Lingguhang YA
Paniniwala Kahit Hindi Nakikita—Mga Kabatiran mula sa mga Miyembro sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo
Oktubre 2024


Digital Lamang

Paniniwala Kahit Hindi Nakikita—Mga Kabatiran mula sa mga Miyembro sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo

Paano tayo maaaring magkaroon ng pananampalataya sa Tagapagligtas kung hindi pa natin Siya nakikita?

isang babaeng nag-aaral ng mga banal na kasulatan kasama ang isang grupo ng mga tao

Tiyak na ang pagbisita ng Tagapagligtas sa mga tao sa Amerika ay isang pangyayaring nagpabago sa buhay ng lahat ng nakasaksi sa Kanyang mga himala. Pero paano nagkakaroon ng personal na patotoo kay Jesucristo ang mga taong hindi Siya kailanman nakita?

Mabuti na lang at inutusan ng Tagapagligtas ang mga taong binisita Niya na isulat ang kanilang mga karanasan para mapalakas ang mga taong hindi Siya makikita (tingnan sa 3 Nephi 16:4). At bagama’t malamang na hindi makikita ng karamihan sa atin ang Tagapagligtas sa ating pisikal na mga mata, itinuro ni Elder David B. Haight (1906–2004) na, pagdating sa pagkakita sa Tagapagligtas, maraming “kahulugan ang salitang makita, tulad ng pag-alam tungkol sa Kanya, paghiwatig sa Kanya, pagkilala sa Kanya at sa Kanyang gawain, pag-unawa sa Kanyang kahalagahan, o pag-unawa sa Kanya.”

Kaya, ano ang tumutulong sa inyo na magkaroon ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, kahit hindi pa ninyo Siya pisikal na nakikita?

Narito ang ilang sagot mula sa mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo.

Pagsaksi sa Epekto ng Kanyang mga Turo

“Ang kapayapaan at kagalakang nagmumula sa pagsunod sa Kanyang mga turo ay nagsisilbing mga palagiang paalala ng Kanyang impluwensya sa buhay ko. Ang paniniwala kay Jesucristo ay kadalasang sinusuportahan ng mga personal na karanasan, espirituwal na pagpapatibay, pag-aaral ng banal na kasulatan, panalangin, pakikisama sa komunidad, at pagsaksi sa positibong epekto ng Kanyang mga turo sa sarili at sa iba.”

Nefi Statie, Bonaire, Dutch Caribbean

Pamumuhay sa Pamamagitan ng Pananampalataya

“Ang paniniwala kahit hindi nakikita ay nangangahulugan ng pamumuhay sa pamamagitan ng pananampalataya. Maaari tayong matuksong tanungin ang Panginoon kung nariyan Siya talaga, pero lubos akong naniniwala na pinakamalapit tayo sa Panginoon kapag sumasampalataya tayo. Kahit hindi ko pa siya nakikita, alam ko pa rin ang aking pagkatao bilang anak ng Diyos at disipulo ni Jesucristo. Siya ang aking Tagapagligtas, at walang katapusan ang Kanyang pagmamahal. Kahit hindi nakikita, maaari akong mamuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.

“Nalaman ko ang tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo noong 19 anyos ako. Ngayon, dahil sa aking pananampalataya, puno ng mga pagpapala ang buhay ko. Ang mga banal na kasulatan, mga turo mula sa mga propeta, at mga salitang binigkas sa pangkalahatang kumperensya ay nagpapala sa buhay ko araw-araw at nagbibigay sa akin ng lakas ng loob na patuloy na manampalataya. Kahit hindi ko nakikita si Cristo, nakikita ko ang Kanyang liwanag sa buhay ko.”

An Vu, Hanoi, Vietnam

Pagtitiwala sa Diyos sa Mahihirap na Panahon

“Sabi ni Apostol Pablo, ‘Ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang [katibayan ng] mga bagay na hindi nakikita’ (Mga Hebreo 11:1). Kapag naniniwala tayo nang walang anumang katibayan, binubuksan natin ang ating sarili sa walang-katapusang mga posibilidad. Para sa akin, ang pananampalataya ay katibayan ng lakas ng ating pagbabalik-loob, at ang kaalamang iyon ay dinaragdagan ang kakayahan kong mag-isip nang selestiyal.

“Noong Hunyo 2023, nahulog ako at lubhang nabali ang siko ko noong nasa isang tungkulin sa simbahan sa Uganda ang asawa ko. Maraming tumulong sa akin na mga kapamilya at kaibigan. Pero nang matanto ko kung gaano kalaking tulong ang kailangan ko para gawin ang mga simpleng bagay, halos maawa ako sa sarili ko. Ipinaalala sa akin ng anak ko na inaalala tayo ng Diyos at na kailangan kong magtiwala sa Panginoon.

“Ang pagtitiwala sa Diyos sa mahirap na panahong iyon ay nagbigay sa akin ng pag-asa, na nagbigay-daan para maniwala ako na hindi Niya ako bibigyan ng higit sa aking makakaya. Ang malaman na laging sumasaakin ang Kanyang Espiritu ay pinanatili akong umaasa at payapa sa mga panahon ng pagsubok. Ngayon, pagkaraan ng mahigit pitong buwan, halos hindi na mapapansin ang pinsala.”

Josephine Baddoo, Nairobi, Kenya

Pagkilala sa Kanyang Impluwensya sa Pamamagitan ng Iba

“Nakita ko ang impluwensya ng Panginoon sa buhay ko sa pamamagitan ng iba. Kung minsan, pakiramdam ko ay alam ng Panginoon na hirap akong magtiwala o maniwala sa sarili ko. Pero sa buhay kong ito, natutuhan kong kilalanin ang Kanyang impluwensya sa pamamagitan ng iba na tumulong sa akin na matutong maniwala sa aking sarili at tingnan ang aking sarili tulad ng pagtingin Niya sa akin.

“Nakikita ko ito sa aking mga magulang na nagpalaki sa akin, mga kaibigan ko na sumuporta sa akin sa mga paglipat ko sa kolehiyo, sa mga kompanyon ko sa misyon na gumabay sa akin sa aking misyon, at sa aking mga propesor sa kolehiyo na tunay na nagmamalasakit sa aking pag-aaral at kapakanan.

“Tuwing naglilingkod sila sa akin, nararamdaman ko na naroon din ang Tagapagligtas.”

Michael Avalos, Idaho, USA

Pagtitiwala sa Kanyang Takdang Panahon

“Maraming beses ko nang nakita ang impluwensya ng Panginoon sa buhay ko, pero ang pinakamalaking patotoo ko ay mula sa isang pagsubok na tiniis ko nang 10 taon.

“Nabuntis ako sa pangalawa kong anak na babae pero nakunan ako noong pitong linggo pa lang siya sa aking sinapupunan. Naaalala ko na umiyak ako at nagsumamo sa Panginoon pero naisip ko, ‘Tiyak na mas malaki ang plano ng ating Tagapagligtas para sa sanggol na ito kaysa sa kailangan ko ngayon.’ Nang sumunod na taon, nabuntis ako at muling nakunan. Nagtanong ako, ‘Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?’ (Mateo 27:46).

“Kalaunan, mahimalang nabuntis ako at nagkaroon ng malusog na sanggol na babae.

“Pero hindi ito ang naging katapusan ng pagsubok na ito. Sa kasamaang-palad, nakunan pa ako nang apat na beses na magkakasunod.

“Noong lumipat kami sa isang bagong lugar at nakakuha ng bagong provider, nasuri na mayroon akong sakit na pamumuo ng dugo. Sa impormasyong ito, nagplano kami ng doktor ko. Nagkaroon ako ng dalawang malulusog na anak!

“Perpekto ang takdang panahon ng Panginoon. Ang aral na ito ang naging pinakamahirap na aral na natutuhan ko. Naghahanda Siya ng paraan para sa iyo at naglalagay ng mga tao at karanasan sa iyong buhay para palakasin ka.”

Vicky Majano, Virginia, USA

Mga Tala

  1. David B. Haight, “Temples and Work Therein,” Ensign, Nob. 1990, 61.