Digital Lamang
3 Alituntunin para sa Pagkakaroon ng Pagkakaisa sa Inyong Ward o Branch
Inutusan tayo ng Tagapagligtas na makiisa sa bawat isa, ngunit paano natin gagawin iyan?
Tumingin ka na ba sa paligid ng inyong ward o branch at napansin mo ang iba’t ibang talento, pinagmulan, at interes? Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga kongregasyon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kakaiba dahil ang kanilang mga hangganan ay ayon sa heograpiya. Sabi niya: “Hindi tayo pumipili ng isang kongregasyon batay sa kung sino ang gusto o nais nating makasama. Ang mga ward ay pinipili para sa atin … , at natututo tayong makisama, maglingkod, at magmahal sa mga taong maaaring iba ang pinagmulan, kagustuhan, at opinyon.” Madalas ay pinalalakas tayo ng mga pagkakaibang ito.
Inutusan tayo ng Tagapagligtas na “maging isa” (Doktrina at mga Tipan 38:27), sa kabila ng lahat ng ating pagkakaiba. Kaya paano “maging isa” sa ating mga ward at branch? Narito ang tatlong alituntunin na tutulong sa atin na magsikap tungo sa higit na pagkakaisa.
Maging Isa kay Cristo sa Pamamagitan ng mga Tipan
Matapos magpakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga Nephita, namuhay sila nang payapa at magkasundo sa loob ng 200 taon. Walang krimen, gumawa ng mga himala ang mga tao, at “wala nang mas maliligayang tao pa” kaysa sa kanila (4 Nephi 1:16). Paano makakamit ng sinuman ang gayon kaayos na lipunan? Sinabi sa mga banal na kasulatan na “hindi nagkaroon ng alitan sa lupain, dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa [puso ng mga] tao” (4 Nephi 1:15).
Kung nagsisikap kang magkaroon ng higit na pakikipagkaisa sa mga tao sa paligid mo, ang isang magandang paraan para makapagsimula ay sa pagsusuri sa iyong relasyon sa Diyos. Ipinayo ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Pinagkakaisa tayo ng ating pagmamahal at pananampalataya kay Jesucristo at bilang mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Ang diwa ng tunay na pagiging kabilang ay ang maging kaisa ni Cristo.”
Paano tayo magkakaroon ng pakikipagkaisa sa Diyos? Sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ligtas tayong nakaugnay sa Tagapagligtas kapag marapat nating tinanggap ang mga ordenansa at pumasok [tayo] sa mga tipan, tapat nating inalala at iginalang ang mga sagradong pangakong iyon, at ginawa natin ang lahat para mamuhay alinsunod sa mga obligasyong tinanggap natin.” Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay isa sa mga unang hakbang para maging isa sa Diyos at sa ating kapwa.
Magtuon sa mga Walang-Hanggang Identidad
Sa Aklat ni Mormon, tinutukoy ang iba’t ibang grupo ng mga tao sa iba’t ibang pangalan, kabilang na ang mga Nephita, Lamanita, Zoramita, Ismaelita, Ammonita, at iba pa. Gayunman, matapos ang ministeryo ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga tao, walang “uri ng mga ‘ita’; kundi sila ay iisa, ang mga anak ni Cristo” (4 Nephi 1:17).
Dapat tayong mag-ingat na huwag lumikha ng mga bansag o pagkakahati sa atin. Pinayuhan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na huwag kalimutan ang ating mga pinakamahalagang pagkakakilanlan: “Hindi ko sinasabi na hindi mahalaga ang iba pang mga titulo at pantukoy. Ang sinasabi ko lang ay walang pantukoy na dapat makapag-alis, pumalit, o bigyan ng prayoridad kaysa sa tatlong nagtatagal na titulong ito: ‘anak ng Diyos,’ ‘anak ng tipan,’ at ‘disipulo ni Jesucristo.’”
Ipinakita ni Jesus ang halimbawa ng hindi pagtingin sa mga bansag o pagkakahati nang turuan Niya ang Samaritana sa may balon. Pinatotohanan Niya rito ang Kanyang kabanalan, at naituro nito sa iba ang tungkol sa Kanya (tingnan sa Juan 4:9–29). Kapag nagsikap tayong ituring ang ating sarili at ang ating kapwa bilang mga anak ng Diyos, na pawang bahagi ng iisang pamilya, maaaring bigyang-daan ng mga pagkakaiba-iba ang pagmamahal at pagkakaisa.
Tanggapin ang Iyong Natatanging Papel na Gagampanan
Ang paghahambing ng ating sarili sa iba ay maaaring makapigil sa atin na maging isa sa kanila. Ang magandang balita para sa ating lahat ay na ginagamit ng Diyos ang lahat ng klase ng talento at personalidad para itayo ang Kanyang kaharian.
Nang sumulat si Pablo sa mga Banal sa Corinto, inihalintulad niya ang Simbahan ni Cristo sa isang katawan (tingnan sa 1 Corinto 12:12–17). Sinabi niya sa kanila na bawat bahagi ng katawan ay gumaganap ng isang mahalagang papel para gumana nang maayos ang katawan, kahit natatangi ang bawat bahagi. Tanong niya, “Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig?” (1 Corinto 12:17).
Gayundin, bawat isa sa atin ay may mahalagang papel na gagampanan—na malamang na naiiba sa papel ng ating kapwa. Sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Maaaring madama ninyo na may ibang higit na may kakayahan o karanasan na makagaganap ng inyong katungkulan at tungkulin kaysa sa inyo, ngunit ibinigay sa inyo ng Panginoon ang responsibilidad na ito nang may dahilan. Maaaring may mga tao at pusong kayo lamang ang makaaantig.” Kapag tinanggap at ginampanan natin ang ating natatanging mga papel na gagampanan, maaaring magkaisa at gumana ang ating mga ward, branch, at pamilya tulad ng isang malusog na katawan.
Isang Komunidad ng Sion
Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon ay maaaring maging incubator para sa komunidad ng Sion. Kapag tayo ay sama-samang sumasamba, naglilingkod, nagsasaya, at natututo tungkol sa Kanyang pag-ibig, inaangkla natin ang isa’t isa sa Kanyang ebanghelyo.” Pagpapalain kayo ng Panginoon kapag sinikap ninyong sundin ang Kanyang mga utos at maging isa sa Kanya—at maaari ninyong makita na mas marami kayong pagkakatulad sa mga miyembro ng inyong ward at branch kaysa inaakala ninyo!