Lingguhang YA
Maaaring Baguhin ng mga Tipan ang Ating mga Relasyon
Oktubre 2024


Mga Young Adult

Maaaring Baguhin ang Ating mga Relasyon ng mgaTipan

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang mga tipan ay makapagbibigay sa atin ng lakas na mahalin ang ating sarili, paglingkuran ang iba, at makabalik sa ating Ama sa Langit at Tagapagligtas.

Boston Massachusetts Temple

Larawan ng Boston Massachusetts Temple na kuha ni Christina Smith

Noong bata pa ako, ipinagmalaki ko na kaya kong ipaliwanag ang isang mabigat na salita na tulad ng tipan. Tuwing binabanggit ang paksa sa simbahan, buong pagmamalaki kong sinasabing, “Ang tipan ay isang pangako sa pagitan ko at ng Diyos!”

Nang malaki na ako, gumawa ako ng mga tipan sa pamamagitan ng binyag at sa templo, at ang kahulugan nito para sa akin ay nanatiling hindi nagbabago. Ang tingin ko sa mga tipan ay isang grupo ng mga panuntunan na kailangan kong sundin, at pagkatapos ay tutuparin ng Diyos ang bahagi Niya sa kasunduan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga ipinangakong pagpapala.

Para sa akin, ang mga tipan ay tila isang bagay na dapat markahan sa listahan ng mga dapat gawin sa buhay. Nakikita ko kung paano naging tungkol sa pagkakaroon ng relasyon sa Ama sa Langit ang iba pang mga gawi sa ebanghelyo, tulad ng panalangin at pag-aayuno, ngunit ang mga tipan ay tila tungkol sa mga panuntunan ng Ama sa Langit.

Lumalabas na naging magandang simula ang pakahulugan ko noong bata pa ako, ngunit kinailangan pa ng ilang pakahulugan para mabago ng mga tipan ang buhay ko sa paraang nilayon ng Diyos.

Pagpuno sa mga Nawawalang Bahagi

Sa mga salitang ito mula kay Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol nagsimula ang unti-unting pagbabago ng pakahulugan ko sa tipan:

“Sa pamamagitan ng banal na tipan, tayo ay napapasa Diyos at sa bawat isa. Ang pagiging kabilang sa tipan ay isang himala. …

“… Ito ay ang hindi pagsuko sa ating sarili, sa bawat isa, o sa Diyos.”1

Mula nang matagpuan ko ang siping iyon, napagtanto ko na may epekto ang mga tipan sa ating buhay araw-araw. Kapag tunay tayong namumuhay ayon sa mga tipang ginawa natin, hindi natin sinusukuan ang ating sarili, ang mga taong nakapaligid sa atin, o ang Diyos. Ipinauunawa sa atin ng ating mga tipan ang totoong likas na katangian ng ating mga relasyon at binibigyan tayo ng lakas na kailangan natin para mapagyaman ang mga ito.

Ang mga tipan ay hindi lamang tungkol sa pagsunod sa mga panuntunan; ang mga ito ay tungkol sa pagpapatibay ng mga relasyon!2

Tingnan natin ang tatlong mahahalagang relasyon sa ating buhay at kung paano mababago ng ating mga tipan ang mga ito: ang relasyon natin sa ating sarili, sa iba, at sa ating Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.

Pagkilala sa Ating Walang-Hanggang Identidad

Sabik ang lahat na magkaroon ng identidad. Noong nasa high school pa ako, ibinatay ko ang malaking bahagi ng aking identidad sa hilig ko sa pagsasayaw. Dahil palagi akong kumukuha ng mga klase sa pagsasayaw at nagtatanghal ako, ang pagiging “mananayaw” ay isang mahalagang bahagi ng aking pagkatao.

Pero nang nakatapos ako sa high school, napalayo ako sa pagsasayaw. Nang mawala ang pagsasayaw, nawalan ako ng sigla sa araw-araw, at nasabik akong madama na bahagi akong muli ng isang grupo. Ilang linggo kong nilabanan ang nakapanghihinang damdamin habang sinisikap kong muling tuklasin kung sino ako at saan ako nabibilang. Itinuro sa akin ng mahirap na karanasang ito na bagama’t panandalian ang ilang identidad, mapagyayaman naman ng iba pa ang ating buhay magpakailanman.

Itinuro ni Elder Gong:

“Inaanyayahan [tayo ng Diyos] nang may walang hanggang pag-ibig na maniwala at mapabilang sa pamamagitan ng tipan.

“… Totoo pa rin ang lumang kabalintunaan. Sa pagkawala ng ating makamundong sarili dahil sa pagiging kabilang sa tipan, nahahanap at nakakamit natin ang pinakamabuting walang hanggan nating sarili—malaya, masigla, tunay.”3

Ang pagiging miyembro ng isang grupo ng mga mananayaw ay isang karanasang makabuluhan at nagbibigay ng aral, ngunit ang labis na pagtutuon sa aking katawagan bilang isang mananayaw ay nakagambala sa aking walang-hanggang identidad.

Ang nakatulong sa akin na muling magtuon sa aking walang-hanggang identidad ay ang pagpapaalala sa sarili ko ng aking mga tipan sa binyag. Sa pagpapasiyang hubugin una sa lahat ang aking identidad na maging disipulo ni Jesucristo, natagpuan ko ang pagiging kabilang na pinanabikan ko.

Napagtanto ko rin na ang paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa Diyos ay tumutulong sa atin na manatiling nakatuon kay Cristo, na tutulong sa atin na maging mahusay sa lahat ng aspeto ng buhay. Naniniwala ako na may malasakit si Cristo sa hilig ko sa pagsasayaw at tinulungan Niya akong magtagumpay sa paggawa niyon; kinailangan ko lang matutuhan na huwag hayaang maging batayan ng aking identidad ang pagsasayaw.

Magkakaiba ang paglalakbay sa buhay ng bawat isa, ngunit ang pagtupad ng mga tipan at pananatili sa landas ng tipan ay magdudulot ng lakas na kailangan nating lahat upang maging pinakamabuti nating sarili.4

Pagpapalalim ng Ating Pagmamahal sa Iba

two women hugging

Ang mga relasyong may pagmamahalan ay isa sa pinakamasasayang bahagi ng buhay, ngunit maaaring mahirap ding buuin at panatilihin ang mga ito. Sa pamamagitan ng ating mga tipan, mas mauunawaan natin kung paano mahalin ang mga tao sa paligid natin. Sabi ni Elder Gong, “Sa paghahayag ng ating tunay at banal na mga sarili sa pamamagitan ng ating mga tipan sa Diyos, natututuhan natin na kilalanin at mahalin ang ating mga kapatid na tulad ng pagmamahal Niya.”5

Mababago ng mga tipan ang ating pananaw tungkol sa mga relasyon sa mundo. Halimbawa, matapos mabinyagan ang isang kaibigan ko sa edad niyang mahigit apatnapung taon, sinabi niya na nagbago ang pagkaunawa niya sa kanyang tungkulin bilang isang ina. Batid na gagabayan siya ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, muli niyang natiyak na matutulungan niya ang kanyang mga anak na madaig ang kani-kanilang mga hamon.

Ang pagiging isang tao na tumutupad sa tipan ay magpapala sa ating mga relasyon sa mundo sa maraming paraan, kabilang na ang mga sumusunod:

  • Kapag naaalala natin ang walang-hanggang katangian ng mga tipan, makasusumpong tayo ng dagdag na pag-asa, lakas, at tiyaga sa mahihirap na relasyon.

  • Habang nagiging mas mahusay tayo sa pagtupad sa mga pangako, magkakaroon tayo ng mas malalim na antas ng pagtitiwala sa isa’t isa.6

  • Ang “[pakikidalamhati] sa mga yaong nagdadalamhati” (Mosias 18:9) ay makakatulong sa ating magkaroon ng damdamin ng pagiging malapit at ng pagmamahal.

  • Kapag kinikilala natin na lahat tayo ay anak ng Ama sa Langit, ang ating puso ay maaaring mapuspos ng pagmamahal kahit para sa mga ganap na estranghero (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10–11).

Ilang halimbawa lamang ang mga iyan. Ngunit nagpapasalamat ako na sa pagtupad natin ng ating mga tipan, mapapahiram tayo ng Ama sa Langit ng lakas na magkaroon ng mga katangian at pananaw na kailangan para sa matatagumpay na relasyon.

Pagpapatatag ng Ating Relasyon sa Diyos at kay Jesucristo

Bagama’t totoo na pareho ang mga salitang ginagamit kapag ang mga indibiduwal ay gumagawa ng ilang tipan (tulad ng binyag at endowment sa templo), may dalawang salitang binigkas nang pumasok ako sa mga tipang ito na nagpaiba sa mga ito: Emily Abel. Dahil sa dalawang salitang iyon, ang mga pangkalahatang tipan ay naging personal kong paanyaya kay Cristo na maging bahagi ng buhay ko. Dahil sa mga tipang iyon, ako ngayon ay nakatali kay Cristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood at “naro’n sa piling Nya,”7 at nakatali Siya ngayon sa akin. Totoo rin ito sa bawat taong gumagawa ng mga tipan.

Sabi ni Dr. Ellie L. Young, associate professor ng clinical psychology and special education sa Brigham Young University: “Ang ibig sabihin ng nakatali kay Cristo ay na kilala natin Siya. Nadarama natin ang Kanyang nakapapanatag na pagmamahal. Nadarama natin ang Kanyang kamay na gumagabay sa ating buhay.”8

Ang ating mga tipan, kahit paano, ay tungkol sa pagkatutong mahalin ang ating Ama sa Langit at ang Tagapagligtas at makilala ang Kanilang tinig (tingnan sa Alma 5:60). At ang ituring ang ating mga tipan bilang bahagi ng isang personal at umuusbong na relasyon sa Kanila ay mahalaga sa pagbalik sa landas ng tipan kapag naliligaw tayo. Kapag nagkamali tayo ng liko habang sinisikap nating tumahak sa landas ng tipan, tinatawag Nila tayo at inaanyayahang bumalik. Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay palaging handang magpatawad kapag taos-puso nating ninanais na mas mapalapit sa Kanila.

Ngayon ay alam ko nang ang pagtupad sa aking mga tipan ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng matatag na relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kahit nakagawa tayo ng malaking kasalanan, ang ating mga tipan ay hindi nawawalan ng bisa magpakailanman kung tayo ay nagsisisi. Inaanyayahan tayo ng ating Ama sa Langit at ng Tagapagligtas na lumapit at simulang ituwid ang ating mga pagkakamali. Tulad ng sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo.”9

Sa isang mundong puno ng pakikipagpaligsahan, nagpapasalamat ako sa mga tipan na nagpapaalala sa akin ng aking walang-hanggang kahalagahan. Sa isang mundong puno ng mga kumplikadong relasyon, nagpapasalamat ako na magagabayan ng mga tipan ang mga pakikipag-ugnayan ko sa iba. At sa isang mundong puno ng mga hamon, nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit at sa Tagapagligtas, na tutulong sa akin na ligtas na makapaglayag pauwi.

Mga Tala

  1. Gerrit W. Gong, “Ang Himala ng Pagiging Kabilang sa Tipan,” Liahona, Peb. 2019, 28–29.

  2. Tingnan sa Gérald Caussé, “Ito ay Tungkol sa mga Tao,” Liahona, Mayo 2018, 111.

  3. Gerrit W. Gong, “Pagiging Kabilang sa Tipan,” Liahona, Nob. 2019, 80.

  4. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Mahalaga Kayo sa Kanya,” Liahona, Nob. 2011, 22.

  5. Gerrit W. Gong, “Ang Himala ng Pagiging Kabilang sa Tipan,” 28.

  6. Tingnan sa Ronald A. Rasband, “Pagtupad sa Ating mga Pangako at Tipan,” Liahona, Nob. 2019, 53–56.

  7. “Ang Pag-ibig ng Ating Tagapagligtas,” Mga Himno, blg. 64.

  8. Ellie L. Young, “The Transformative Power of Covenants” (debosyonal sa Brigham Young University, Hunyo 11, 2019), 2, speeches.byu.edu.

  9. Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Liahona, Mayo 2012, 33.