Children

Aktibidad: Pagkakaroon at Pagpapanatili ng Pagkakaibigan

08/12/20 | 1 min basahin

Layunin

Tulungan ang mga bata na maunawaan ang ibig sabihin ng maging kaibigang katulad ni Cristo at kung paano bumuo ng pagkakaibigan.

Iminumungkahing Aktibidad

Simulan ang aktibidad sa isang maikling laro para matulungan ang mga bata na matuklasan ang mga pagkakatulad nila sa ibang mga bata sa grupo.

  • Anyayahan ang mga bata na isulat o idrowing ang ilang bagay tungkol sa kanilang sarili, tulad ng anong grado na nila sa paaralan, ilan ang kanilang mga kapatid, at ano ang mga paborito nilang pagkain, laro, musika, o aktibidad. Sabihin sa kanila na kausapin ang iba pang mga miyembro ng grupo para malaman kung gaano karaming tao ang magkakapareho ang sagot.
  • Pag-usapan kung paano natin maaaring kaibiganin ang mga tao kahit wala tayong maraming pagkakatulad. Kung naaangkop, pag-usapan kung paano tayo maaaring matuto mula sa iba at pahalagahan ang ating mga pagkakaiba.

Maglaro ng isa pang laro na nagpapakita ng isang paraan na maipapakita natin ang pagmamahal sa ating mga kaibigan.

  • Sabihin sa bawat bata na lagyan ng dekorasyon ang isang piraso ng papel at isulat dito ang kanilang pangalan. Pagkatapos ay ilagay ang mga papel sa kahit saang bahagi ng silid. Maglagay ng bolpen o lapis sa tabi ng bawat papel.
  • Magpatugtog ng musika habang lumalakad o tumatakbo ang mga bata sa silid. Pagtigil ng tugtog, patakbuhin sila sa pinakamalapit na papel at magsulat o magdrowing nang maganda tungkol sa taong nakapangalan sa papel. Matapos makapagsulat o makapagdrowing ang mga bata ng maganda tungkol sa ilang kaibigan, itigil ang laro at ibahagi ang mga komento.

Mga Ideya sa Pag-aangkop

  • Ituro sa mga bata ang mga nakatutuwang paraan ng pagbati sa isa’t isa sa simbahan o paaralan, tulad ng isang masayang pagbati o pakikipagkamay. Kapag may nakilala na bagong kaibigan, ituro sa kanila ang masayang pagbati o pakikipagkamay para maramdaman nilang kabilang sila sa grupo.
  • Talakayin ang mga paraan kung paano yayaing maglaro ang iba. Magsadula ng mga sitwasyon na kunwari ay niyayaya ng mga bata ang isang tao na makipaglaro sa kanila o kaya naman ay sila ang bagong kakilala na niyayaya ng grupo.
  • Ideya sa Paglilingkod: Sabihin sa mga bata na tukuyin ang isang tao na kaedad nila na hindi sumasama sa mga aktibidad nang madalas. Pag-usapan ang mga paraan na makakaugnayan ng mga bata sa magiliw na paraan ang batang iyon, tulad ng pagsulat ng maikling liham na may malasakit, pagpapahatid ng pagkain, o personal na pag-imbita sa kanya sa susunod na aktibidad.

Talakayan

Hikayatin ang mga bata na pag-usapan kung paano makatutulong sa kanila at sa iba ang natututuhan nila para maging mas malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaaring gawin ang mga talakayan bago, sa oras, o pagkatapos ng aktibidad at dapat tumagal lamang nang ilang minuto. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Paano naging mabuting kaibigan si Jesus sa iba? Paano natin matutularan ang Kanyang halimbawa?
  • Ano ang ilang paraan na mapaglilingkuran ninyo ang inyong mga kaibigan?
Mga Komento
0