Digital Lamang: Mga Young Adult
Kung Namumuhay Ka nang Hindi Ayon sa Ebanghelyo, Hindi pa Huli ang Lahat para Bumalik
Ang pag-alala sa mga tipan na ginawa ko sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay nakatulong sa akin na magkaroon ng lakas ng loob na bumalik sa simbahan.
Lumaki ako sa Krasnodar, Russia. Noong bata pa ako, nabinyagan ako sa isang Kristiyanong simbahan na bahagi ng aking kultura. Alam ko na si Jesucristo ay totoo, pero hindi ako naging masyadong aktibo sa relihiyon ko.
Isang araw, nakilala ko ang mga missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagkaroon ako ng patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo at nakipagtipan sa Diyos sa pamamagitan ng binyag—isang tipan na maglingkod sa Diyos, sundin ang Kanyang mga utos, at maging handang taglayin ang pangalan ni Jesucristo at lagi Siyang alalahanin.
Isang Espirituwal na Pagkagutom
Noong una akong mabinyagan, naging maayos ang takbo ng buhay ko! Minahal ko ang Diyos, si Jesucristo, at ang Simbahan. Mahal na mahal ko ang ebanghelyo kaya ginusto kong ibahagi ang aking damdamin sa mga kaklase ko. Pero nang gawin ko ito, kinontra nila ako. Dahil sa pagtrato sa akin ng iba dahil sa relihiyon ko, kinailangan kong lumipat ng paaralan. At kinailangan kong tahakin ang landas ng pagiging disipulo ni Cristo nang halos walang suporta ninuman.
Nakayanan ko ito sandali. Sumama ako sa ilang kaibigan at sa mga missionary. Malakas ang aking patotoo, pero nang makatapos ako at lumipat sa isang bagong lungsod, naging mas maingat ako sa pagkukuwento tungkol sa aking relihiyon dahil sa mga negatibong karanasan ko noon.
Unti-unting nawala ang tuon ko sa ebanghelyo. Sa panahong ito, kahit hindi ko gaanong inuna ang ebanghelyo, inasahan ko pa rin na tutulungan ako ng Diyos sa aking mga paghihirap. Pero nang hindi dumating ang mga pagpapalang inasahan ko, nagpasya akong huwag nang maghintay pa ng Kanyang patnubay.
Ang minsang hindi pagsisimba ay naging tatlo, hanggang sa umabot nang ilang buwan. Humantong ito sa paggawa ko ng maliliit na desisyon na labag sa mga pamantayan ng ebanghelyo, na kalaunan ay naging sunud-sunod na mas malalaking desisyon. Bago ko pa nalaman, limang taon na akong hindi naging aktibo sa Simbahan at noon ko naramdaman na napakalayo ko na sa Diyos.
Sa aking isipan, batid ko na may nagawa akong mga tipan, at may natitira pa rin akong kaunting patotoo. Pero pinalis ko ang mga ideyang iyon dahil hindi komportableng aminin na hindi ko ipinamumuhay noon ang ebanghelyo.
Kalaunan, hindi na ako nakatiis, at nakaranas ako ng espirituwal na pagkagutom. Nalaman ko na kailangan kong bumalik sa Diyos—walang ibang nagbibigay sa akin ng tunay na kaligayahan o katuparan. Gayunman, tila napakahirap magsimulang bumalik sa Kanya. Ginusto kong balikan ang pag-uugali ko noong limang taon na ang nakalilipas, na isang tao na may napakalakas na pananampalataya, pero naguguluhan ako.
Inisip ko kung may daan pa ba pabalik.
Ang Landas Pabalik
Sa wakas, lakas-loob akong kumilos. Parang napakahirap tahaking mag-isa ang landas pabalik, pero naalala ko na hindi ako nag-iisa. Sabi nga sa Deuteronomio 31:6, “Kayo’y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot, ni masindak sa kanila … sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay humahayong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan.”
Nang magpasiya akong bumaling na muli kay Jesucristo, patuloy akong ginabayan ng mga himala pabalik sa landas ng tipan. Dahil sa mga tipang ginagawa natin sa Diyos, kung pipiliin nating bumalik sa Kanya at magsisi nang taos-puso, igagalang Niya at paninibaguhin ang mga tipang iyon sa atin.
Ang aking maliliit pero sadyang pagsisisi ay nakatulong sa akin na magkaroon ng panibagong lakas sa pamamagitan ni Jesucristo. At sa pag-aaral ng mga salita sa aking patriarchal blessing, pagdarasal sa aking Ama sa Langit, at paggawa ng mga simpleng bagay na iyon na mas naglalapit sa atin kay Cristo, nagkaroon ako ng tiwala na binabago ako ng Tagapagligtas para maging mas mabuti.
Tulad ng ibinahagi kamakailan ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Habang tumatahak kayo sa landas ng tipan, mula sa binyag hanggang sa templo at habambuhay, ipinapangako ko sa inyo ang kapangyarihang salungatin ang likas na daloy ng kamunduhan—kapangyarihang matuto, kapangyarihang magsisi at mapabanal, at kapangyarihang makasumpong ng pag-asa, kapanatagan, at maging ng kagalakan kapag may mga hamon kayo sa buhay.”
Bilang isang taong napalayo sa landas ng tipan at kalaunan ay bumalik, mapapatotohanan ko na ito ay totoo.
Kung pakiramdam ninyo ay napakalayo na ninyo sa ebanghelyo para bumalik, hindi iyan totoo! Naligaw rin ako, pero kapag nanatili kayong nakatuon kay Jesucristo, gagabayan Niya kayo.
Kailangan lang ninyong magtiwala sa Kanya.