“Isang Pamantayan para sa Iyong Buhay,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2021.
Isang Pamantayan para sa Iyong Buhay
Hayaang maging isang gabay at kompas ang tema ng Young Women para sa buong buhay mo.
Ang tema ng Young Women ay isang paalala tungkol sa iyong identidad at layunin. May napakalaking lakas na dumarating kapag inilalarawan ng mga salitang tulad ng “minamahal na anak na babae,” “disipulo ni Jesucristo,” at “saksi ng Diyos” kung sino talaga tayo. Ang mga pariralang ito ay pumupuspos sa atin ng pagmamahal at nagbibigay sa atin ng tiwala sa kakayahan nating harapin ang mga hamon at magalak. Gayundin, ang mga pangako ng “walang hanggang tadhana,” “personal na paghahayag,” at “kadakilaan” ay nagpapaalala sa atin na ang ating buhay ay may kabuluhan at layuning higit pa sa isang mahirap na araw. Kapag binibigkas mo ang temang ito, ipinapahayag mo ang kahulugan ng pagiging anak na babae ng mga magulang sa langit, na inihahanda ang iyong sarili at ang mundo para sa pagbabalik ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Dito ay ibinabahagi ng ilang kabataang babae mula sa iba‘t ibang panig ng mundo ang kahulugan ng tema sa kanila.
“Gustung-gusto ko kung paano nagsisimula ang bawat pahayag sa ‘Ako.’ Ang paggamit ng salitang ito ay nagpapaalala sa akin na ang aking patotoo ay aking patotoo at dapat na ako ang mas magsikap upang maging katulad ng aking Tagapagligtas.”
Caroline F., 15, Virginia, USA
“Ang isang bagay na napakalinaw na itinuturo sa atin ng tema ay kung gaano tayo kamahal ng ating mga magulang sa langit. Isinugo tayo ng ating Ama sa Langit sa lupa pero hindi niya tayo iniwang mag-isa. Bawat isa sa atin ay may kamangha-manghang potensyal, at dahil mahal na mahal tayo ng Diyos, gumawa Siya ng plano para maabot natin ang potensyal na iyon. Nakapapanatag talagang malaman na kahit sa pinakamahihirap na araw ay pinasisigla tayo ng ating mga magulang sa langit.”
Rebecca S., 16, at Megan S., 14, Texas, USA
“Espesyal talaga sa akin ang tema ng Young Women dahil ipinapaalala nito sa akin na laging maging isang missionary saanman ako naroon at saanman ako magpunta: sa paaralan o sa simbahan o sa bahay.”
Quincy E., Connecticut, USA
“Ang tema ay nagpapaalala sa akin na kailangan kong maghanap ng mga pagkakataong maging mas mabuting tao. Kung minsa’y nayayamot ako kapag hindi ko nagagawa ang isang bagay na alam kong dapat kong gawin. Pero kapag nagkukulang ako, alam ko na may pagkakataon din akong maging mas mabuti. Ang kaloob na pagsisi marahil ang pinakamagandang bagay sa mundo.”
Anastasiya S., 12, Moscow, Russia
“Mahirap maging miyembro ng Simbahan sa panahong ito. Kung minsa‘y natatakot tayong maituro at masabihan na kakaiba tayo. Pero ipinapaalala sa akin ng tema na sinisikap kong tularan si Jesucristo. Tinutulutan ako ng tema na kalimutan ang maaaring sabihin ng iba at manatiling nakatuon sa talagang gusto ko.”
Zoe V., 16, Argentina
“Ang pangungusap na ‘Habang sinisikap ko na maging karapat-dapat para sa kadakilaan, aking pinahahalagahan ang kaloob na pagsisisi at sinisikap na magpakabuti sa bawat araw’ ay nagpapaalala sa akin na ang pagsisisi ay hindi isang negatibong bagay. Ito ay isang magandang pagkakataong panibaguhin ang ating sarili at umayon sa Diyos. Labis akong nagpapasalamat para sa kapayapaan at kagalakang dulot ng pagsisisi!”
Hailey, S. 17, Arizona, USA
“Ang pagsunod sa tema ay tumutulong sa akin na maging pinakamahusay na bersyon ng aking sarili.”
Eav N., 11, Utah, USA
“Ipinaaalam sa akin ng tema na ako ay anak ng mga magulang sa langit. Ang kaalamang ito ay tumutulong sa akin na hindi madama na nag-iisa ako sa mga oras ng problema. Kapag nahihirapan akong makamit ang aking mga mithiin, iniisip ko ang aking likas na kabanalan at walang-hanggang tadhana. Hinihikayat ako nitong maging matatag at huwag sumuko.”
Liza B., 12, Kyiv, Ukraine
“Ang tema ng Young Women ay espesyal sa akin dahil ipinauunawa nito sa akin ang aking kahalagahan bilang isang dalagita at bilang isang anak ng Diyos. Itinatangi ko ang bawat linya nito. Ipinaaalam nito sa akin ang mga bagay na dapat kong gawin para mas mapalapit sa Kanya. Tinutulungan din ako nitong matuklasan ang layunin ko sa buhay.”
Sariah D., 14, St. Catherine, Jamaica