Lingguhang YA
Hindi Mo ba Nakikita ang Himala ng Ebanghelyo?
Oktubre 2024


“Hindi Mo ba Nakikita ang Himala ng Ebanghelyo?,” Liahona, Okt. 2024.

Mga Young Adult

Hindi Mo ba Nakikita ang Himala ng Ebanghelyo?

Umalis ako sa Simbahan at hindi ko naisip ang bagay na hindi ko nakikita.

May isang bagay ka na bang nabalewala, at hindi mo batid ang pakinabang na idinulot nito sa iyo hanggang sa maglaho ito?

Minsan nang nangyari iyon sa akin—sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Habang lumalaki ako sa Mongolia, kami ng pamilya ko ay mga miyembro ng Simbahan. Pero sa paglipas ng panahon, dumalang nang dumalang ang pagsisimba ng mga magulang ko. Unti-unti ko na ring binalewala ang ebanghelyo.

Hindi ko kailanman sineryoso ang natutuhan ko at kalaunan ay tumigil na ako nang tuluyan sa pagpunta. Hindi ko naisip na mababalewala ko ang ebanghelyo, dahil parang wala naman talagang naging pakinabang iyon sa buhay ko.

isang tupa

Mga larawang-guhit ni David Green

Pagkilala sa Liwanag

Noong young adult ako, nakilala ng ate ko ang ilang missionary. Dumating sila para tanungin kung puwede niyang isalin sa Mongolian ang isang bagay para sa kanila. Mabilis silang nag-usap, at pag-uwi niya, natanto niya kung sino sila.

Ginusto niyang magsimba noong linggong iyon at niyaya niya akong sumama sa kanya.

Ayaw na ayaw ko talaga noong una. Inakala ko na ayos lang ang buhay ko nang wala ang Simbahan! Pero kinumbinsi niya ako na sumama sa kanya kahit minsan lang.

Nang pumasok ako sa sacrament meeting sa unang pagkakataon pagkaraan ng maraming taon, hindi ako gaanong masaya na maparoon. Gayunman, nang tumingin ako sa paligid, nakita ko ang ilang kaibigan na kasabay ko sa paglaki. Ang kanilang liwanag ay kitang-kita sa kanila. Nang pagmasdan ko sila, naalala ko ang maliliit na espirituwal na karanasan ko noong lumalaki ako sa simbahan.

Nagbalikan sa aking alaala ang napakaraming katotohanang nabalewala ko, at bigla akong nakadama ng kahungkagan at kalungkutan. “Hindi ako katulad nila,” naisip ko. “Bakit ko tinalikuran ang lahat ng ito?”

Natanto ko na nagbago na ako sa nakaraang ilang taon. Nadama ko ang kadiliman sa buhay ko na matagal ko nang nababalewala. Pero habang nakaupo ako roon, nakarinig ako ng payapang tinig sa aking isipan na tila nagsasabing, “Maaari ka ring magkaroon ng liwanag ng ebanghelyo sa buhay mo. Hindi pa huli ang lahat.”

Naisip ko ang talinghaga ng nawawalang tupa. Ang isang tupa na ibinalik ng Tagapagligtas sa kawan (tingnan sa Lucas 15:4–7).

Ako ang tupang iyon. At buong pagmamahal akong hinanap ng Tagapagligtas dahil mahal Niya ako na tulad ng iba pa Niyang mga tupa.

Gusto Niya akong bumalik.

Labis akong nagpasalamat sa aking Tagapagligtas. Nang madama ko ang Espiritu sa unang pagkakataon pagkaraan ng maraming taon, nagpasiya akong bumalik sa Simbahan at, sa pagkakataong ito, seryosohin ito.

Pinatotohanan kamakailan ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa sandaling magpasiya kayong bumalik at lumakad sa landas ng ating Tagapagligtas at Manunubos, ang Kanyang kapangyarihan ay papasok sa inyong buhay at [babaguhin] ito [tingnan sa Alma 34:31].”

Nadama ko ang katotohanang iyon at nalaman ko na kung taimtim kong susundin ang ebanghelyo, magbabago ang buhay ko.

isang grupo ng mga tupa

Huwag Lampasan ng Tingin si Jesucristo

Nang simulan kong ipamuhay ang ebanghelyo, muli akong nagkaroon ng layunin sa buhay ko. Sa wakas ay naniwala ako na mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa Kanyang mga anak at na ang ebanghelyo ni Jesucristo ang susi sa pagbalik sa ating tahanan sa langit.

Ito ang lahat-lahat sa akin ngayon.

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Maaari din tayong mapatingin nang lampas sa tanda. Kailangan nating maging maingat upang maiwasan ang pag-uugaling ito at baka makaligtaan natin si Jesucristo sa ating buhay at mabigong makilala ang maraming pagpapalang ibinibigay Niya sa atin. Kailangan natin Siya. …

“Siya ang ating tanda. Kung inaakala natin na may bagay na kailangan tayo na higit pa sa ibinibigay Niya, tinatanggihan o binabawasan natin ang kakayahan at lakas na maibibigay Niya sa ating buhay.”

Matagal nang lampas ang tingin ko sa ibinibigay ni Jesucristo sa akin, at ngayo’y hindi ko maisip na isuko ang kagalakang nadarama ko dahil sa Kanya.

Kung sa pakiramdam mo ay hindi ka marapat, kung nahihirapan ka sa mga tanong na hindi nasasagot, o kung iniisip mo na ang pagiging disipulo ni Cristo ay masyadong mabigat para sa iyo, tingnan nang mas malapitan ang mga himalang ipinapakita sa atin ng ating Tagapagligtas. Alam ko na batid ng Ama sa Langit ang nangyayari sa iyo. Tutulungan ka Niyang patuloy na manampalataya kapag bumaling ka sa Kanya.

Huwag ipagpalit ang pinakadakilang kaloob at himala ng Tagapagligtas sa isang bagay na di-gaanong karapat-dapat. Kayo ang lahat-lahat sa Kanya.

Personal kong nasaksihan kung gaanong tunay na pinagyayaman ng ebanghelyo ni Jesucristo ang buhay ng mga sumusunod sa Kanya.

Patuloy nitong pinagyayaman ang aking buhay.

Ang awtor ay naninirahan sa Ulaanbaatar, Mongolia.