Lingguhang YA
Paano Ako Pinananatiling Konektado ng Aking mga Tipan sa Bagay na Pinakamahalaga
Oktubre 2024


“Paano Ako Pinananatiling Konektado ng Aking mga Tipan sa Bagay na Pinakamahalaga,” Liahona, Okt. 2024.

Mga Young Adult

Paano Ako Pinananatiling Konektado ng Aking mga Tipan sa Bagay na Pinakamahalaga

Hindi ko naisip na kaylaking pribilehiyo pala ang aking mga tipan.

ang Tagapagligtas na nakasuot ng pulang bata

Detalye mula sa Christ in a Red Robe [Si Cristo na Nakasuot ng Pulang Bata], ni Minerva Teichert

Gustung-gusto kong nadarama ang Espiritu. Isang damdamin ito na tiwala kong masasabing nakikilala ko na ngayon.

Pero kinailangang pagsikapan iyon. Kung saan ako lumaki sa hilaga ng England, madalas ay hirap akong mapunta sa isang kapaligiran na nagpapadama sa akin ng Espiritu Santo. Napakaraming mahuhusay na young adult doon na lumaki sa Simbahan, subalit kung minsa’y mahirap iayon ang ating mga pag-uugali sa doktrina at mga katotohanang alam natin sa ating puso.

Sa mahabang panahon, nagsimba ako tuwing Linggo pero nainis ako at nalungkot batid na ang mga bagay na ipinararating sa akin ng Espiritu ay walang epekto sa iba na mahal at pinagmamalasakitan ko.

Tutal, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag [at patuloy] na impluwensya ng Espiritu Santo.”

Gayunman, natututuhan ko ang kahalagahan ng pagbibigay ng puwang para sa Espiritu sa lahat ng aspeto ng buhay ko at pagtulong sa iba na gawin din iyon.

Nahihirapan sa mga Tukso

Nang makatapos ako sa secondary school, naharap ako sa maraming paghihirap. Halimbawa, maraming aktibidad at kumperensya para sa mga young adult na miyembro ng Simbahan kung saan ako nakatira. Pero pagkatapos ng mga aktibidad na ito, nagpupuntahan ang ilang young adult sa mga club o lugar na hindi nakaayon sa ating mga pinahahalagahan.

Nagulat ako roon!

Karaniwan dito ang pag-inom ng alak at pagpunta sa club, pero hindi ko inasahan na gagawin din ng mga kaibigang katabi ko sa simbahan ang mga bagay na iyon.

Naguluhan ako.

Nang makita kong ginagawa ng mga kaibigan ko ang mga desisyong iyon, talagang nahirapan akong malaman kung sino ang makakatulong sa akin na manatiling espirituwal na matatag. Kalaunan, dahil nakita ko ang iba na kaswal na ipinamumuhay ang ebanghelyo, napalayo rin ako sa ebanghelyo. Hindi na ako nagsimba o nagdasal, at ginawa ko ang mga bagay na hindi ko dapat gawin.

Pero isang araw, nang madama ko na talagang miserable ako, nagdasal ako sa Ama sa Langit at sinabi sa Kanya ang aking damdamin. Sinabi ko sa Kanya na gusto kong maging totoo ang Simbahan at gusto kong maunawaan ang Kanyang mga utos, pero napakahirap na isipin man lang na manindigang mag-isa. Pero sinabi ko sa Kanya na kung makasusumpong ako ng katiyakan ng mga katotohanan ng ebanghelyo, makikinig ako at muli kong ipamumuhay ito.

Makalipas ang ilang araw, nakadama ako ng malinaw na espirituwal na impresyon na kailangan akong magmisyon.

Hindi ko talaga inasahang maiisip ko ang ideyang iyon. Pero nadama ko na hinihimok ako ng Espiritu na gawin iyon. Alam ko na ang paghahanda para sa misyon ay magbibigay sa akin ng kakayahan na alalahanin ang aking patotoo, muling buuin ang aking relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at umasa sa sarili kong pananampalataya—hindi kung kaninuman.

At iyon ang naging hangarin ko.

Kaya, nagsimula akong magbago. Kinailangan dito ang malaking espirituwal na pagsisikap. Kinailangan kong tumigil sa pakikibarkada sa ilang kaibigan, nakipagkalas ako sa taong idinedeyt ko, at kinailangan kong palitan ng mas mabubuting gawi ang aking masasamang gawi. Nakipagtulungan ako sa bishop ko at umasa ako sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Jesucristo para tulungan akong makausad.

Isang Nagbagong Pananaw

Bago ako nagmisyon, hindi ko naunawaan ang mga kautusan at tipan. Itinuring ng mga kaibigan ko na mga pasanin ang mga pagpapalang ito, at unti-unti ko ring itinuring na gayon nga iyon. Pero pagkatapos kong magmisyon at muling patatagin ang aking pananampalataya, itinuturing ko na ngayon ang mga tipan at kautusan bilang mga pinagpalang responsibilidad na tumutulong sa akin na mapanatili ang banal at tuwirang pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo—araw-araw.

Nagpatotoo kamakailan si Pangulong Emily Belle Freeman, Young Women General President, tungkol sa kapangyarihan ng mga tipan: “Marahil ay naririnig ninyo ang mga salitang iyon at nag-iisip kayo ng mga bagay na dapat gawin. Siguro ang tanging nakikita ninyo ay landas na puno ng mga kinakailangan. Kapag mas nagtuon kayo ng pansin makakakita kayo ng bagay na mas kahika-hikayat. Ang tipan ay hindi lamang tungkol sa kasunduan, bagama’t mahalaga iyan. Tungkol ito sa pakikipag-ugnayan.”

Nagpatotoo rin si Elder Robert M. Daines ng Pitumpu na “ang mga tipan ay parang yakap ng Diyos.”

Saan man tayo tumayo—kahit mag-isa tayong tumayo—ibinibigkis tayo ng mga tipang nagawa natin sa mga relasyong pinakamahalaga.

Kung minsa’y nalulungkot ako na hindi nakikita ng iba ang katangi-tanging mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kung minsan, gusto ko lang silang yugyugin sa mga balikat at ipaalala sa kanila ang himala ng kanilang mga tipan! Gusto kong matanto nila kung ano ang kakayahang maaaring ibigay sa kanila ng Tagapagligtas para gumawa at maging katulad ng nararapat!

Pero kahit hindi ko makontrol ang iba, kaya kong panatilihing malakas ang aking patotoo. Malalaman ko kung kailan aalisin ang impluwensya ng ilang tao at alam ko rin kung paano maging mabuting impluwensya sa kanila.

Palagay ko iyan ang nagpabalik sa akin matapos akong mahirapan sa aking pananampalataya: ang alalahanin ang pagmamahal ng aking Tagapagligtas na si Jesucristo.

Alam ko na hindi sana ako nagmisyon kung hindi ko hiniling sa Ama sa Langit na gabayan ako noong litung-lito ako. Hindi ko na sana napagdaanan ang masasakit na karanasang iyon, pero marami akong natutuhan tungkol sa pagsisisi, tungkol sa sakdal na pagmamahal ng Ama sa Langit, at tungkol sa kahalagahan ng pag-una sa mabubuting relasyon (lalo na sa Kanya at sa ating Tagapagligtas) na nagpapanatili sa atin na konektado sa Espiritu.

Sa kabila ng mahihirap na nangyari, dahil sa muling pagkabuo ng aking pananampalataya sa Kanya, naging sulit ang lahat ng naranasan ko.