Layunin
Tulungan ang mga bata na matutong makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo.
Iminumungkahing Aktibidad
Gumawa ng isang ligtas at maikling obstacle course gamit ang mga simpleng bagay tulad ng mga mesa at silya. Piringan ang isang bata at anyayahan siyang dumaan sa obstacle course sa pamamagitan ng pakikinig sa mahinang mga tagubilin ng ibang bata o isang matanda na kumakatawan sa paraan kung paano tayo ginagabayan ng Espiritu Santo sa marahan at banayad na tinig. Maaaring kumatawan ang isa o dalawang pang matanda o bata sa mga makamundong tinig na gumagambala o nagliligaw sa batang nakapiring. Hikayatin ang bata na pakinggan ang mahinang tinig ng taong nagbibigay ng tagubilin para matapos niya ang obstacle course. Ulitin ang aktibidad at hayaang magsalitan ang mga bata sa pagdaan sa obstacle course, sa pagiging banayad na tinig, at sa pagiging mga makamundong tinig.
Habang ipinaplano mo ang aktibidad na ito, mangyaring sundin ang payo sa Kabanata 13 ng Hanbuk 2: Pangangasiwa sa Simbahan (2010) at repasuhin ang “Mga Rekomendasyon sa Kaligtasan para sa mga Aktibidad ng Simbahan.” Kapag natapos ng mga bata ang obstacle course, itanong kung paano sila natulungan ng banayad na tinig. Ikumpara ito sa paraan kung paano sila magagabayan ng Espiritu Santo sa kanilang buhay.
Mangyaring iangkop ang mga aktibidad kung kailangan para matiyak na lahat ay makalahok, makabilang, at makatulong.
Mga Ideya sa Pag-aangkop
- Sa halip na gumawa ng obstacle course, magtago ng isang bagay sa silid at anyayahan ang isang bata na hanapin ito sa pamamagitan ng pakikinig sa mga clue mula sa banayad na tinig. Maaari pa ring subukin ng iba pang matatanda o mga bata na gambalain ang bata.
- Kung mayroon man sa grupo ninyo na may problema sa pandinig, isiping gumamit ng mga nakikitang hudyat at panggambala sa halip na mga tinig.
- Para makabagay sa inyong talakayan, punuin ang isang mangkok ng mga clue na naglalarawan kung ano ang pakiramdam ng makasama ang Espiritu at kung ano ang pakiramdam ng hindi makasama ang Espiritu. Bawat bata ay maaaring kumuha ng isang pirasong papel at magpasiya kung inilalarawan nito ang pakiramdam na nariyan ang Espiritu o wala ang Espiritu. Halimbawa:
- Karaniwan ay masaya ka at payapa.
- Galit ka at nalilito.
- Mapagbigay ka at mabait.
- Sakim ka o makasarili.
- Masaya ka kapag nagtatagumpay ang iba.
- Naiinggit ka sa ginagawa at taglay ng iba.
Talakayan
Hikayatin ang mga bata na pag-usapan kung paano nakakatulong sa kanila at sa iba ang natututuhan nila para maging mas malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maidaraos ang mga talakayan bago, sa oras, o pagkatapos ng aktibidad at dapat ay tumagal lamang ito nang ilang minuto. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:
- Ano ang pakiramdam ng marinig ang marahan at banayad na tinig? Lagi ba itong isang tinig? Paano natin ito “naririnig”?
- Ano ang ilang paraan na makakatulong sa inyo ang Espiritu Santo?
- Ano ang mga naranasan ninyo o ng isang taong malapit sa inyo nang madama ninyo na ginagabayan kayo ng Espiritu Santo?
- Anong klaseng mga bagay sa buhay ninyo ang maaaring gumambala o magpahirap sa inyo na madama ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo?