Lingguhang YA
Paano Ako Natulungan ng Pagsisisi na Umunlad
Pebrero 2024


“Paano Ako Natulungan ng Pagsisisi na Umunlad,” Liahona, Peb. 2024.

Mga Young Adult

Paano Ako Natulungan ng Pagsisisi na Umunlad

Kung sapat ang paniniwala sa akin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo upang patuloy akong bigyan ng mas maraming pagkakataon, bakit hindi ako dapat na maniwala rin sa sarili ko?

babaeng nagdarasal

Paglalarawan ni Joshua Dennis

Noong bagu-bago pa akong missionary, hiniling ng mission president ko na maging trainer ako.

Pakiramdam ko ay hindi ako karapat-dapat. Paano ko dapat turuan ang isang bagong sister kung paano maging kahanga-hangang missionary samantalang hindi ko tiyak kung alam kong lahat iyon?

Sa totoo lang, marami akong nagawang mali bilang trainer, at talagang sandali kong ikinalungkot ang mga ito. Pero nang simulan kong suriin ang aking mga kahinaan at pagkukulang at sikaping maging mas mahusay, nagkaroon ako ng patotoo na nagbibigay ang Panginoon ng “kahinaan sa [atin] upang [tayo] ay magpakumbaba” dahil magagawa Niya “ang mahihinang bagay na maging malalakas” (Eter 12:27). Marami akong natutuhan tungkol sa pagsisisi, na hindi lamang para sa mga pagkakataon na nagkakamali tayo—para iyon sa anumang pagkakataon na nais nating maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Mula nang makauwi ako mula sa aking misyon, kinailangan kong maunawaan iyon nang higit kailanman.

Pagkabigo

Bagama’t mahal ko ang aking misyon, nahirapan akong isabuhay ang mga aral na natutuhan ko noong naglilingkod ako. Pinauwi ako nang mas maaga kaysa sa inaasahan ko dahil sa mga problema sa kalusugan ng kaisipan at pagkatapos ay lumipad ako mula sa aking tahanan sa Pilipinas papuntang United Arab Emirates para magsimulang magtrabaho.

Mula nang lumipat ako rito, nahirapan na akong makadama ng pag-usad at pagsulong sa landas ng tipan. Sa aking misyon, maaari kong ilaan ang buong oras at lakas ko sa ebanghelyo. Hindi ako gaanong nag-alala tungkol sa mga temporal na pangangailangan ko o kung ano ang gagawin ko sa buhay ko pagkatapos ng aking misyon. Pero ngayong sinisikap kong balansehin ang iba pang mga pangangailangan sa buhay, pakiramdam ko ay patuloy akong nabibigo.

At dahil wala ako kapwa ng mapagsuporta at matapat na komunidad ko noon sa Pilipinas at walang iskedyul ng isang missionary na ginagawang mas madali at mas malinaw ang pag-unlad, pakiramdam ko kung minsan ay hindi talaga ako umuunlad.

Mga Bagong Gawi at Bagong Pag-asa

Habang patuloy akong nakikibaka sa mga damdaming ito, malakas ang pakiramdam ko na dapat kong gawin ang nakagawian ko sa aking misyon. Bilang missionary, natutuhan ko kung gaano kahalagang makipag-ugnayan sa Ama sa Langit gabi-gabi sa pamamagitan ng panalangin at tapat na suriin ang aking mga kilos araw-araw. Itinatanong ko sa Ama sa Langit kung ano ang nagawa ko nang maayos, humihingi ako ng kapatawaran para sa aking mga kasalanan at ng lakas na madaig ang aking mga kakulangan, at pagkatapos ay itinatanong ko sa Kanya kung paano ako magiging mas mabuti kinabukasan.

Noong una ay natakot akong simulang gawin ito pagkatapos ng aking misyon, lalo na dahil pakiramdam ko ay binigo ko ang aking sarili at ang Ama sa Langit. Ayaw kong mas sumama pa ang loob ko dahil sa aking mga pagkukulang. Pero naalala ko ang natutuhan ko sa aking misyon: ang pagsisisi ay naghahatid ng kagalakan. Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Craig C. Christensen ng Pitumpu: “Ang pagsisisi araw-araw at paglapit kay Jesucristo ang paraan upang maranasan ang kagalakan—kagalakang higit pa sa kaya nating isipin [tingnan sa 1 Corinto 2:9]. Kaya nga tayo narito sa lupa. Kaya nga inihanda ng Diyos ang Kanyang dakilang plano ng kaligayahan para sa atin.”1

Labis akong nagpapasalamat sa pahiwatig na iyon—ang pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit araw-araw ay nagdulot ng malaking kaibhan sa akin. Ang pagkatanto na binibigyan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ng pagkakataong maging mas mabuti araw-araw ay tumutulong sa akin na lalong magkaroon ng pagkahabag sa sarili—kung sapat ang paniniwala Nila sa akin upang patuloy akong bigyan ng mas maraming pagkakataon, bakit hindi ako dapat na maniwala rin sa sarili ko?

Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. … Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan.”2

Ang Pagsisisi ay Pag-unlad

Ang mga katotohanang natutuhan ko tungkol sa pagsisisi ay nakatulong sa akin na maunawaan kung paano patuloy na umunlad. Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Nelson: “Pagsisisi ang susi sa pag-unlad. Ang dalisay na pananampalataya ang nagtutulak sa atin na sumulong sa landas ng tipan.”3 Kapag nagsisisi ako, nakatatanggap ako ng patnubay at katiyakan mula sa Panginoon. Kapag nagsisisi ako, nananatili akong malapit sa Kanya.

At ang pagkahabag sa aking sarili at ang aking mga pagsisikap ang nagganyak sa akin na patuloy na umunlad. Nagaganyak akong magsisi kapag naniniwala ako na karapat-dapat ako sa pagsisikap. Nais kong mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag naniniwala ako na karapat-dapat ako sa Kanilang pagmamahal.

Talagang naniniwala ako na may napakalaking kagalakan, kapayapaan, at kaginhawaang matatagpuan sa pagsisisi, anuman ang ating pinagdaraanan. Bumaling sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Manalangin sa Ama sa Langit upang malaman kung ano ang magagawa mo upang mas mapalapit sa Kanya at kay Jesucristo at maging higit na katulad Nila.

Alam ko na madarama ninyo ang Kanilang pagmamahal at suporta—at mas magkakaroon kayo ng habag sa inyong sarili—habang nadarama ninyo ito.

Ang awtor ay mula sa Pilipinas.