Lingguhang YA
Paano Nagkaroon ng Mas Malalim na Kahulugan ang Aking mga Tipan nang Mamatay si Itay
Oktubre 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Nagkaroon ng Mas Malalim na Kahulugan ang Aking mga Tipan nang Mamatay si Itay

Nang pumanaw ang tatay ko, hindi ko alam kung paano makakabangon ang pamilya ko. Pero nakatulong sa akin ang mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo para makasumpong ng pag-asa at kalinawan.

si Cristo na pinagagaling ang isang lalaking bulag

Noong lumalaki ako sa Thailand, kung minsan pakiramdam ko ay ako ang naiiba bilang isang Kristiyano. Pero kahit iba ang paniniwala ko kaysa karamihan ng mga tao sa paligid ko, hindi ko kailanman ikinahiya o ginustong talikuran ang ebanghelyo ni Jesucristo. Gustung-gusto ko na noon pa man ang mga katotohanang itinuro nito sa akin, at ginawa ko ang lahat para sundin ang mga ito.

Pero nagkaroon ng trahedya sa aking pamilya. At sa unang pagkakataon sa buhay ko, talagang kinailangan kong pumili, umunlad, at kumapit sa pananampalataya sa isa sa mga batong-panulok ng ebanghelyo—ang plano ng kaligtasan ng Diyos.

Pangangailangang Muling Patatagin ang Aking Pananampalataya

Noong 2014, nabuklod kami ng pamilya ko sa Hong Kong Temple. Napakatagal kong hinintay ang araw na ito at sabik na sabik ako. Pero hindi nagtagal matapos naming maranasan ang magandang ordenansang ito, pumanaw ang aking ama nang hindi inaasahan.

Labis akong nagdalamhati. Hindi ko alam kung paano kami makakabangon ng pamilya ko sa pagkawala ng tatay ko. Parang isang buong bahagi namin ang nawala. Paano natin matitiis ang buhay kung wala siya?

Sa malungkot na panahong ito, nang bumaling ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para maalo, natutuhan ko kung paano palalimin ang aking patotoo tungkol sa plano ng kaligtasan at mga walang-hanggang pamilya.

Noon pa ako naturuan at naniwala na ang mga pamilya ay maaaring magkasama-sama magpakailanman. Pero talagang niyanig ng pagharap sa mahirap na pagkawala ang bahaging ito ng aking patotoo. Ginusto at kinailangan kong malaman na makikita kong muli si Itay balang araw. Sinimulan kong pag-aralan ang iba pa tungkol sa doktrina ng mga walang-hanggang pamilya.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan:

“Sa pamamagitan ng mga tipan ng pagbubuklod sa templo, matatanggap natin ang katiyakan ng mapagmahal na mga ugnayan ng pamilya na magpapatuloy sa kabilang-buhay at magtatagal hanggang sa kawalang-hanggan. …

Lahat tayo ay tiyak na daranas ng mga pagsubok, hamon, at kabiguan. … Gayunman, kapag dumadalo tayo sa templo at isinasaisip ang ating mga tipan, makapaghahanda tayo sa pagtanggap ng personal na patnubay mula sa Panginoon.”

At totoo iyan! Nang mahirapan akong madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa buhay ko noong namatay ang tatay ko, nakatulong sa akin ang pag-aaral ng nakapapanatag na tipan at pagpapalang ito na makitang muli ang maliliit na pahiwatig ng Kanilang pagmamahal at liwanag.

Ibinibigkis tayo ng Ating mga Tipan sa Kanya at sa Bawat Isa

Lalo pang naging makabuluhan sa akin ang pagbubuklod namin sa templo nang pumanaw ang tatay ko. At natanto ko na lahat ng tipan na inaanyayahan tayo ng Ama sa Langit na gawin at tuparin ay magagandang pribilehiyo para sa atin.

Ang mga tipan ay hindi lamang mga simpleng pangako—ang mga ito ang susi sa pagtulong sa atin na anyayahan ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay. Pinapayagan tayo ng mga ito na patuloy na sumulong at umasa, sa kabila ng dalamhati at mga hamon ng buhay. Dahil mas madali kong matamo ang kapangyarihan ni Jesucristo na magpagaling, makakaya kong magtiis hanggang wakas nang may kagalakan, batid na makikita kong muli ang tatay ko.

Tulad ng pangako ni Pangulong Eyring, “Anuman ang mangyari, magiging maayos ang lahat dahil sa mga tipan sa templo.”

Lubos akong nagpapasalamat sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa patuloy na pag-asa at kapayapaang hatid nito, lalo na kapag kailangan ko ng kapayapaan sa mga panahon ng kawalang-katiyakan at pagkawala. Nagdadalamhati pa rin ako, pero pinasisigla ako ng aking mga tipan at tinutulungang magpatuloy nang may pag-asa.

Hinihikayat ko kayong pagnilayan ang kahalagahan ng mga tipang ginawa ninyo at kung paano kayo inuugnay ng mga ito sa Ama sa Langit at kay Jesucristo araw-araw. Alam ko na tulad ng Tagapagligtas na kasama ko sa pagtahak sa landas ng tipan, sasamahan din Niya kayo kapag bumaling kayo sa Kanya.