Digital Lamang: Mga Young Adult
Paano Binuksan ng Aklat ni Mormon ang Kalangitan para sa Akin
Habang pinag-aaralan natin ang Aklat ni Mormon sa taong ito, nais kong ibahagi na may patotoo ako na maaari itong magkaroon ng kapangyarihan at impluwensya sa inyong buhay.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Nagkaroon ako ng patotoo sa Aklat ni Mormon mula nang una ko itong mabasa noong mas bata ako. Pero ang totoo, pakiramdam ko parang pahapyaw lang ang “pag-aaral” ko ng banal na kasulatan sa mga buwan bago sumapit ang pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2018. Kaya nang hamunin ni Pangulong Nelson ang kababaihan ng Simbahan na basahin ang Aklat ni Mormon bago matapos ang taon, pakiramdam ko parang iyon talaga ang paanyayang kailangan ko.
Ang Kanyang paanyaya ay may kasama ring ilang makapangyarihang pangako. Sabi niya, “Kapag nag-aral kayo nang may panalangin, ipinapangako ko na pagpapalain kayo ng langit” (“Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel,” Liahona, Nob. 2018, 69).
Habang nakikinig ako, natuwa akong muling basahin nang tapat ang aklat na napamahal na nang husto sa akin, at hindi ako makapaghintay na pagpalain ako ng langit.
At ginawa nga nila ito. Sa napakaraming paraan. Nang matapos ko itong hamon na basahin ang Aklat ni Mormon, gumugol na ako ng oras sa pagninilay sa naranasan ko at dinaranas ko pa rin. Namamangha ako sa aking natutuhan, nadama, at kinahihinatnan ko sa pag-aaral ng inspiradong mga pahina nito.
Ang Natutuhan Ko
Nang basahin ko ang Aklat ni Mormon nang mas mabilis kaysa sa nakasanayan ko, talagang nagkaroon ng buhay ang salaysay rito. Nakadama ako ng kaugnayan sa mga tao na nagpatotoo at nagtala ng kanilang mga karanasan sa aklat na ito.
Mula sa kapatid ni Nephi na si Sam, nalaman ko na marangal ang tahimik na kabutihan. Mula kay Alma, natuto akong huwag isuko ang aking pananampalataya kailanman. Mula sa kanyang anak, na hindi pa huli ang lahat para lumapit kay Cristo at maranasan ang nakalilinis na kapangyarihan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala (tingnan sa Mosias 27; Alma 36). Binigyang-inspirasyon ako ng ama ni Haring Lamoni na magsakripisyo pa para sa Diyos (tingnan sa Alma 22:15, 18). Tinuruan ako ni Pahoran na huminahon at maging katulad ni Cristo kapag nadarama ko na walang makaintindi sa akin (tingnan sa Alma 61). Mula sa kapatid ni Jared natutuhan ko na bagama’t mahalagang kumilos tayo, hindi iyon sapat; kailangan natin ang tulong at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Cristo (tingnan sa Eter 2–3). Mula kay Moroni natutuhan ko na bagama’t maaari nating madama na nag-iisa tayo, hindi totoo iyon (tingnan sa Mormon 8:3, 5).
Natutuhan kong magtanong nang madalas sa Panginoon, magdasal nang matindi at may pananampalataya. Natutuhan ko ang kahalagahan ng pag-iingat ng mga talaan at pagbabahagi ng patotoo at angkop na paraan ng pagsisisi. Natutuhan ko na ang Diyos ay maalalahanin, na si Cristo ay maawain, at na nagkakaisa Sila sa layunin.
Natutuhan ko na ang “[pagpapakabusog] sa mga salita ni Cristo” (2 Nephi 32: 3) ay nagbibigay ng patnubay na kailangan ko sa buhay.
Natutuhan ko muli na hindi isinulat—at hindi kayang isulat—ni Joseph Smith ang aklat na ito.
Ang Nadama Ko
Nagkataon lang ba na nabasa ko ang awit ni Nephi (2 Nephi 4) sa araw na hirap na hirap na ako sa aking mga kakulangan at kahinaan? Siyempre hindi. Masayang aksidente lang ba na natagpuan ko ang pahayag ni Haring Limhi na, “O kagila-gilalas ang mga gawa ng Panginoon, at gaano katagal niyang titiisin ang kanyang mga tao” (Mosias 8:20) nang madama ko na nag-iisa ako sa aking mga pagsubok? Hindi! Sa Diyos, walang nagkataon lang, tanging magigiliw na awa na perpektong ipinlano, at marami akong natanggap na ganyan habang nagbabasa ako. Talagang nadama ko ang pagmamahal sa akin ng aking Ama sa Langit at ang walang-kapantay na kapayapaan nang basahin ko ang Aklat ni Mormon.
Iyon ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas na nadama ko nang husto sa buong pagbabasa ko ng Aklat ni Mormon. Bawat talata ay nagpapatotoo sa Kanyang biyaya, awa, habag, at walang-hanggang pagmamahal. Nang mabasa ko ang tungkol kay Jesucristo, napuspos ako ng pasasalamat para sa Kanyang sakripisyo. Ang isa sa pinakamalalaking himalang naranasan ko habang nagbabasa ay ang pakiramdam na lubos na napatawad ang napakaraming maling pagpiling ginawa ko maraming taon na ang nakalilipas. Pakiramdam ko ay ako mismo ang kinakausap ng Panginoon habang nagbabasa ako. Sa puso ko nadama ko ang mga salita, Panahon na para magbagong-buhay. Literal na naglaan si Cristo ng pagpapagaling na kailangan ko.
Bagama’t hindi ko nakita ang nabuhay na mag-uling Cristo na tulad ng mga Nephita (tingnan sa 3 Nephi 11), nadama ko ang Kanyang presensya sa buhay ko habang nagbabasa ako tungkol sa kanya sa Aklat ni Mormon. Tunay na nauunawaan niya ang bawat isa sa atin at sa ating natatanging mga pagsubok, at may kapangyarihan Siyang iligtas, aliwin, at pagalingin tayo.
Ang Kinahihinatnan Ko
Habang araw-araw akong nagbabasa ng Aklat ni Mormon, nagiging mas matiyaga, mahabagin, at mapagpasalamat ako, at naging mas positibo rin ang pananaw ko. Hindi na ako gaanong makasarili at nag-aalala tungkol sa mga makamundong bagay.
Dahil sa Aklat ni Mormon at sa Espiritu na hatid nito sa buhay ko, naging mas mabuti akong ina, asawa, anak, at kaibigan. Mas tapat na akong disipulo ni Jesucristo.
Paano napunta sa isang aklat ang lahat ng sagot? Paano nagawa ng isang aklat ang lahat ng iyon?
Ang aklat lamang na ginawa ng Diyos ang may gayong kapangyarihan. At alam ko na talagang iyon ay sa Diyos.
Tulad ng ipinangako ni Pangulong Nelson, talaga ngang pinagpala ako ng langit, sa mas maraming paraan kaysa sa maiisip ko. Kaya patuloy kong babasahin at pag-aaralan ang Aklat ni Mormon. Patuloy kong sasaliksikin ang mga pahina nito at hahanapin doon si Cristo dahil talaga namang ang aklat na ito ay tungkol sa Kanya.