan sa gitna ng napakaraming pag-aalala.

Dahil sa mga gawing ito, napahalagahan ko ang pinakamahalaga sa ebanghelyo. Ipinapaalala ng mga ito sa akin na huwag gawing kumplikado ang kasimplihan nito.

May Bisa ang Ebanghelyo

Kung nahihirapan ka sa pakiramdam mo na kailangang maging perpekto ka o na may kakulangan ka o sa pakiramdam mo na nagiging pabigat ang ebanghelyo, alalahanin ang mga salita ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Napakasimple [ng ebanghelyo], at maganda ang nagagawa nito.

“… Kung inaakala ninyo na walang gaanong nagagawa ang ebanghelyo para sa inyo, inaanyayahan ko kayong umatras, tingnan ang inyong buhay, at simplihan ang inyong pamamaraan sa pagiging disipulo. Magpokus sa mga pangunahing doktrina, alituntunin, at aplikasyon ng ebanghelyo. Ipinapangako ko na gagabayan at pagpapalain ng Diyos ang inyong landas tungo sa kasiya-siyang buhay, at talagang malaki ang magagawa ng ebanghelyo para sa inyo.”3

Sa pagtutuon sa mga dalisay na katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo, nakita ko na mahimalang naging simple ang aking buhay at pananampalataya. Alam kong mangyayari din ito sa inyo.