2021
Paano Makahanap ng Tulong sa Iyong Pinakamabibigat na Pagsubok
Oktubre 2021


“Paano Makahanap ng Tulong sa Iyong Pinakamabibigat na Pagsubok,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2021.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Paano Makahanap ng Tulong sa Iyong Pinakamabibigat na Pagsubok

Doktrina at mga Tipan 121122

Kahit sa isa sa pinakanakalulunos na mga karanasan sa kanyang buhay, nakahanap ng pag-asa, tulong, at paggaling si Propetang Joseph Smith.

binatilyo

“O Diyos, nasaan kayo?”

Talagang masama siguro ang sitwasyon para magtanong ang isang tao ng desperadong tanong na tulad niyon. Para kay Propetang Joseph Smith, na nagdurusa sa Liberty Jail sa Missouri, USA, talagang masama ang sitwasyon.

Ang taon ay 1839. Nasa bilangguan na si Joseph at ang kanyang mga kaibigan—dahil sa mga maling paratang—nang mahigit apat na buwan. Iyon ang pinakamaginaw na taglamig na naitala, at halos wala silang anumang gamit para hindi sila ginawin. Itinaboy na ng mararahas na mandurumog ang kanyang pamilya, kanyang mga kaibigan, at iba pa sa Simbahan palabas ng lalawigan. Halos walang kontak si Joseph sa kanila. Isa iyon sa pinakamahihirap na panahon sa buhay ni Joseph.

Isang Liwanag sa Kadiliman

Minsan, nagtanong si Joseph mula sa kailaliman ng madilim na bilangguang ito, “O Diyos, nasaan kayo? At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar? Hanggang kailan pipigilan ang inyong kamay, at ang inyong mga mata, oo ang inyong dalisay na mata, ay mamasdan mula sa walang hanggang kalangitan ang mga kaapihan ng inyong mga tao at ng inyong mga tagapaglingkod, at marinig ng inyong mga tainga ang kanilang mga iyak?” (Doktrina at mga Tipan 121:1–2).

Kahit sa buhay na puno ng mga pagsubok, may isang bagay tungkol sa Liberty Jail na tila nagpahina kay Joseph Smith nang higit kaysa sa halos iba pang paghihirap.

Gayunman, sa pinakamalalang sitwasyon, may nangyari sa malamig na seldang iyon na nagbigay sa kanila ng kaunting pag-asa. Tumanggap si Joseph at ang iba pang mga bilanggo ng ilang di-inaasahang liham mula sa mga kaibigan at pamilya—at nabawasan ang kadiliman ng karanasang iyon.

Ang Kapangyarihan ng Pagkakaibigan

Tungkol sa okasyong iyon, sinabi ni Joseph Smith, “Nakatanggap kami ng ilang liham kagabi … na pawang naghatid ng mabait at nakapapanatag na mga salita. … Nang basahin namin ang mga liham na iyon pinaginhawa ng mga iyon ang aming kaluluwa na katulad ng banayad na hangin.”1

sulat-kamay na liham

Noong Marso 7, 1839, sinulatan ni Emma Smith ang kanyang asawang si Joseph, na nakabilanggo sa Liberty Jail.

Syempre pa, hindi pinainit ng mga liham na iyon ang bilangguan. Hindi nito pinabait ang mga bantay, ni hindi nito pinasarap ang pagkain. Ngunit ang mga liham ang nakagawa ng malaking kaibhan sa damdamin ng mga bilanggo. Ang simpleng pagpapakitang iyon ng suporta mula sa mga kaibigan at pamilya ay tumulong na baguhin si Joseph mula sa pag-iisip kung nasaan ang Diyos tungo sa pagkarinig sa nakapapanatag na mga salita ng Tagapagligtas, “Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa” (Doktrina at mga Tipan 121:1, 7).

Ibinigay ni Joseph Smith ang pananaw na ito: “Yaong mga hindi pa nabibilanggo nang walang dahilan at pag-uudyok ay maaaring walang gaanong ideya kung gaano katamis ang tinig ng isang kaibigan. Isang tanda ng pagkakaibigan mula sa anumang pinagmulan ay pumupukaw at nagpapakilos sa bawat damdamin ng pagdamay.”2

Malamang ay may kilala kang isang taong nahihirapan. Maaaring hindi mo iniisip na mayroon kang maitutulong, ngunit iba ang itinuturo ng karanasan ni Joseph sa Liberty Jail. Maaaring magkaroon ng epekto ang iyong mga salita sa iyong mga minamahal tulad ng naging epekto ng mga liham kay Joseph. Maaari kang magpadala ng isang liham o text, tumawag sa telepono, o personal na dumalaw.

Sino ang kailangang makarinig mula sa iyo ngayon? Isulat ang ilang ideya kung ano ang maaari mong sabihin:

Abot-kamay ang Paghahayag

Ang isa pang katotohanang matututuhan natin mula sa Liberty Jail ay na, tulad ni Joseph, makatatanggap ka ng kapanatagan at paghahayag mula sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas kahit pa may pinagdaraanan kang napakahirap.

Minsa’y nagsalita si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa Liberty Jail at itinuro niya: “Kapag kinakailangan ninyo, maaari kayong magkaroon ng sagrado, naghahayag, at malalim na karanasan sa pagkatuto mula sa Panginoon sa anumang sitwasyong kinalalagyan ninyo. Sa katunayan, hayaan ninyong sabihin ko iyan nang mas mariin: Maaari kayong magkaroon ng sagrado, naghahayag, at malalim na karanasan sa pagkatuto mula sa Panginoon sa pinakanakalulunos na mga karanasan ninyo sa buhay—sa pinakamalalang mga sitwasyon, habang tinitiis ang pinakamasasakit na kawalang-katarungan, habang hinaharap ang pinakamabibigat na problema at oposisyong naranasan ninyo.”3

Habang pinagdaraanan ang sarili mong apoy ng mangdadalisay o mga gabi sa isang uri ng Liberty Jail, maaaring matukso kang isipin na malayo ang Diyos sa iyo. Ngunit maaaring sa mga panahong iyon ay mas malapit Siya nang higit pa!

Magkakasama sa Lahat ng Ito

Tulad ng ipinapakita ng panahon noong nasa Liberty Jail si Joseph Smith, dumarating sa ating lahat ang mga pagsubok kahit na sinusunod natin si Jesucristo.

Ipinaalala ng isa pang paghahayag sa Liberty Jail kay Joseph Smith na hindi siya ang unang nagdusa nang husto. Sinabi ng Panginoon, matapos ilarawan ang lahat ng uri ng pagdurusa: “Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?” (Doktrina at mga Tipan 122:8).

Dumarating ang mga pagsubok sa ating lahat. Ngunit dahil nagdusa ang Tagapagligtas para sa ating mga kasalanan at pasakit, mapapanatag tayong malaman na matutulungan Niya tayo na malagpasan ang ating pagdurusa. Sinabi ng Panginoon kay Joseph, “Huwag katakutan ang nagagawa ng tao, sapagkat ang Diyos ay kasama mo magpakailanman at walang katapusan” (Doktrina at mga Tipan 122:9). Matatanggap nating lahat ang tulong ng langit.

Jesucristo

Paano kayo natulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa inyong mga pagsubok? Sumulat tungkol sa ilang karanasan:

Pino at Mas Matatag

Hindi nasiyahan si Propetang Joseph Smith sa mga karanasan niya sa Liberty Jail. Subalit lumago siya sa pamamagitan ng mga karanasang iyon. At ang mga aral na natutuhan niya at mga paghahayag na natanggap niya ay nagbibigay-inspirasyon sa bawat isa sa atin sa ating mga pagsubok.

Itinuro ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Naniniwala ako na balang-araw, gugunitain ng bawat isa sa inyo ang nakanselang mga kaganapan, ang kalungkutan, kabiguan, at kalumbayang dulot ng mahihirap na panahon na pinagdaraanan natin upang makita na dinaig ito ng mga piling pagpapala at ibayong pananampalataya at mga patotoo. Naniniwala ako na sa buhay na ito, at sa kabilang-buhay, ang inyong mga pagdurusa, … ang inyong Liberty Jail, ay ilalaan para sa inyong kapakinabangan. Dalangin ko, kasama ni Nephi, na matanggap natin ang mga pagdurusa sa pagdaan ng ating panahon habang napapansin natin na tayo ay labis na pinagpapala ng Panginoon.”4

Kung ikaw ay nasa kalagitnaan ng iyong matitinding mga pagsubok, dapat mong malaman na, sa tulong ng Diyos, malalampasan mo ang mga ito kalaunan at magiging mas matatag at mas banal ka.

Paano ka napalakas ng Diyos sa pamamagitan ng mga pagsubok? Sumulat tungkol sa ilang karanasan: