2021
Paghahanda para sa Iyong Endowment
Oktubre 2021


“Paghahanda para sa Iyong Endowment,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2021.

Paghahanda para sa Iyong Endowment

Ibinahagi ng mga young adult ang kanilang mga karanasan kung paano sila naghanda para sa kanilang endowment at tumanggap nito sa templo.

Ang pagpunta sa templo para matanggap ang iyong endowment ay isang bagong karanasan para sa lahat. Kung hindi mo alam kung ano ang aasahan, natural lang na maging mausisa o kabado pa nga nang kaunti. Kapag mas inihahanda natin ang ating sarili, mas madarama natin ang Espiritu Santo kapag naranasan natin ang sagradong ordenansang ito sa templo sa unang pagkakataon—at sa bawat pagkakataon pagkatapos nito.

Kung hindi mo pa natatanggap ang iyong endowment, malamang ay may mga tanong ka—at OK lang na itanong ang mga ito! Ang magandang balita ay malalaman mo ang karamihan sa mga sagot bago ka pumasok sa templo. (Ang ilang tanong ay kailangang maghintay hanggang sa makapasok ka sa templo, at ang iba pa ay patuloy mong matututuhan sa pamamagitan ng habambuhay na pagdalo sa templo.)

Hiniling namin sa mga young adult sa iba’t ibang bahagi ng mundo na sagutin ang ilan sa mga tanong na maaaring kinakabahan kang itanong—at ang ilan na maaaring hindi mo pa naisip!

Ano ang nadama mo nang pumunta ka sa templo para matanggap ang iyong endowment? Ano ang nararamdaman mo kapag pumupunta ka ngayon?

Para sa akin, nahirapan akong kilalanin ang Espiritu dahil masyado akong nakatuon sa lahat ng iba pang nangyayari. Ngunit sa bawat pagpunta ko sa templo simula noon, nagiging mas komportable ako sa seremonya, at natututuhan ko ang tungkol sa simbolismo at kahalagahan ng mga tipan.

Johanna A., 21, Austria

Nagulat ako kung gaano kakomportable ang endowment. May mga bahagi ng endowment session na naiiba sa paraan ng ating pagsamba sa Simbahan, ngunit lahat ng ito ay may kahulugan. Ngayon, pakiramdam ko’y madali na akong makatuon sa Espiritu. Tahimik ito at walang mga gambala, kaya ginugugol ko lang ang oras para makasama ang Diyos.

Luke E., 21, Alberta, Canada

binata

Lucas E.: Provo City Center Temple

Mga paglalarawan ni Kahee Shin

Ano ang nakatulong sa iyo na madama na handa ka nang tanggapin ang iyong endowment?

Ang nakatulong sa akin na mas maunawaan ang templo ay ang pagbalik sa templo. Kung kaya mo, dalhin ang mga taong pinagkakatiwalaan at minamahal mo. Kapag nasa silid-selestiyal ka pagkatapos ng sesyon, maaari kang umupo sa tabi nila at mapitagang pag-usapan ang mga tanong mo at ang mga bagay na natutuhan mo.

Hannah S., 21, Alberta, Canada

dalaga sa templo

Hannah S.: Cardston Alberta Temple

Tiningnan ko ang lahat ng video at polyeto tungkol sa templo sa website ng Simbahan. May mga video tungkol sa kasuotan sa templo, garments, at kung ano ang hitsura ng silid para sa endowment at silid-selestiyal. Ang polyetong Paghahanda sa Pagpasok sa Banal na Templo ay nakatulong din sa akin na maging mas handa.

Johanna A., 21, Austria

dalaga sa templo

Johanna A.: Freiberg Germany Temple

Noon pa man ay gustung-gusto ko na ang 2 Nephi 2 pagdating sa pag-unawa sa mga ordenansa sa templo. Nililinaw nito ang mga bahagi ng plano ng kaligtasan na hindi ko naunawaan noon.

Zachary M., 21, Alberta, Canada

binata sa templo

Zachary M.: Los Angeles California Temple

Ano sana ang nakatulong sa iyo na magkaroon ng mas magandang unang karanasan?

Hindi ko alam na napakarami ko palang matututuhan sa endowment! Sana’y mas naghanda ako para sa karanasan ng pagkatuto sa loob ng templo sa pagsisikap na malaman pa ang tungkol sa simbolismo sa mga ordenansang pamilyar na sa akin.

Luke E., 21, Alberta, Canada

Sana’y nalaman ko na may mga partikular na tao sa loob ng templo na tutulong sa akin para sa aking unang endowment session. Nakamamangha sila! Binigyan nila ako ng name tag na ilalagay sa kamiseta ko para makita ng lahat na iyon ang unang pagkakataon ko, at ipinadama sa akin ng mga tao na malugod akong tinatanggap nang makita nila ang name tag na iyon. Kung nalaman ko ito nang mas maaga, nakatulong sana ito upang maging mas kampante ako.

Anna G., 24, Île-de-France, France

dalaga sa templo

Anna G.: London England Temple

Ano ang sasabihin mo sa isang taong nag-aalala tungkol sa pagpunta sa templo para matanggap ang kanyang endowment?

Ang bahay ng Panginoon ay isang kamangha-manghang lugar. Talagang pinagpala ako, at gusto ko na ang lahat ng kapamilya ko ay maging bahagi ng malaking pagpapalang ito.

Vida G., 29, Greater Accra, Ghana

dalaga sa templo

Vida G.: Accra Ghana Temple

Hihikayatin ko silang pag-aralan ang mga mensahe sa kumperensya at mga banal na kasulatan tungkol sa templo, magtanong, at maging bukas tungkol sa kanilang mga alalahanin. Nilinaw rin sa akin ng Rome Italy Temple open house video ang maraming bagay. Pinanood ko ito matapos kong matanggap ang aking endowment.

Johanna A., 21, Austria

Espirituwal na ihanda ang iyong sarili bago ka pumunta sa templo. Nagdasal ako na makatanggap ng paghahayag habang ginagawa ang endowment, magkaroon ng bukas na isipan, at makakita nang may espirituwal na mga mata. Alam kong handa ako kapag gusto kong magpunta sa templo para mas mapalapit sa Ama sa Langit, at hindi lamang para mag-usisa.

Anna G., 24, Île-de-France, France

Ano ang nagpalawak sa iyong pang-unawa tungkol sa endowment?

Ang pagbisita sa templo nang madalas hangga’t kaya ko ay nakatutulong sa akin na mas maunawaan ito. Tuwing lilisanin ko ang templo, nag-uukol ako ng oras na pagnilayan at ipagdasal ang mga bagong bagay na natutuhan ko sa sesyong iyon.

Michelle L., 24, Ecuador

dalaga sa templo

Michelle L.: Guayaquil Ecuador Temple

Ang pag-alala na ang lahat ng bagay sa seremonya sa templo ay nakaturo kay Cristo ay nakatulong sa akin na mas maunawaan ang endowment. Mula nang matanggap ko ang sarili kong endowment, nagbasa na ako ng mga mensahe, nag-aral ng mga banal na kasulatan, at nagtanong ng maraming bagay.

Johanna A., 21, Austria

Ang Templo ay tungkol sa Kapayapaan

Ang templo ay bahay ng Diyos, at masaya Siya na naroon ka. Maaaring may mga tanong ka kahit pagkatapos gawin ang ilang sesyon ng endowment, at OK lang iyan! Ang mahalaga ay patuloy na magpunta sa templo nang may bukas na isipan, mapagkumbabang espiritu, at kahandaang matuto ng isang bagong bagay.