2021
Mula sa Missionary Referral tungo sa Himala
Oktubre 2021


“Mula sa Missionary Referral tungo sa Himala,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2021.

Mula sa Missionary Referral tungo sa Himala

Magmahal. Magbahagi. Mag-anyaya. At ngayon, mas madali na ito kaysa rati.

Nagkaroon ka na ba ng lakas ng loob na ibahagi ang iyong patotoo sa isang tao? Nakatanggap ka siguro ng isang impresyon na kailangang marinig ng isang kamag-anak o kaibigan ang ebanghelyo.

Ang pamumuhay ng ebanghelyo ay nagbibigay-liwanag sa ating kalooban, at hinihiling sa atin ni Jesucristo na ibahagi ang liwanag na iyon sa sanlibutan (tingnan sa Mateo 5:16). Kapag ginawa natin ito, maaari tayong makahanap ng isang taong handang matuto mula sa mga missionary. Kung gayon, may isang feature sa Member Tools app ng Simbahan na makatutulong sa mga missionary na kumonekta sa taong ito. Ipinapakita ng mga kuwento sa ibaba kung paano ginamit ng mga tao ang feature na ito—at kung paano nito mapagpapala ang mga inaanyayahan mong makipag-usap sa mga missionary.

Sinagot ni Jason ang Isang Panalangin

mga missionary at binatilyo

Mga paglalarawan ni Michael Mullan

Kamakailan lang, bumisita si Jason sa San Diego, California, USA, para magpagamot sa kanser. Kahit mahirap para sa kanya, sinabi ni Jason, “Noong umaga ng paglipad ko ay ipinagdasal kong magkaroon ng pagkakataong magbahagi ng ebanghelyo sa isang taong handa na.”

Sumakay siya ng taxi siya patungong airport at nagsimulang kausapin ang drayber na si Robert. Hindi nagtagal, ipinahayag ni Jason ang kanyang pananampalataya sa Diyos at ibinahagi na isa siyang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. “Natuwa si Robert at sinabi niya sa akin na nakita na niya ang templo natin malapit sa freeway,” sabi ni Jason. “Nanalangin siya at hiniling niyang malaman ang iba pa tungkol sa ating mga paniniwala. Sinabi ko sa kanya na nasagot na ang kanyang panalangin.”

Nag-alok si Jason na ipakilala si Robert sa mga missionary, at agad siyang pumayag. Ginamit ni Jason ang feature na “Magpadala ng Referral” sa Member Tools app para ipadala ang impormasyon tungkol kay Robert. Makalipas ang ilang buwan, nakatanggap si Jason ng isang mensahe mula sa mga missionary sa San Diego. “Ipinaalam nila sa akin na nabinyagan si Robert isang araw bago iyon. Ang galing!”

Naghatid ng Kapanatagan si Karen

mga kabataang babaeng tumatawag sa telepono, at mga missionary

Mahigit 1,200 milya ang layo ng bahay ni Karen sa bahay ng kanyang pinsang si Amy. Alam ni Karen na kailangan ni Amy ng kapanatagan, at bagama‘t hindi siya maaaring pumaroon, maaaring pumaroon ang mga missionary sa bayang sinilangan ni Amy! Ginamit ni Karen ang referral tool para sabihin sa mga missionary sa Salt Lake City, Utah, USA, ang tungkol kay Amy. “Tinawagan nila ako, at ipinaliwanag ko ang pagpapalaki kay Amy, kasalukuyang sitwasyon niya, at ang pakiramdam niya na galit ang Diyos sa kanya,” sabi ni Karen.

Hindi nagtagal, tinawagan ng mga sister missionary si Amy. Habang kausap siya sa telepono, ipinagdasal nila siya. Nang gabing iyon, habang humihikbi, tinawagan ni Amy si Karen para magkuwento sa kanya tungkol sa mga missionary na nagdasal para sa kanya. “Labis siyang inantig ng kanilang kabaitan,” sabi ni Amy.

Kahit hindi pa nagsisimba si Amy, nagsimula na siyang magdasal araw-araw sa Ama sa Langit. Hindi alam ni Karen kung ano ang hinaharap, pero sabi niya, “Mas napapalapit na si Amy kay Cristo.”

Ibinahagi ni Eduarda ang Kanyang Liwanag

mga kabataang lalaki sa bangko

“Noong una, hindi ko alam kung paano ibahagi ang ebanghelyo sa iba o kung paano ipakikilala ang mga missionary sa mga kaibigan ko,” paliwanag ni Eduarda. Si Eduarda ay taga-Brazil at, kahit hindi siya napaliligiran ng maraming miyembro ng Simbahan, alam niya na “laging naghahanda ng paraan ang Panginoon para malaman ng Kanyang mga anak ang katotohanan.”

Ibinahagi ni Eduarda ang isang video ng Simbahan sa isang kaibigan, na gustung-gusto ang napanood niya. Nang maging mas interesado sa Simbahan ang kanyang kaibigan, inanyayahan siya ni Eduarda na makipag-usap sa mga missionary at ginamit ang missionary referral feature sa website ng Simbahan. Nagdagdag ng komento si Eduarda na nagsasabing gusto niyang sumali sa pag-aaral ng ebanghelyo ng kanyang kaibigan. Masayang pumayag ang mga missionary. Nakibahagi pa nga si Eduarda sa binyag.

Sabi ni Eduarda, nadama niya ang pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak sa sandaling iyon. Ipinaliwanag din niya, “Lahat tayo ay may isang tao na nakakikita ng Liwanag ni Cristo sa atin. Kailangan lang natin silang anyayahang makita kung ano ang liwanag na iyon!”

Paanyaya sa Lahat

Sa susunod na magkaroon ka ng impresyon na maaaring makinabang ang isang tao sa pakikinig sa mga missionary, huwag mag-atubiling gamitin ang tool na ito para maikonekta ang mga kaibigan mo sa mga missionary. Matutuwa ang mga missionary na anyayahan kang makibahagi habang nakikipag-usap sa kanila ang mga kaibigan mo. At malay mo? Maaari mo pa ngang masaksihan ang isang himala habang nangyayari ito.