2021
Ang Kapangyarihan ng Pangalan
Oktubre 2021


“Ang Kapangyarihan ng Pangalan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2021.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Ang Kapangyarihan ng Pangalan

Doktrina at mga Tipan 115

Mahalaga ang mga pangalan—lalo na pagdating sa pangalan ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.

Jesucristo

Portrait of Christ, the Savior [Larawan ni Cristo na Tagapagligtas], ni Heinrich Hofmann

Naisip na ba ninyo kung bakit napakahalaga ng pangalan? Isipin ang sarili ninyong pangalan na ibinigay sa inyo noong isilang kayo—isang pangalan na kikilalaning kayo sa habambuhay ninyo. Madalas ang pangalan ninyo ang unang bagay na itinatanong ng isang tao kapag nakikilala niya kayo. At ito ang pinakamadaling paraan para tawagin at tukuyin kayo ng mga kapamilya, kaibigan, at iba pa. Bilang maliliit na bata, marami sa inyo ang nagkaroon din ng pribilehiyong tumanggap ng pangalan at basbas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood.

Sa inyong binyag, nakikipagtipan kayo sa Diyos para ipakita na handa kayong taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Jesucristo. Tuwing tumatanggap kayo ng sakramento, nagpapanibago kayo ng tipan at pangakong iyon na lagi Siyang aalalahanin (tingnan sa Mosias 18:8–9; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79).

Kaya, mahalaga ang mga pangalan. Hindi lamang maiuugnay ng pangalan ang bawat isa sa atin sa ating sariling identidad at indibiduwalidad, kundi maaari din itong maghatid ng kapangyarihan, responsibilidad, at mga pagpapala. Totoo ito lalo na pagdating sa pangalan ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Pinangalanan ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan

Itinuro ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson kung bakit napakahalaga ng pangalan ng Simbahan ng Tagapagligtas. Sinabi niya, “Ito ay utos ng Panginoon. Hindi si Joseph Smith ang nagbigay ng pangalan sa Simbahang ipinanumbalik sa pamamagitan niya; hindi rin si Mormon. Ang Tagapagligtas mismo ang nagsabing, ‘Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw’ [Doktrina at mga Tipan 115:4].”1

Hindi ito ang unang pagkakataon na ibinigay ang tagubilin kung paano papangalanan ang Simbahan ni Jesucristo. Nang magpakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga Nephita matapos silang manalangin sa Ama sa Kanyang pangalan, tinanong Siya ng mga tao kung ano ang dapat nilang itawag sa Kanyang Simbahan. Tumugon ang Tagapagligtas:

“Kaya nga tatawagin ninyo ang simbahan sa aking pangalan. …

“At paano ito magiging simbahan ko maliban kung ito ay tinatawag sa aking pangalan? Sapagkat kung ang isang simbahan ay tinatawag sa pangalan ni Moises, kung gayon iyon ay simbahan ni Moises; o kung iyon ay tatawagin sa pangalan ng isang tao kung gayon iyon ay simbahan ng isang tao; ngunit kung ito ay tinatawag sa aking pangalan kung gayon ito ay aking simbahan, kung mangyayari na ang mga ito ay nakatayo sa aking ebanghelyo” (3 Nephi 27:7–8).

Sa mga kadahilanang ito, ipinahayag ni Pangulong Nelson, “Ang pangalan ng Simbahan ay hindi pinag-uusapan. Kapag malinaw na ipinapahayag ng Tagapagligtas ang dapat ipangalan sa Kanyang Simbahan, at inuunahan pa Niya ng pahayag na, ‘Sa ganito tatawagin ang aking simbahan,’ seryoso Siya.”2

Si Jesucristo kasama ang mga Nephita

The Bible and Book of Mormon Testify of Christ [Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay Nagpapatotoo kay Cristo], ni Greg Olsen

Ipinapangako ni Pangulong Nelson na kung gagawin natin ang lahat para ipanumbalik ang tamang pangalan ng Simbahan ng Tagapagligtas, “ibubuhos Niya na nagmamay-ari ng Simbahang ito ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw, sa mga paraang hindi pa natin nakita kailanman.”3

Matutulungan Natin ang Iba na Malaman ang Ating Pinaniniwalaan

Ang isa sa mga pagpapala ng paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan ay dumarating kapag sineseryoso natin ang ating responsibilidad na ipahayag ang pangalan ng Tagapagligtas sa buong mundo.

Sa paglipas ng mga taon, ang mga palayaw na tulad ng “LDS Church” at “Simbahang Mormon” ay ginamit bilang kapalit ng pangalang inihayag ng Tagapagligtas. Ang problema sa mga palayaw na katulad nito ay tinatanggal ng mga ito ang pangalan ni Jesucristo mula sa Kanyang Simbahan. Sa paggawa nito, nagiging hindi tama ang pagkatawan ng mga ito sa kung sino tayo at kung ano ang ating pinaniniwalaan.

Naniniwala tayo na si Jesucristo ang Tagapagligtas at Manunubos ng mundo. Sa kasamaang-palad, iniisip ng ilang tao na hindi tayo naniniwala sa Kanya o hindi Siya ang sinasamba natin kundi ang ibang tao. Sa pagbabahagi sa iba nang madalas hangga’t maaari na kabilang tayo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng Banal sa mga Huling Araw, nililinaw natin na sinasamba natin si Jesucristo. Magsisimulang makita ng mga nakakaugnayan natin na talagang si Jesucristo ang sentro sa ating mga paniniwala at ng ating buhay.

Madadala Natin ang Kapangyarihan ni Jesucristo sa Ating Buhay

Itinuro ni Pangulong Nelson: “Inutusan tayo ni Jesucristo na tawagin ang Simbahan sa Kanyang pangalan dahil Kanya ang Simbahang ito, puspos ng Kanyang kapangyarihan.”4

Si Jesucristo ay namuhay nang walang kasalanan. Dinaig Niya ang lahat ng tukso, pasakit, hamon, at paghihirap ng mundo. Nagbuhos Siya ng mga patak ng dugo sa Getsemani at sa krus nang dumanas Siya ng napakatinding sakit na hindi kayang mailarawan. Pinasan Niya sa Kanyang sarili ang lahat ng ating mga pasakit at karamdaman. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, handa Siyang tulungan ang bawat isa sa atin. Kapag nanampalataya tayo sa Kanya at lumalapit sa Kanya, tayo ay “[pinagpapala na] magkaroon ng ibayong kapangyarihan na harapin ang mga tukso, paghihirap, at kahinaan.”5

mga kabataang nag-uusap-usap

Kapag malinaw nating sinasabi na tayo ay mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kinikilala din natin na Siya ang may kapangyarihang magpalakas sa atin, magpagaan ng ating mga pasanin, at maghatid ng kagalakan at kapayapaan sa ating buhay. Bukod pa riyan, pinangakuan din tayo na magkakaroon tayo ng “kaalaman at kapangyarihan ng Diyos para tulungan tayong dalhin ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.”6

Mas Marami pang mga Pagpapala ang Darating

Mga kaibigan ko, isipin ang epekto sa atin ng simpleng paggamit lamang ng buong pangalan ng Simbahan ng Tagapagligtas. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang namumuno sa Kanyang Simbahan at pinamamahalaan ito sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Inaanyayahan ko kayong hangarin ang mga pagpapala ng Simbahan ng Tagapagligtas at ibahagi ang walang-katumbas na mga katotohanan nito sa iba. Alam ko na ang Kanyang Simbahan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay magpapala sa inyo, sa inyong mga kaibigan, at sa inyong pamilya ngayon at sa kawalang-hanggan.