Lingguhang YA
Palagay Mo ba Hindi Ka Kilala ng Diyos? Magtiwala Ka sa Akin, Kilala Ka Niya
Pebrero 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Palagay Mo ba Hindi Ka Kilala ng Diyos? Magtiwala Ka sa Akin, Kilala Ka Niya

Hinubog ng isang karanasan ang buong buhay ko at itinuro sa akin na alam palagi ng Ama sa Langit ang nangyayari sa atin.

paglalarawan sa isang batang babaeng nakayakap sa kanyang ina

Umuwi ako kamakailan mula sa aking misyon at nag-alinlangan ako sa susunod na patutunguhan ng buhay ko. Kung minsa’y iniisip ko kung talagang alam ng Ama sa Langit ang nangyayari sa akin, ang aking sitwasyon, at ang kawalang-katiyakang nadarama ko.

Pero naaalala ko na alam Niya. Alam Niya ang nararanasan ko.

At paano ko ito nalaman?

Una, dahil patuloy na tinitiyak sa atin ng mga pinuno ng ating Simbahan ang mga katotohanang ito. Halimbawa, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan: “Tinitiyak ko sa inyo na mahal kayo ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Alam na alam Nila ang inyong sitwasyon, inyong kabutihan, inyong mga pangangailangan, at inyong paghingi ng tulong sa inyong mga panalangin.”1

At pangalawa, naniniwala ako na kilala ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo dahil marami na akong karanasan sa buhay na tinulungan Nila ako at ipinakita sa akin ang Kanilang pagmamahal.

Pero ang karanasang pinakamadalas kong naiisip ay ang pag-ampon sa akin.

Mga Himala

Noong tatlong taong gulang ako, nanirahan ako sa isang bahay-ampunan sa Cambodia. Nagkaroon ako ng malubhang sakit na pulmonya, at hindi kinayang bayaran ng bahay-ampunan ang pagpapagamot sa akin.

Kasabay nito, dahil sa trabaho ay bumisita sa Cambodia ang magiging ina ko mula sa Finland. Nagkaroon siya ng espirituwal na karanasan na gumabay sa kanya na bisitahin ang partikular na bahay-ampunang kinaroroonan ko.

Nang magkita kami, agad siyang nakadama ng matinding espirituwal na koneksyon sa akin.

Dinala niya ako sa ospital at binayaran ang mga gastusin ko sa pagpapagamot. Nadama niya na nagabayan siyang magpunta sa Cambodia para tulungan akong gumaling—wala nang iba pa. Pero sa telepono isang gabi, sinabi sa kanya ng tatay niya, “Baka dapat manatili sa buhay mo ang batang ito.”

Nanalangin siya at nadama ang sarili niyang espirituwal na pagpapatibay na nakatakda akong maging anak niya. Kaya sinimulan niya ang proseso ng pag-ampon at umuwi sa Finland na kasama ako.

Tuwing nag-aalinlangan ako kung alam ng Ama sa Langit ang nangyayari sa akin, ang pagninilay sa kakaibang kuwento ng aking pinagmulan at sa mga himalang kaakibat nito ay laging nagpapaalala sa akin sa katotohanang ito: Alam na alam Niya ang nangyayari sa akin at may bahagi Siya sa buhay ko.

Ang Bisa ng Pag-alala

Ang pag-alala sa karanasang ito ay nagbigay sa akin ng lakas sa mga panahon na nahihirapan ako habang naglilingkod sa aking misyon sa London, England. Nang bigyan ako ng opsyon na pahabain nang ilang linggo ang aking misyon, gusto ko na lang talagang umuwi!

Pero naalala ko na nabigyan ako ng Ama sa Langit ng mga himala para maging kasangkapan ako sa Kanyang mga kamay. Ang kaalamang ito ay nagbigay sa akin ng lakas na maglingkod sa dagdag na ilang linggong iyon at ibahagi ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa iba.

Alam ko na hindi lahat ng nasa mahihirap na sitwasyon ay maaaring magkaroon ng mga espirituwal na karanasang kapareho ng sa akin. Pero alam ko na hindi nalilimutan ng Ama sa Langit ang sinuman sa atin. Kung lalapit tayo sa Kanya, lagi Niya tayong bibigyan ng lakas at patnubay na kailangan natin.

Kilala Niya Tayo

Muling tinitiyak sa akin ng aking karanasan noong bata pa ako na kahit sa bilyun-bilyon Niyang anak, kilala ako ng Ama sa Langit—isang maliit at tila nalimutang bata sa isang bahay-ampunan—at nagbigay ito ng inspirasyon na nag-ugnay sa akin sa ebanghelyo at sa aking pamilya.

At kilala Niya kayo.

Kapag nakokonsiyensya ako sa aking mga pagkakamali, nang labis akong mahirapan noong nasa misyon ako, at habang nagpapasiya ako ngayon kung ano ang pag-aaralan sa unibersidad, nakasusumpong ako ng kapahingahan sa kaalaman na kasama ko ang aking Ama sa Langit at ang Tagapagligtas.

Tulad ng itinuro kamakailan ni Pangulong Susan H. Porter, Primary General President: “Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi natatagpuan sa mga sitwasyon sa ating buhay, kundi sa Kanyang presensya sa ating buhay. Nadarama natin ang Kanyang pag-ibig kapag tumatanggap tayo ng lakas nang higit pa sa ating sariling lakas at kapag ang Kanyang Espiritu ay naghahatid ng kapayapaan, kapanatagan, at patnubay. … Maaari nating ipagdasal na mabuksan ang ating mga mata para makita ang Kanyang kamay sa ating buhay at makita ang Kanyang pag-ibig sa kagandahan ng Kanyang mga nilikha.”2

Pinatototohanan ko na mabibigyan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ng lakas at pagmamahal na kailangan natin para magawa ang lahat ng ipinagagawa Nila sa atin. Inaanyayahan ko kayo na kusang hangarin ang katotohanang iyan para sa inyong sarili, at ipinapangako ko na ipapaalala Nila sa inyo ang Kanilang pagmamahal sa mga paraang kailangang-kailangan ninyo.